Pakikisama sa Filipos


Filipos 1:5 Dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon.

Ang salitang pakikisama o fellowship ay nangangahulugan ng iba't ibang bagay sa iba't ibang tao. Kadalasan ang salita ay ginagamit upang ilarawan ang mga okasyon sa simbahan na may kainan, laro at programa. Minsan ginagamit din ito kapag may mga Cristiano mula sa ibang simbahan na dumayo upang maki-fellowship. O kaya ay ginagamit ito upang ilarawan kung aling mga simbahan ang magkakapareho ng paniniwala at pagpapahalaga gaya ng pagiging bahagi ng fellowship of churches. Lahat ng mga ito ay lehitimong gamit ng salita. 

Ang salitang fellowship ay nangangahulugang pagbabahagi sa iba o pagkakaroon ng kumon na interes sa iba. Maaari ka lamang makisama sa mga taong kapareho mo ng interes o mga taong komportable kanh ibahagi ang iyong sarili, oras, pera at lakas. Gaya ng sinulat ni Amos:

Amos 3:3 Makalalakad baga ang dalawa na magkasama, liban na sila'y magkasundo?

Ang pakikisama ay nanawagan ng pagbabahagi sa mga taong kapareho mo ng interes.

Ang aklat ng Filipos ay aklat ng kagalakan. Gaya nang nasabi na mahigit 18 na beses ginamit sa aklat na ito ang iba't ibang aklat patungkol sa kasiyahan. Maraming Cristiano ang may pag-aalinlangan kung ang kasiyahan ba ay may bahagi sa buhay Cristiano at ang maikling kasagutan ay mayroon. Ngunit tatandaan natin na ang ideya ng Kasulatan na kasiyahan ay iba sa ideya ng Sanlibutan. Sa Sanlibutan, ang kasiyahan ay nakadepende sa sirkumstansiya, kung ilan ang iyong pag-aari, kung nakuha mo ang iyong minimithi o kung nakatanggap ka ng papuri. Sa Kasulatan ang tunay na kasiyahan ay nasa Isang Persona- ang Diyos. 

Isang susi ng kasiyahang pang-Diyos ay ang pagkakaroon ng pakikisama o fellowship sa Kaniyang mga anak. Ginamit ng apat na beses ang salita sa pakikisama sa aklat na ito. Ang anyong pangngalan ay ginamit sa Filipos 1:4; 2:1; at 3:10 samantalang ang anyong pandiwa ay ginamit sa Filipos 4:15. 

1. Pakikisama sa Pagpapalaganap ng Evangelio

Filipos 1:5 Dahil sa inyong pakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio, mula nang unang araw hanggang ngayon.

Ang mga taga-Filipos ay may pakikisama kay Pablo sa pagpapalaganap ng evangelio mula pa nang pasimula "mula nang unang araw hanggang ngayon." Sila ay magkapardner sa pagbabahagi ng mensahe ng buhay. Isa sa mga paraang nagawa ito ng mga taga-Filipos bagama't hindi sila kasama ni Pablo sa pagbabahagi ng evangelio ay sa pamamagitan ng kanilang suportang pinansiyal, Gawa 16:40; Fil 4:15-16; 2 Cor 11:8. 

Gayon din sa kasalukuyan, isang paraan ang Cristiano ay nakikisama sa pagpapalaganap ng evangelio ay sa pamamagitan ng suportang pinansiyal. Ang mga manggagawa ay kumakain at may pamilyang sinusuportahan. Ang karamihan ay gumagawa sa pamamagitan ng kanilang mga kamay upang may pansuporta sa pamilya habang nagmiministri sa bakanteng oras. Isang paraang makatutulong ka sa kanila ay sa pamamagitan ng pagbibigay ayudang pinansiyal. Sa ganitong paraan, nababawasan ang kanilang mga isipin sa gastusin at mas makakatutok sa mga gawaing ministeryo. 

Maaari ka ring mag-isponsor ng ministri- prep school, youth choir, youth camp, tracts distribution at house to house evangelism, fellowship nights atbp. Lahat ng ito ay nangangailangan ng salapi upang maisagawa at ang pagboluntaryong sagutin ang mga pangangailangang ito ay pakikisama sa evangelio. 


2. Pakikisama ng Espiritu 

Filipos 2:1 Kaya nga kung mayroong anomang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anomang kaaliwan ng pagibig, kung mayroong anomang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anomang mahinahong awa at habag...

Isa pang pakikisama sa epistulang ito ay ang pakikisama ng Espiritu. Sa sitas na ito apat na bagay ang ipiniresenta ni Pablo na realidad sa mga taga-Filipos: Kung (at mayroon o totoo ito sa kanilang karanasan) 1. Anumang kasiglahan kay Cristo, 2. Anumang kaaliwan ng pag-ibig, 3. Anumang pakikisama ng Espiritu, at 4. Anumang mahinahong awa at habag. Ang kundisyon ng mga ito ay nagpapakitang ang mga ito ay totoo sa mga banal ng Filipos. 

Ano ang pakikisama ng Espiritu? Ito ay tumutukoy sa katotohanang ang mga taga-Filipos ay may bahagi sa Espiritu. Sa punto ng pananampalataya, ang mga Cristiano ay nilagay ng Espiritu sa Katawan ni Cristo at ang Espiritu ay nanahan sa kanilang mga katawan. May pakikisama sila sa Espiritu kapag sila ay lumalakad ayon sa aral ng Espiritu, Efeso 5:18; Colosas 3:16. Sa sandaling piliin nilang magkasala o makinig sa laman, nawawala ang kanilang pakikisama sa Espiritu bagama't maibabalik ito kung ikukumpisal sa Ama ang kasalanan. Dahil sa ang mga taga-Filipos ay may pakikisama sa Espiritu, sila ay makalalakad sa paraang makaluluwalhati sa Diyos. Nakalulungkot na ang pakikisamang ito ay nanganganib dahil sa pagkakahati na nagaganap sa kanilang kongregasyon. Dahil dito nanawagan si Pablo na sila ay magkaroon ng pagkakaisa sa apat na bagay, (2:2): 1. Pagkakaisa ng pag-iisip, 2. Iisang pag-ibig, 3. Iisang akala, at 4. Inulit niya ang pagkakaisa ng pag-iisip. Ang pagkakaisang ito ay pupuno sa katuwaang dati na niyang nararanasan dahil sa mga taga-Filipos. 

Gayon din naman, ang mga Cristiano ngayon ay dapat magkaroon ng pakikisama. May pakikisama tayo sa bawat isa kung tayo ay lumalakad sa iisang Espiritu at iisang doktrina, Gal 5:22-24; 1 Juan 1:1-4. Panatilihin natin ang pakikisamang ito. 

3. Pakikisama ng Kaniyang mga Kahirapan

Filipos 3:10 Upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kaniyang pagkabuhay na maguli, at ang pakikisama ng kaniyang mga kahirapan, na ako'y natutulad sa kaniyang pagkamatay;

Ito marahil ang pakikisamang aayawan natin, ang makisama sa kahirapan ni Cristo. Ngunit ang Biblia na ang nagsabi na ang lahat nang gustong sumunod sa lakad ni Cristo ay daraan ng kahirapang dulot ng pag-uusig, Juan 16:2-3; Gawa 14:22. Handa si Pablong maranasan ito at tinawag niya itong pagpupuno ng paghihirap ni Cristo, Col 1:24. Ang pakikisamang ito ay bahagi nang pagkakilala sa Kaniya (maintimasyang pagkakilala, hindi pagkakilala sa kaligtasan), at sa kapangyarihan ng Kaniyang pagkabuhay na maguli. Hindi natin mararansan ang kapangyarihan ni Cristo sa ating buhay kung hindi tayo handang maghirap para sa Kaniya. 

Gayon din sa ating kapanahunan. Kung gusto nating maranasan ang kapangyarihan ng Diyos, Ef 1:19-21, kailangan nating matutong magpasakop sa mga aral ng pagdurusa. Ngunit ang nakalulungkot, ito ang aspeto ng pagiging Cristiano na ating iniiwasan. Sabi ng isang meme na aking nabasa: Huwag mong sabihing handa kang mamatay para kay Cristo kung hindi ka handang tumawid ng kalsada para magsimba. Tayo ay nasa panahon ng komportable. Ayaw nating maistorbo ang ating mga buhay. Ang Biblia ay isang karagdagan sa mga panahong bakante tayo, at hindi sentral na bahagi ng ating pamumuhay. Huwag tayong magtaka kung tayo ay nakararanas ng paghihirap ngunit hindi natin maranasan ang kapangyarihan ng Kaniyang pagkabuhay na maguli at pakikisama ng Kaniyang kamatayan- ang ating mga paghihirap ay dala natin sa ating mga sarili, 1 Pedro 4:15, hindi ng pamumuhay para kay Cristo, 1 Pedro 4:16. 

4. Pakikiisa sa Pagkakaloob at Pagtanggap 

Filipos 4:15 At kayo mga taga Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimulan ang evangelio, nang ako'y umalis sa Macedonia, alin mang iglesia ay walang nakipagkaisa sa akin sa pagkakaloob at pagtanggap kundi kayo lamang.

Dito makikita natin ang praktikal na aspeto ng pakikisama ng mga taga-Filipos- sila ay kabahagi ni Pablo sa disiplina ng pagbibigay at pagtanggap. Marahil, dala na rin ng mga pag-aabuso sa sistemang ito, maraming Cristiano ang takot na magbigay sa kanilang mga ministro. Galit tayo na binubulsa ng mga ministro ang salaping ating hinahandog. Dito makikita natin ang mga taga-Filipos na hindi lamang naglalagay sa bulsa ni Pablo kundi sila mismo ang masikap na naghanap at nagpadala pa ng kinatawan, ai Epaproditus, upang matiyak na makararating ang salapi sa pangangailangan ni Pablo. Dahil dito, natugunan ang kaniyang mga pangangailangan, naluwalhati ang Diyos sa mabangong samyo ng kanilang pagahahandog, at ito ay magbubunga sa gantimpala para sa mga taga-Filipos, Fil 4:17-19. 

Ang masakit na katotohanan ay tinitipid natin ang mga ministrong nagtatrabaho para sa pagpapalago sa inyong espirituwal na paglago. Ang mga Cristiano ay handang magbayad ng tutor matuto lamang ang kanilang mga anak na bumasa, sumulat at magkwenta. Handang magbayad ng trainer, matuto lamang ng martial arts o iba pang kasanayan. Handang magbayad ng adviser, matapos lamang ang tesis. Lahat ito ay tama dahil ang manggagawa ay karapatdapat sa kaniyang bayad. Binabayaran ninyo ang kanilang oras, lakas at kasanayan. Ang nakalulungkot ay hindi natin ito naililipat sa espirituwal na bagay. Ayaw nating bayaran ang ating mga ministro upang sila ay makapagturo ng mga aral na ang kapakinabangan ay aabot hanggang eternidad. Tapos tayo pa angagrereklamo kung bakit hindi maganda ang choir o prep school o bakit walang youth camp. Marahil dahil ang ministrong gagawa niyan ay abala sa pagkukumpuni ng mga tolda upang mabuhay. Paano makakatutok ang mga ministro sa gawaing espirituwal kung kumakalam ang mga sikmura. Walang matinong ministro ang matitiis na nagugutom ang kaniyang pamilya. 

Ang apat na pakikisamang ito ay bahagi ng sikreto upang maging masaya. Nakakulong man si Pablo dahil sa kaniyang katapatan sa evangelio, ang puso niya ay may katuwaan dahil sa mga pakikisamang ito. Kung gusto nating maranasan ang susi ng katuwaan, bigyang pansin natin kung paano natin binabahagi ang ating mga sarili sa ating kapwa Cristiano. Ang namumuhay sa kadamutan at pagkamakasarili ay hindi makararanas ng tunay at tumatagal na kasiyahan. Ang kasiyahan ay nasa pagbabahagi sa bayan ng Diyos. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay