Araw Ng Mga Nanay, Kawikaan 31:30-31



Isaias 66:13 Kung paanong ang sinoma'y inaaliw ng ina gayon ko aaliwin kayo; at kayo'y mangaaliw sa Jerusalem.

Isaias 49:15 Malilimutan ba ng babae ang kaniyang batang pasusuhin; na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kaniyang bahay-bata? oo, ito'y makalilimot, nguni't hindi kita kalilimutan.

Sinusulat ko ito alas onse ng gabi, Mayo 11, para sa ina ng aking mga anak, si Lerna. Bukas, Mayo 12 ay Araw ng mga Nanay. Nagkataong Linggo at may simba kaya baka hindi ko ito maisulat kaya ngayon pa lang isusulat ko na. Bukas, ibabahagi ko na lang ito sa aking Facebook. Gusto ko ipaalam sa buong mundo ang aking apresasyon at pagpapahalaga sa napakahalagang papel ng mga nanay, partikular ng aking misis, sa pagpapatakbo ng aming pamilya. 

Napakahalaga ng papel na ginagampanan ng mga Misis sa pagbuo at pagyaman ng pamilya. Nang naghanap ang Diyos ng metapora upang ipakita ang Kaniyang pag-ibig sa Kaniyang bayang Israel, pinili Niyang ihayag ito sa pagkumpara sa pag-aaliw at pag-alala ng nanay sa kaniyang anak. Gaano man kalaki ang pag-ibig ng nanay sa kaniyang anak, mas higit ang pag-alala ni Yahweh sa bansang Israel. 

Ang ganitong paghahambing ay makikita rin sa 1 Tesalonica:

1 Tesalonica 2:7 Kundi kami ay nangagpapakalumanay sa gitna ninyo, na gaya ng isang sisiwa pagka inaamoamo ang kaniyang sariling mga anak.

Ang "sisiwa" ay "nursing" sa Ingles, nag-aaruga o nag-aalaga. Kinumpara ni Pablo ang kaniyang pagmamalasakit sa mga taga-Tesalonica sa pag-aaruga ng isang ina. Nagpapakita ito na mataas ang pagtingin ng Luma at Bagong Tipan sa institusyon ng mga nanay. Maraming nanay ang pinapakita sa Biblia bilang huwarang mga ina, kabilang na sila Hannah, nanay ni Samuel; Elisabeth, nanay ni Juan Bautista; Rebeka, nanay ni Jacob; Jochebed, nanay ni Moises; at siyempre, si Maria, nanay ng Panginoong Jesus. Ang bawat isa sa kanila ay nagpakita ng kalakasan upang mapalaki ang kanilang mga anak na magkaroon ng mahalagang papel sa plano ng Diyos. 

Ano nga ba ang katangian at gampanin ng isang nanay?

Tito 2:4 Upang kanilang maturuan ang mga babaing may kabataan na magsiibig sa kanikaniyang asawa, magsiibig sa kanilang mga anak, mangagpakahinahon,
5 Mangagpakahinahon, mangagpakalinis, mangagpakasipag sa bahay, magagandang-loob, pasakop sa kanikaniyang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Dios.

Sa Tito 2, nagbigay si Pablo kay Tito ng ilang aral upang ibahagi sa matatanda at batang lalaki at babaeng Cristiano. Bahagi ng tungkulin ng mga Cristianong babae ang turuan ang mas nakababatang babae na maging masinop sa kaniyang sambahayan. Sila ay dapat maging maibigin sa kanilang mga asawa, maibigin sa kanilang mga anak, mahinahon, malinis, masipag sa bahay, maganda ang kalooban, nagpapasakop (hindi nagpapaabuso) sa kanilang mga asawa at nakaluluwalhati ("upang huwag lapastanganin ang Salita ng Diyos.") Kung tayo ay magiging tapat sa ating mga sarili, sino ba ang hindi magnanais na magkaroon ng ganitong ilaw ng tahanan?

Hindi lamang iyan, ang mga nanay din ay katuwang ng kanilang mga asawang lalaki sa pagtuturo ng Salita ng Diyos sa kanilang pamilya. Hindi lang sila puro gawaing bahay kundi pati gawaing patungkol sa espirituwal. 

Deuteronomio 6:6 At ang mga salitang ito, na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ay sasa iyong puso; 7 At iyong ituturo ng buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasalitain tungkol sa kanila pagka ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, at pagka ikaw ay lumakad sa daan, at pagka ikaw ay nahihiga at pagka ikaw ay bumabangon. 8 At iyong itatali na pinakatanda sa iyong kamay at mga magiging pinakatali sa iyong noo. 9 At iyong isusulat sa itaas ng pintuan ng iyong bahay at sa iyong mga pintuan-daan. 

Sila ang bibig ng Panginoon sa pagpasa ng Kaniyang Salita sa mga anak. Makikita natin ito sa halimbawa ni Eunice:

2 Timoteo 1:5 Na inaalaala ko ang pananampalatayang hindi pakunwari na nasa iyo; na namalagi muna kay Loida na iyong lelang, at kay Eunice na iyong ina; at, ako'y naniniwalang lubos, na nasa iyo rin naman.

2 Timoteo 3:14 Datapuwa't manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan at sa pinagkaroonan mo ng katunayan, yamang nalalaman mo kung kanino mo nangatutuhan; 15 At mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.

Mula pa pagkasanggol tinutukan ni Eunice ang espirituwal na edukasyon ni Timoteo anupa't ang kaalaman ng Lumang Tipan ang nagbigay sa kaniya ng karunungan sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Wala nang mas hihigit pa sa doktrinang maipapasa ng isang ina sa kaniyang mga anak:

Kawikaan 1:8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina.

Kawikaan 6:20 Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina.

Bukod sa gawaing bahay at espirituwal na edukasyon, ang mga ina ay tumutulong din sa kabuhayan:

Kawikaan 31:14 Siya'y parang mga sasakyang dagat ng kalakal; nagdadala siya ng kaniyang pagkain mula sa malayo. 15 Siya'y bumabangon naman samantalang gabi pa, at nagbibigay ng pagkain sa kaniyang sangbahayan, at ng kanilang gawain sa kaniyang alilang babae. 16 Kaniyang minamasdan ang bukid at binibili: sa pamamagitan ng kaniyang kamay ay nagtatanim siya ng ubasan. 17 Binibigkisan niya ang kaniyang mga balakang ng kalakasan, at nagpapalakas ng kaniyang mga bisig. 18 Kaniyang namamalas na ang kaniyang kalakal ay makikinabang: ang kaniyang ilaw ay hindi namamatay sa gabi. 19 Kaniyang itinangan ang kaniyang mga kamay sa panulid, at ang kaniyang mga kamay ay humahawak ng panghabi.

Sa Kawikaan 31, makikita natin ang mabait na babae. Ang salitang ginamit ay nangangahulugang maginoo, chivalrous, a woman of valor and excellence. Isa sa kaniyang kahanga-hangang katangian ay ang gamitin ang kaniyang mga kamay upang tumulong sa kabuhayan ng pamilya. Dahil dito ang kaniyang asawa at mga anak ay malaki ang tiwala at ipinagmamalaki siya. Tunay na malaki ang ambag ng mga nanay sa pamilyang Cristiano. Hindi lamang sila mga ilawan, sila rin ang kaluluwa ng sambahayan. 

Narito ang ilang mga ekselenteng artikulo tungkol sa pagiging nanay:

https://heavenwardhome.com/blog/characteristics-godly-mother

https://www.gotquestions.org/mothers-Christian.html

https://www.biblestudytools.com/bible-study/topical-studies/what-does-the-bible-have-to-say-to-mothers.html

https://www.openbible.info/topics/being_a_mother    

Gaya nang aking sinabi kanina ito ay appreciation post para sa aking kabiyak at nanay ng aking mga anak. Nagpapasalamat ako sa Mahal na Diyos na pinagtagpo Niya kami, kung paanong dinala ng Diyos si Eva kay Adan bilang kakumpletuhan at kasakdalan ng lalaki. Ang aking Misis ay tunay na aking EZER, katuwang, katulong sa buhay. Hindi ko mabibilang sa aking mga daliri sa kamay at paa ang lahat ng sakripisyo bilang isang asawa at nanay. Masinop siya sa aming tahanan, na sinisikap na pagkasiyahin ang aking munting sweldo upang matugunan ang aming mga pangangailangan at may pantulong pa sa simbahan at ibang nangangailangan, Kawikaan 31:20-31; Tito 2:4-5. Gaya ni Sarah, ang aking asawa ay naging magalang sa aking awtoridad, 1 Pedro 3:1-6; Efeso 5:22-24. Katuwang ko rin siya sa pagtuturo ng Salita ng Diyos sa aming mga anak. Isa sa aking pasasalamat sa Diyos ay pareho kaming Cristiano, 2 Corinto 6:14-15, at dahil dito may pagkakaisa kami sa pagpapalaki ng aming pamilya sa takot ng Panginoon, Josue 24:15; Awit 22:6. Ganuon din, tiniis ng aking misis ang higit limang taong pangingibang-bansa bilang domestic helper upang makatulong sa aming kabuhayan. Lagi kong sinasabi sa aking mga anak, ang inyong mommy ay Super Mommy. Wala nang katulad niya. Hiling ko sa Panginoon na patuloy kaming mamuhay na buong pamilya at naglilingkod sa pangangalaga ng aming mabait na mommy. 

Loving binabati kita ng Happy Mother's Day. Alam kong hindi madali ang buhay at napapagod ka pero ginagawa mo ang lahat sa amin. Tunay na masasabi ko mula sa aking kalooban, Kawikaan 31:29:

"Maraming anak na babae ay nagsisigawang may kabaitan, NGUNIT IKAW, AY HUMIHIGIT SA KANILANG LAHAT."

Ako na ang pinakamapalad na mister, vs 23, 28.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)











Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Pagtigas ba ng Puso ni Faraon ay Patunay na Siya ay Reprobate at Pupunta sa Impiyerno?

Ano ang ibig sabihin ng Awit 49:7-9?