Filipos 1:1 Si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nangasa Filipos, pati ng mga obispo at ng mga diakono:
Ang pagbati ni Pablo ay nakadirekta sa dalawang grupo: 1. Mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos; 2. Mga obispo at diakono. Sa mga nakaraang blogs, nakita nating ang mga banal ay tumutukoy sa mga mananampalataya kay Jesus. Sa sandaling ang isang tao ay manampalataya kay Jesus, siya ay may buhay na walang hanggang at tinawag na banal. Hindi na kailangang siya ay mamatay, imbestigahan ng mga punong eklesiastiko ang kaniyang buhay, at gumawa ng himala sa kaniyang pangalan; ang banal ay sinumang sumampalataya kay Jesus. Siya ay banal dahil siya ay kinuha ng Espiritu Santo mula sa sanlibutan at inilagay kay Jesus na Banal. Kay Cristo nakibahagi ang mananampalataya sa buhay, katuwiran, kabanalan at eternalidad ni Cristo. Siya ay nakatalaan para kay Cristo.
Sa nakaraan ding blogs, tinalakay natin na ang presensiya ng mga obispo at diakono ay nagpapakitang may organisasyon sa Filipos. Nakita nating ang mga obispo ay ang pastor at matanda ng simbahan. Siya ang tagapamahala ng simbahan sa pamamagitan ng pagtuturo ng Salita ng Diyos. Ang mga diakono ay ang kaniyang katuwang sa pamamahala sa pamamagitan ng pag-aasikaso ng mga admnnistratibong bagay upang ang pastor ay hindi magambala sa pananalangin at sa pag-aaral at pagtuturo ng Salita. Sa blog na ito, titingnan natin ang kwalipikasyon ng obispo; sa susunod na blog ang kwalipikasyon ng diakono.
1 Timoteo 3:1 Tapat ang pasabi, Kung ang sinoman ay magsisikap na maging obispo, ay mabuting gawa ang ninanasa.
Ayon kay Pablo, sinumang nagsisikap na maging obispo ay may mabuting pagnanasa. Samakatuwid ang pagiging obispo ay isang opisinang dapat pagsikapan ng isang Cristiano. Walang masama sa pagnasang maging obispo. Kailangan mo lang ng kwalipikasyon.
Ang kwalipikasyon ay dinetermina ng Espiritu Santo sa sandaling ikaw ay manampalataya. Isa sa mga ginawa ng Espiritu para sa iyo ay ang bigyan ka ng isa (o higit pang) kaloob. Isa sa mga potensiyal na kaloob ay ang kaloob ng pagiging obispo o pastor, Roma 12:4-8; Ef 4:11-13; 1 Cor 12:27-31; 1 Ped 4:10-11. Tanging lalaki lang ang binigyan ng kaloob na ito at tungkulin niyang ituro ang Salita ng Diyos upang lumago ang mga Cristiano sa pananampalataya. Samakatuwid ang Diyos ang nagpipili ng magiging pastor ng Kaniyang bayan. Ang tungkulin ng mga Cristiano ay kilalanin ang mga lalaking ito at magpasakop sa kaniyang turo.
Sa 1 Timoteo 3 at Tito 1, nasulat ang mga kwalipikasyon upang makilala ang mga lalaking may kaloob ng pagiging pastor o obispo.
1 Timoteo 3:2 Dapat nga na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, mapagpigil, mahinahon ang pagiisip, mahusay, mapagpatuloy, sapat na makapagturo;
3 Hindi magulo, hindi palaaway, kundi malumanay, hindi mapakipagtalo, hindi maibigin sa salapi;
4 Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan;
5 (Nguni't kung ang sinoman nga ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sangbahayan paanong makapamamahala sa iglesia ng Dios?)
6 Hindi baguhan, baka siya kung magpalalo ay mahulog sa kaparusahan ng diablo.
7 Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo ng nangasa labas, baka mahulog sa kapintasan at silo ng diablo.
Tingnan ito ng paisa-isa.
Dapat nga na ang obispo ay
1. "Walang kapintasan". Ayon sa Tito 1:7 ang dahilan kung bakit siya ay walang kapintasan ay dahil siya ay "katiwala ng Diyos." Anumang sa Diyos ay dapat walang kapintasan. Kahit ang mga handog na hayop sa Lumang Tipan ay dapat walang kapintasan. Ang mga sumusunod na sitas ang magpapaliwanag kung ano ang walang kapintasan. Kapag sinabing walang kapintasan, hindi ibig sabihin ay walang kasalanan. Ang pinakamagandang paliwanag na narinig ko tungkol sa pang-uring ito ay mula sa ilustrasyon ng isang paslit na nag-aaral na sumulat ng kaniyang titik. Walang matinong guro ang sasabihing makasalanan ang isang dalawang taong gulang kung siya ay sumusulat ng baluktot na titik. Hindi lamang iyan, dahil sa bata pa ang kaniyang edad, walang makapipintas sa dalawang taong bata kung baluktot ang mga titik at kung may isa o dalawang maling pagkasulat. Ibang usapan kung siya ay edad kolehiyo na at mali-mali ang kaniyang titik. Mapipintasan siya dahil sa edad niyang iyan, inaasahang marunong na siyang sumulat nang maayos. Ganuon din naman ang isang pastor ay hindi nangangahulugang walang kasalanan, kundi base sa kaniyang maturidad ay walang masasabi sa kaniyang pintas. Halimbawa bilang pastor, inaasahang marunong siyang mag-interpreta sa konteksto. Kung hindi siya marunong, mapipintasan talaga siya kasi inaasahan iyan sa kaniya. Bilang pastor, inaasahang siya ang pinakamaturo sa kongregasyon, kung siya ay isip-bata at reklamador, mapipintasan talaga siya. Samakatuwid, dapat walang masabi ang kongregasyon tungkol sa kaniyang panlabas na demonstrasyon ng maturidad. Hindi ibig sabihin lagi siyang tama o siya ay perpekto, kundi kahit sa imperpeksiyon o pagkakamali niya, walang maipipintas ang mga tao kasi alam nilang ginawa niya ang kaniyang pinakamahusay.
2. "Asawa ng isa lamang babae". Hati ang mga teologo kung nangangahulugan itong 1) sa buong buhay niya isa lamang ang kaniyang babae, samakatuwid, isang beses lamang kinasal (absolute monogamy) o 2) kung nangangahulugan itong sa anumang sandali, mayroon siyang iisa lamang asawa (serial monogamy). Kung una, ibig sabihin, hindi maaaring maging pastor ang mga hiwalay at diborsiyado o may ikalawang asawa. Kung ikalawa, maaari silang maging pastor, hangga't biblikal ang diborsiyo at hindi sabay-sabay ang pag-aasawa (bigamya). Madalas itong ikumpara sa 1 Tim 5:9, kung saan ang balong maaaring tulungan ay dapat asawa ng iisang lalaki. Sa liwanag ng payo ni Pablo na ang batang babaing balo ay mag-asawa muli, 1 Tim 5:14, masasabi nating ang pagiging asawa ng isa lamang babae ay tumutukoy sa ikalawang diwa o serial monogamy.
3. "Mapagpigil". Ito ay isa sa bunga ng Espiritu, Gal 5:22-24, na nagpapakitang siya ay maturo sa pananampalataya. Hindi siya basta-basta bumibigay sa laman at hindi siya padalos-dalos sa desisyon.
3. "Mahinahon ang pagiisip". Hindi lasing kung mag-isip, samakatuwid ay kontrolado ang huwisyo. Natatali niya ang isipan at hindi siya nadadala ng emosyon.
4. "Mahusay". Nangangahulugang siya ay maingat sa pag-iisip. Nagpaplano siya at naiiwasan ang mga halatang kapahamakan.
5. "Mapagpatuloy". Ang literal na kahulugan ay mapagmahal sa mga estranghero, samakatuwid ay hospitable. Marunong siyang magpakita ng pagmamahal sa nangangailangan.
6. "Sapat na makapagturo". Kailangang ang obispo ay may kakayahang magturo sa paraang mauunawaan ng tinuturuan. Ang paggamit ng matataas na pananalita anupa't hindi nauunawaan ng ordinaryong miyembro ay pagmamalaki sa kaniyang kaalaman. Kaya niyang kunin ang mahirap na doktrina at gawin itong simple na kahit ang mga bata ay makauunawa.
7. "Hindi magulo". Hindi siya lulong sa alak at pasimula ng kaguluhan, Ef 5:18. Ang taong magulo ay hindi makapagtuturo ng kahinahunan sa kaniyang kongregasyon.
8. "Hindi palaaway". Hindi siya gumagamit ng kamao o ng pwersa upang ipilit ang kaniyang gusto. Hindi siya nagpapasimula ng sigalot sa loob at labas ng simbahan. Hindi siya basag-ulo at sanggano.
9. "Kundi malumanay". Siya ay lalaki ng kapayapaan. Sa halip ng away, ang kaniyang lenggwahe ay pagbabati.
10. "Hindi mapakipagtalo". Hindi siya interesado sa mga kontrobersiyal na usapan na nagdadala ng init sa halip na liwanag.
11. "Hindi maibigin sa salapi". Sinumang iniisip na ang pagiging ministro ay pagkakaperahan ay hindi karapatdapat na maging pastor. Dapat sa kaniya ay magnegosyo o mamasukang empleyado.
12. "Namamahalang mabuti ng kaniyang sariling sangbahayan, na sinusupil ang kaniyang mga anak na may buong kahusayan". Samakatuwid, maayos ang patakbo niya sa pamilya. Ang pamilya ang basikong sosyal na saligan ng simbahan at kung ang obispo ay hindi kayang pamahalaan ang kaniyang pamilya, paano niya mapamamahalaan ang mga hindi niya kapamilya sa laman ngunit kapatid sa espiritu? Ito ang tanong ni Pablo: "Nguni't kung ang sinoman nga ay hindi marunong mamahala sa kaniyang sariling sangbahayan paanong makapamamahala sa iglesia ng Dios?" Bilang obispo, ang kaniyang pamumuhay ang magiging halimbawa ng kaniyang mga tupa at kung hindi niya mapasunod ang pamilya, magiging katitusuran ito sa kapatiran at magiging dahilan ng paghihimagsik sa kaniyang awtoridad.
13. "Hindi baguhan" ibig sabihin hindi bata sa pananampalataya kundi may gulang na. Ang dahilan ay "baka siya kung magpalalo ay mahulog sa kaparusahan ng diablo." Ang isang baguhan sa pananampalataya ay tinatangay ng hangin sa iba't ibang dako. Basta may bagong doktrina, dala siya ng nobelidad ng doktrina. Magreresulta ito sa pag-aakalang siya ay may rebelasyong hindi pa kailan nalaman ng iba at magreresulta sa kapalaluan. Ito ay magreresulta sa disiplina ng Diyos kung paanong pinarusahang ng Diyos ang diablo, Isaias 14; Ezek 28.
14. "Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo ng nangasa labas, baka mahulog sa kapintasan at silo ng diablo." Dapat ding may maganda siyang testimonyo sa mga taga-labas. Dahil sa ang pagiging obispo ay isang gawaing ang kaharap ay mga tao, kailangang siya ay maayos ang lakad. Ang pinakamasakit na maaaring marinig ng isang ministro ay, "Iyan? Isang mangangalunya (lasenggero, basagulero, magnanakaw, isuksok mo ang anupang kapintasan)? Salamat na lang pero wala akong interes sa iyong Cristianismo. Dahil sa iba't iba ang personalidad ng mga tao, imposibleng mapasaya ang lahat pero ibang usapan kung mau maituturo silang partikular na kasalanan sa buhay ng ministro. Ikatitisod nila ito at sa halip na makinig sa mensahe ay maaaring maging dahilan upang sila ay magpasimula ng kampanya laban sa simbahan.
Bukod sa 1 Timoteo, may listahan din sa Tito 1.
Tito 1:7 Sapagka't dapat na ang obispo ay walang kapintasan, palibhasa siya'y katiwala ng Dios; hindi mapagsariling kalooban, hindi magagalitin, hindi manggugulo, hindi palaaway, hindi masakim sa mahalay na kapakinabangan;
8 Kundi mapagpatuloy, maibigin sa mabuti, mahinahon ang pagiisip, matuwid, banal, mapagpigil;
9 Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo, upang umaral ng magaling na aral, at papaniwalain ang nagsisisalangsang.
Bibigyang pansin lang natin ang hindi pa nababanggit.
15. "Hindi mapagsariling kalooban". Samakatuwid hindi niya pinipilit ang kaniyang kalooban kahit labag sa Kasulatan o tutol ang iba. Hindi siya namamanginoon sa iba. Sa halip na sariling kalooban, gaya ni Jesus, ang kaniyang bukambibig ay, "Hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban Mo ang mangyari."
16. "Hindi magagalitin". Dahil ang galit ng tao ay hindi gagawa ng katuwiran.
17. "Hindi masakim sa mahalay na kapakinabangan." Hindi pera o anumang benepisyo ang habol niya kundi tapat at sinserong paglilingkod sa kapatiran.
18. "Maibigin sa mabuti." Lahat ay sinusubok niya upang malaman ang mabuti at iniiwasan ang masama.
19. "Mahinahon ang pagiisip." Hindi magagalitin, hindi emosyonal, hindi matampuhin o reklamador.
20. "Matuwid." Praktikal na katuwiran. Lahat ng Cristiano ay may posisyunal na katuwiran ngunit ang papasok sa pagiging obispo ay nagangailangan ng karagdagang praktikal na katuwiran.
21. "Banal." Praktikal na kabanalan. Tinatalaga niya ang kaniyang sarili sa mga bagay na pang-Diyos.
22. "Na nananangan sa tapat na salita na ayon sa turo". Samakatuwid pinangahahawakan, iniingatah niya ang evangelio at doktrina. Hindi siya kasuwal na tagapakinig kundi nakikinig na may intensiyong gamitin ang natutunan. Ang dahilan kung bakit siya ay nananangan sa salita ay 1) "upang umaral ng magaling na aral"- hindi mo maituturo ang hindi mo taglay; at 2) "papaniwalain ang nagsisisalangsang"- hindi maiiwasang may kokontra sa aral, ang obispo ay dapat may kakayahang sagutin ang mga pagtutol na ito dahil kung hindi baka makakumbinse ito ng mga baguhang Cristianong wala pang malalim na ugat sa doktrina.
May karagdagan din si Pedro:
1 Pedro 5:2 Pangalagaan ninyo ang kawan ng Dios na nasa inyo, na magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios; ni hindi dahil sa mahalay na kapakinabangan, kundi sa handang pagiisip;
3 Ni hindi din naman ang gaya ng kayo'y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo'y maging mga uliran ng kawan.
Muli bibigyang-diin lang natin ang hindi pa nabanggit.
23. "Magsigamit kayo ng pagpupuno, na hindi sapilitan, kundi may kasayahan, na ayon sa kalooban ng Dios." Hindi siya napipilitan lamang kundi may kasiyahan dahil kumbinsido siyang ito ang kalooban ng Diyos para sa kaniya.
24. "Ni hindi din naman ang gaya ng kayo'y may pagkapanginoon sa pinangangasiwaang ipinagtagubilin sa inyo, kundi kayo'y maging mga uliran ng kawan." Samakatuwid walang power tripping. Bilang obispo, hindi niya layon na idisplay ang kaniyang kapangyarihan kundi sa kapakumbabaan ay paglingkuran ang mga tupa. Hindi siya gaya ng mga pinunong Gentil na namamanginoon sa kanilang nasasakupan, ayaw man o hindi, kundi tapat na naglilingkod kahit walang pasalamat.
Ang 24 na kwalipikasyong ito ay hindi komprehensibo ngunit makikita nating ito ay nanawagan ng espesyal na katangian. Hindi lahat ay may maturidad upang taglayin ito dahil madalas tayo ay alipin ng ating laman. Ngunit sa mga handang isakripisyo ang kanilang sarili sa paglilingkod, may putong ng kaluwalhatiang naghihintay, 1 Ped 5:4.
Kaya nasabi ni Santiago,
San 3:1 Huwag maging guro ang marami sa inyo, mga kapatid ko, yamang nalalamang tayo'y tatanggap ng lalong mabigat na hatol.
2 Sapagka't sa maraming mga bagay tayong lahat ay nangatitisod. Kung ang sinoman ay hindi natitisod sa salita, ay isang taong sakdal ang gayon, may kaya rin namang makapigil ng buong katawan.
Handa ka bang pumasok sa kapatiran ng iilang handang isakripisyo ang kanilang buhay at pangarap para sa iba?
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment