Lasong Relasyon
Ecclesiastes 3:5 ... panahon ng pagyakap, at panahon ng pagpipigil sa pagyakap;
8 Panahon ng pagibig, at panahon ng pagtatanim...
Sa aklat ng Ecclesiastes, naghahanap si Solomon ng kasiyahan sa ilalim ng araw. Nang bigo niya itong masumpungan sa mga gawain ng kaniyang kamay, nagsimula naman siyang ibuhos ang kaniyang atensiyon sa pilosopiya. Sa Ecclesiastes 3 na madalas sipiin bilang isang diskurso sa oras at panahon, sinabi ni Solomon na ang problema ng tao ay alipin siya ng oras. Anuman ang kaniyang gawin, hindi aiya makasumpong ng kasiyahan sa mga gawa ng kaniyang kamay dahil sa kalaban niya ang oras. Nagbigay siya ng 14 na merismo upang ipakita ang putilidad nang pamumuhay sa oras. Dalawa sa mga ito ay nasa v5 at v8. Hindi ko layon sa blog na ito na talakayin ang argumento ni Solomon patungkol sa putilidad ng pagiging alipin ng oras (dumalo kayo sa Bible study namin sa Amoguis, alas dos kung gusto ninyong marinig ito.) Sa halip gusto ko lang iapirma na bahagi ng pamumuhay sa lupa ang pagsisimula, at ang nakalulungkot ay ang pagsasara ng ilang relasyon.
Sabi sa teksto, may panahon ng pagyakap na parallel sa panahon ng pag-ibig. Nangangahulugan ito ng pagpapasimula ng isang relasyon- platoniko man o romantiko. Mayroon ding panahon ng pagpipigil ng pagyakap na parallel sa panahon ng pagtatanim (at ito ay walang kinalaman sa pagiging plantito kundi sa pagtatanim ng galit o pagkamuhi) na patungkol sa pagtatapos ng relasyon. Anumang relasyon ng tao ay may simula at may katapusan. Ayon kay Solomon, hindi ito maiiwasan. Dahil sa nag-iisip siya sa ilalim ng araw, hindi kasama rito ang mga bagay na may kinalaman sa "mga bagay na nasa itaas" gaya ng sinasabi ni Pablo sa Colosas 3:1-4. Gusto ko lang ipaalala sa lahat ng nagbabasa ng blog na ito, na kung ikaw ay manampalataya kay Jesus para sa buhay na walang hanggan, ikaw ay magiging anak ng Diyos at ito ay isang relasyong hindi masisira o matatapos, Juan 1:12; 3:16,18,36; 5:24; 6:47; Gal 3:26. Pananampalataya lamang kay Cristo lamang, hiwalay sa ating mga gawa ang magbibigay ng relasyong ito at wala itong katapusan. Hindi ang relasyong ito ang tinutukoy ni Solomon kundi ang mga relasyon sa ilalim ng araw gaya ng pagkakaibigan at relasyon sa trabaho. May panahon para ito simulan at may panahon para ito ay matapos.
Ano ba ang maaaring sumira ng usang relasyon? Ang ibang relasyon ay may takdang katapusan gaya ng mga relasyon sa trabaho. Pumirma ka sa isang kontrata na sa takdang oras na ito, ikaw ay gagawa ng takdang gawain na magtatapos sa sandaling mapaso ang kontrata. Ang iba namang relasyon ay natatapos dahil ang orihinal na tagawasak ng relasyon- ang kamatayan- ay pumapasok sa eksena. Ang iba naman ay dahil sa mga pagbabago sa parte ng tao, kasama na sa mga uri ng relasyong kaniyang binubuo. May mga relasyon sa nakalipas na kailangan nang itigil dahil sa pagbabago sa buhay (kaway sa mga kainuman sa kalye).
Ngunit isang relasyong gusto kong bigyang diin ay ang relasyong hindi malusog para sa isang tao. May mga relasyong lason, relasyong imbes na nagtutulak sa iyo upang lalong magsikap at mapabuti ang sarili, ay tila lasong unti-unting sumisira sa iyong pagnanais na mapaunlad ang sarili. Marahil dahil sa inggit, ikaw ay biktima ng mga lasong relasyong ito. Hindi mo namamalayang unti-unti ka nitong pinapatay hanggang sa mawala ang iyong kreatibidad at pagnanasang mabuhay. Ang buhay ay naging isang walang lamang pag-iral na walang patutunguhan dahil umiikot lamang sa iisang taong wala sa puso ang iyong ikabubuti. Sa halip na itulak ka niya upang lalong maging mahusay, siya ang humihila sa iyo na maging ordinaryong katulad niya. Ayaw niyang gumanda ang kaniyang buhay, kaya gusto ka niyang isama sa kaniyang miseriya.
Ang mga relasyong ito ay mga relasyong nag-aalis ng saya at tuwa. Dahil sa relasyong ito, nawawala ang kislap sa iyong mga mata. Nalilimutan mong maging masaya dahil ang buhay ay binubuo na lamang kung paano mo mapapasiya ang taong ito o kung paano mo matutugunan ang kaniyang mataas na pamantayan. Dahil sa tagal ng panahon ang iyong identidad ay ang siya, hindi mo alam kung paano mag-isip at mabuhay para sa iyong sarili. Nagbuo ka ng ko-dependensiya sa kaniya. Kung wala siya, wala ka rin. At ito ay isang relasyong patuloy niyang tinatangkilik upang habambuhay kang nakadepende sa kaniya.
Kung ikaw ang nilalarawan ng blog na ito, panahon na upang tapusin ang relasyong iyan. Panahon na upang pigilan ang pagyakap sa lasong relasyon at magsimulang magtanim ng galit sa relasyon (hindi sa tao). Panahon na upang kunin ang iyong gunting at palayain ang iyong sarili sa lasong ito bago ka tuluyang mamatay (maging isang kabibeng walang laman ng iyong sariling pagkatao). Ngunit hindi ito madali lalo na kung ang iyong identidad ay nakatali sa kaniyang identidad. Paano nga ba ito magagawa.
Una sa lahat kailangan mong alalahanin na ikaw ay isang persona na hiwalay sa kaniyang persona, samakatuwid, may sarili kang identidad na hiwalay sa kaniyang identidad. Gaano man winasak ng relasyong lason ang iyong identidad, hangga't may hininga ka, maaari mo itong buuin muli t hugisin ayon sa iyong nais.
Ikalawa, gugustuhin mong iangkla ang iyong identidad sa isang Personang mas mataas kaysa sa atin. Oo, ang Diyos ang aking tinutukoy. Siya lamang ang identidad ba ligtas mong maihahalo o maiwawala ang iyong identidad upang masumpungan mo ang tunay mong identidad, samakatuwid, kung para saan ka nilalang ng Diyos. Kung wala ka ng relasyong ito, bakit hindi mo simulan ngayon? Manampalataya ka sa Panginoong Jesucristo para sa buhay na walang hanggan. Siya ang namatay sa krus para sa iyong mga kasalanan, nalibing at nabuhay muli. Ang Pangako niya ay ang sinulang sumampalataya (kasama ka roon, gaano man kasira ang iyong pangkasalukuyang relasyon at identidad) ay may buhay na walang hanggan at may karapatang maging anak ng Diyos. Kung ikaw ay Cristiano ngunit hiwalay sa Kaniya dahil sa kasalanan, ikumpisal mo sa Kaniya (hindi sa pari) ang iyong mga kasalanan at ang pangako ay lilinisin ka Niya sa iyong mga kasalanan at kalikuan, 1 Juan 1:9, upang ikaw ay makalakad ulit na kasama Niya.
Ikatlo, simulan mong baguhin ang iyong isipan at puso sa pamamagitan ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, Roma 12:1-2; 1 Ped 2:2; 2 Tim 2:15. Ang Salita ng Diyos ang magsisimulang lumikha ng bagong paraan ng pag-iisip na papalit sa destruktibong kaisipang nagdala sa iyo sa lasong relasyon. Ang Espiritu Santo ang gagabay sa iyo sa paglagong ito. Gal 5:16-17.
Ikaapat, makipagtipon ka sa bayan ng Diyos. Maging bahagi ng isang lokal na simbahan. Sa lokal na simbahan, makasasalamuha mo ang mga taong kagaya mo ay kinilala ang kanilang kabiguan hiwalay kay Cristo ngunit nakasumpong ng bagong buhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kaniya. Sila ang iyong support system. Sama-sama kayong lalago sa biyaya at sa lalim ng relasyon kay Cristo, 2 Ped 3:18; Juan 17:3.
Matuto kang magpatawad sa iyong lasong kapartner. Huwag mong hayaang tumubo sa iyong puso ang kapaitan, sa halip dapat kang manghawak sa biyaya ng Diyos, Heb 12:15. Hindi ito madali dahil sa personal na damdaming kasangkot ngunit sa kapangyarihan ng Diyos na nasa mga mananampalataya, Ef 1:19-21, magagawa ito. Matutong magpatawad, Ef 4:32; Col 3:12-13. Hindk ibig sabihing magiging malapit muli kayo, dahil walang pipilit sa iyo kung talagang sariwa pa ang sugat at masakit, ngunit nangangahulugan itong hindi ka gaganti, sa halip ay ipagkatiwala ang lahat sa Diyos at gagawan siya ng kabutihan, Kaw 25:21-22; Roma 12:17-21. Huwag kang magpatalo sa kasamaan. Gaano man kalaki ang tuksong gumanti, ipasa-Diyos mo ang mga bagay at gawan siya ng kabutihan. Ipanalangin mo na lang siya, Lukas 6:27-28.
Makasusumpong ka ulit ng tamang panahon ng pagyakap. Huwag mo lang hayaang tumigas ang iyong puso. Hanapin mo ang taong magiging masaya kapag ikaw ay masaya at matagumpay (kay Cristo siyempre.).
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment