Pasasalamat sa Diyos

 


Filipos 1:3 Ako'y nagpapasalamat sa aking Dios, sa tuwing kayo'y aking naaalaala, 4 Na parating sa bawa't daing ko, ay masayang nananaing ako na patungkol sa inyong lahat, 5 Dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon; 6 Na ako'y may lubos na pagkakatiwala sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa, ay lulubusin hanggang sa araw ni Jesucristo. 

Matapos ang pagbati ni Pablo, siya ay nanalangin para sa Diyos para sa mga taga-Filipos. May nakapansin na ang lahat ng epistula ni Pablo ay nagtataglay ng panalangin sa unahan, maliban sa Galatia at Tito, kung saan kinompronta ni Pablo ang legalismo sa Galatia at Creta. Isa sa mahalagang gawain ng isang ministro ay ang regular na ipanalangin ang kaniyang kongregasyon. Ang pananalangin para sa kongregasyon ay pagpapakita ng pagmamahal. 

Una sa lahat ay nagpasalamat siya sa Diyos Ama. Tinawag niya itong "aking Diyos," hindi dahil sa iba ang Diyos niya sa Diyos ng ibang apostol, kundi ito ay nagpapakita ng malapit na relasyon sa Diyos. Ganito rin ang sentimyento ni David na tinawag ang Diyos na "aking Pastol" sa Awit 23. Ito rin ang nasa likod sa banggit ni Pablo na "aking evangelio" sa Roma 2:16; 16:25; 2 Tim 2:8. Hindi ito nangangahulugan na iba ang evangelio ng kaligtasan na tinuturo ni Pablo sa ibang apostol. Nagpapakita lang ito na mayroon siyang sense of ownership dahil tinanggap niya ang evangelio ng Diyos bilang kaniya. 

Na ang panalanging ito ay hindi lang minsan kundi madalas ay makikita sa kaniyang banggit na "sa tuwing kayo'y aking naaalala." Ang pariralang ito ay hindi lang patungkol sa aktong kognitibo, kundi ginagamit sa Kasulatan sa ideyang pagmamalasakit sa naalala. Nang maalala ng Diyos si Noe, Kaniyang pinasimulang pahupain ang baha, Gen 8:1; nang maalala ng Diyos si Abraham, niligtas Niya si Lot, Gen 19:29; nang maalala ng Diyos si Rachel, binuksan Niya ang kaniyang sinapupunan, Genesis 30:22; at nang maalala ng Diyos ang Kaniyang tipan kay Abraham, Isaac at Jacob, nagpadala Siya ng tagapagligtas sa katauhan ni Moises, Exodo 2:24. Ganuon din naman, nang maalala ni Pablo ang mga taga-Filipos, siya ay nanalangin para sa kanila. Isa sa pinakamagandang bagay na magagawa ng isang tao para sa kaniyang kapwa ay ipanalangin sila. 

Ang pagdaing na ito ay hindi kaabalahan o pabigat. Sa halip "parating sa bawa't daing ko," na nagpapakita ng regular na panalangin para sa mga taga-Filipos, siya ay "masayang nananaing." Kasiyahan ni Pablo ang ipanalangin ang mga banal ng Filipos. Masaya rin ba kayong ipanalangin ang mga kapatid? Ang kaniyang panalangin ay hindi lang para sa iilan kundi para "sa inyong lahat." Naniniwala akong isa-isang ipinapanalangin ni Pablo ang mga banal. Hindi siya ang tipong nagsasabing, "Ama pagpalain mo ang lahat ng taga-Filipos." Sa halip, malamag ang kaniyang panalangin ay, "Ama ipinapanalagin ko si Euodias... Ipinapanalangin ko si Synteche... Ipinapanalangin ko si Epaproditus.... Atbp."

Bakit lubhang nakakasiya kay Pablo ang ipinalangin ang mga taga-Filipos? Dahil sa kanilang pakikitulungan sa kaniyang ministeryo.  Ang salitang "pakikisama" ay nagpapakita ng pakikipag-isa sa kaniyang gawain sa pamamagitan ng pagtulong pinansiyal, Fil 4:15-19. Mula pa sa pasimula "mula nang unang araw hanggang ngayon", sila ay katuwang sa "pagpapalaganap ng evangelio." Makikita rito ang malusog na ugnayan sa pagitan ng apostol at ng mga Cristiano sa Filipos. Sana lahat ng mga ministro ay may kaparehong malusog na ugnayan sa kanilang kongregasyon. Ang isa sa nakalulungkot na bagay ay ang nagpapagal ang ministro ngunit ang kongregasyon ay walang pakialam. 

Malaki ang kumpiyansa at tiwala ni Pablo sa mga taga-Filipos. Naniniwala siya na ang pag-abuloy ng mga taga-Filipos ay isang gawaing nagmula sa Diyos mismo, at hindi lamang sa kanilang sarili. Sa Filipos 2:12-13, ipahahayag niya na ang Diyos ang kumikilos sa kanila upang magnasa at gumawa. Ibig sabihin, ang Diyos ang nagbigay sa kanila ng pagnanasang mag-abuloy at ginawa nila ito dahil ang Diyos din ang kumilos sa kanila. Ang "araw ni Jesucristo" ay patungkol sa Rapture. Naniniwala si Pablo na magpapatuloy ang kagandahang-loob ng mga Cristiano hanggang sa Rapture. Gaya ng ibang apostol, hindi alam ni Pablo kung kailan babalik si Jesus para sa Iglesia. Naniniwala siya na kailan man ito mangyari, ang mga taga-Filipos ay patuloy na susuporta sa kaniyang ministri. 

Ilang mga puntos na gusto nating bigyang-diin:

1. Kumusta ang relasyon ng pulpito at ng iglesia? Mayroon ba silang malusog na relasyon? May "pakikisama" ba sila sa pagpapalaganap ng evangelio? O ipinatong na ng iglesia ang lahat ng obligasyon sa ministro at nanunood na lang mula sa gilid?  Ating tatandaan na ang ministri ay isang team effort, at hindi dapat ipatong sa iisa lamang tao. 

2. Kumusta ang buhay dalangin ng kongregasyon? Mga ministro, ipinapanalangin ninyo ba ang inyong kongregasyon? Mga miyembro, ipinapanalangin ninyo ba ang inyong ministro? Maraming hinaharap na pagsubok ang inyong ministro. Bukod sa karaniwang pinagdadaanan ng isang ordinaryong miyembro, siya ay nasa gitna rin ng pakikibaka laban sa Diablo, sa Sanlibutan at sa Laman, na lahat ay tulong-tulong sa paghandlang sa pagbahagi ng evangelio. 

3. Kongregasyon, sinusuportahan ba ninyo ang ministri? Hindi aandar ang ministri kung walang badyet. Pumapasok kayo sa gawain ng ministri sa bawat pisong inyong binibigay para sa ministri. Hindi man kayo personal na makalakad dahil sa kaabalahan sa trabaho, ang salaping inyong inaabuloy ay nagtatrabaho para sa inyo. Sabi nga ni Jesus, ang pag-abot ng baso sa isang propeta dahil sa siya ay propeta ay tatanggap ng gantimpala ng propeta, Mat 10:40-42. 

Ipagpapatuloy ko ito sa mga susunod na blogs. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Isang Pag-aaral sa 2 Corinto 5:17

Panalangin sa Kapatiran