Ang Aking Mensahe sa Pagtatapos ng Akademikong Taon



Una sa lahat, ang aking pasasalamat sa Diyos na nagbigay sa inyo ng husay at tiyaga upang matapos ang taong akademiko. Alam kong hindi madali ang pagsabayin ang pag-aaral at pagiging Cristiano at may mga pagkakataong kahit Linggo, at araw ng pagsamba, ay napipilitan kayong lumiban sa simbahan o kaya naman may pagtitipon sa paaralan ngunit kasabay ng simbahan at lumiban kayo sa paaralan. Pero salamat sa Diyos, natapos ninyo ang taon. 

Ikalawa, pagbati at natamo ninyo ang bunga ng inyong paghihirap. Ikaw Naomi ay With High Honors at ikaw Ephraim ay With Honors. Nakatanggap kayo ng medalya at sertipiko bilang patunay na tagumpay ninyong naipasa ang lahat na hinihingi ng paaralan. Testamento ang mga iyan ng inyong pagsusunog ng kilay. Proud na proud ako sa inyong dalawa. May nagsasabing masama ang maging proud. Sa tingin ko walang masama sa pagmamalaki sa pagsisikap ng mga anak. Ang masama ay ang itaas ko kayo sa pedestal at ibagsak ang iba para magawa ito. 

Ngunit mga anak, sana tandaan ninyo na anumang karangalang makuha ninyo sa sanlibutang ito ay pansamanta lamang. Sabi nga ni Pablo sa 1 Corinto 9:25, 

1 Corinto 9:25 At ang bawa't tao na nakikipaglaban sa mga palaruan ay mapagpigil sa lahat ng mga bagay. Ginagawa nga nila ito upang magsipagtamo ng isang putong na may pagkasira; nguni't tayo'y niyaong walang pagkasira.

Bagama't sa konteksto ang putong na tinutukoy ni Pablo ay ang mga koronang dahon na nilalagay sa ulo ng mga nanalo sa Isthmian at Olympic Games, at ginamit niya ito upang ilarawan kung gaano mas dakila ("hindi nasisira") ang putong sa mga Cristianong nagtagumpay sa espirituwal na buhay, maaari rin natin itong gamitin sa anumang parangal na maibibigay ng sanlibutang ito. Hindi sila magtatagal. Magdadala sila ng pansamantang ligaya at pagkilala, at pagkatapos wala na. Sa bahay maraming medalya ang kinakalawang na at ginagawang paper weights, at napakaraming sertipiko ang inanay at nasira na. Ganiyan ang kalikasan ng mga parangal ng sanlibutan- pansamantala at nasisira. Pagtrabahuhan ninyo ang mga putong na hindi nasisira. 



Sa 1 Corinto 9:24-27, kinumpara ni Pablo ang Cristianong pamumuhay sa isang Palaro. Kinumpara niya ang Cristianong pamumuhay sa isang takbuhan at isang boksing. Nananawagan siya sa mga Cristianong tumakbo sa paraang mananalo ng gantimpala (at hindi mapadiskwalipika) at sumuntok na tumatama (hindi puro hangin). Nagpapakita ito ng intensiyonal na pamumuhay. Ito raw ang pamumuhay na karapatdapat magtamo ng gantimpala. Mga anak mabuhay kayo sa paraang alam ninyong malulugod ang Diyos sa inyo. Huwag ninyong isipin ang iniisip ng ibang tao. Maliit lang ang ating simbahan at iilan lang tayo, ngunit kung ang bawat isa ay tumatakbo at sumusuntok nang may intensiyon, malaki ang ang magigi nating impakto sa sanlibutan. Ang mahalaga ay ang kaluguran ng Diyos at hindi ng mga tao.

Sa Biblia, maraming putong na nababanggit. 

1. Nariyan ang putong ng buhay (San 1:12; Pah 2:10). Hindi ito pangako ng buhay na walang hanggan. Iyan ay natamo sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ang putong na ito ay binibigay sa mga Cristianong namuhay na may dakilang oag-ibig sa Kaniya kahit pa sa punto ng pagiging martiro. Iyan ay putong na hindi masisira. 

2. Nariyan din ang putong na hindi nasisira ng 1 Corinto 9:25. Ito ay kinumpara sa mga koronang nasisira na pinagkakaabalahan ng mga manlalaro (mga nabubuhay lamang sa sanlibutang ito). Ito ay ibinibigay sa mga tumakbo at sumuntok nang maayos, samakatuwid, sa mga nabuhay nang may disiplina at pagtitiis. Hindi alintana ang hirap ng buhay makatakbo lang sa paraang makaluluwalhati sa Diyos at karapatdapat sa putong. 

3. Ang ikatlo ay ang puting ng katuwiran, 2 Tim 4:8. Hindi ito ang walang hanggang katuwiran na tinamo natin sa kaligtasan. Ito ay putong sa pamumuhay nang matuwid at nagmamahal sa Kaniyang muling pagbabalik sa Rapture. Makikita ang aspeto nang pamumuhay matuwid sa sinulat ni Pablo sa 2 Tim 4:5-7. Maging matiyaga sa katuwiran, mangaral sa lahat ng kapanahunan at maghintay nang may kumpiyansa sa Rapture. 

4. Ang ikaapat ay ang putong ng kaluwalhatian para sa mga matanda na matapat na nagpakain at namahala sa mga tupa upang madala sila sa maturidad, 1 Pedro 5:4. Makikita sa 1 Pedro 5:1-4 ang mga hinihinging katapatan sa matatanda. Sa aking palagay, kahit ang mga ordinaryong Cristianong nakibahagi sa ministri sa pamamagitan ng panalangin at abuloy ay karapatdapat din sa putong na ito, Mat 10:40-42. Halimbawa dito ay ang mga Cristiano ng Filipos, Fil 1:3-7; 4:14-19. 

5. Ang ikalima ay ang putong ng katuwaan para sa mga nagbahagi ng evangelio sa iba 1 Tes 2:19; Fil 4:1. Ang bawat taong naligtas dahil sa ating ministri ay isang korona. Kaya maging masikap tayo sa pagbabahagi ng mensahe ng buhay na walang hanggan. Muli, naniniwala akong ang mga Cristianong nakikibahagi sa evangelio sa pamamagitan ng panalangin at abuloy ay maaaring magkaroon ng putong na ito. 

Iyan ay mga putong pa lamang. Nagbabanggit din ang Kasulatan ng mga ginto at lunsod, karapatang magharing kasama ni Cristo, mga pribilehiyo gaya ng pagkain ng natatagong mana o karapatang kumain sa Puno ng Buhay at pagiging haligi sa templo ng Diyos. Nariyan din siyempre ang pangako ng pag-upo sa kaliwa at kanan ni Cristo na hinihiling ng magkapatid na Juan at Santiago. Napakaraming gantimpalang binabanggit ang Biblia at ang mga ito ay eternal. 

Mga anak, ang mga medalya, sertipiko at tropeo ay masaya sa pakiramdam ngunit ang tumanggap ng walang hanggang gantimpala ay may bigay na mas malaking satispaksiyon at kasiyahan. Piliin ninyo ang hindi nasisira at eternal. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)






Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Sikreto ng Aming 17 Taong Pagsasama

Mga Halimbawa sa Cristianong Pamumuhay