Helping the weak

 


Galatia 6:2 Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Cristo.

Bilang mga Kristiyano, tayo ay tinawag upang isabuhay ang ating pananampalataya sa isang komunidad sumusuporta at naghihikayat sa isa't isa sa ating paglalakbay sa Diyos. Sa Galacia 6:2, ipinaaalala sa atin ang kahalagahan ng pagdadala ng mga dalahin ng bawat isa. Nananawagan si Pablong tumulong ang malakas na buhatin ang pasanin ng mahihina habang binubuhat ang sariling pasan. 

Ito ay pagtupad sa Batas ni Cristo. Sa pagdadala ng mga dalahin ng bawat isa, natutupad natin ang batas ni Cristo, na ang pag-ibig sa isa't isa. Ang pag-ibig na ito ay hindi lamang isang damdamin kundi isang konkretong aksyon na nagpapakita ng ating pagmamalasakit sa ating mga kapatid kay Cristo. Sa ating pag-aaral sa Santiago, binibigyang diin ang katotohanang hindi sapat ang makinig lamang ng Salita, kailangan itong isagawa upang manatiling produktibo at hindi patay ang ating pananampalataya. 

Ito ay nagpapatibay sa Katawan ni Cristo. Kapag ang malalakas na mga Kristiyano ay tumutulong sa mas mahihinang mga kapatid, pinapatibay natin ang katawan ni Cristo. Pinapalakas nito ang ating sama-samang pananampalataya at nagbibigay-daan sa atin upang kumilos bilang isang nagkakaisang katawan, kung saan ang bawat miyembro ay may mahalagang papel. Sa ganitong paraan, lahat ay sama-sama sa paglago sa maturidad, isang ilawan sa madilim na kapalibutan. 

Ito ay pagpapakita ng Pagmamahal ng Diyos. Sa pagtulong sa mas mahihinang mga kapatid, ipinapakita natin ang pagmamahal at pag-aalaga ng Diyos sa Kanyang mga tao. Ang konkretong pagpapahayag ng pag-ibig na ito ay maaaring maging isang makapangyarihang saksi sa mundo at isang paraan upang maakit ang iba kay Cristo. Gaya nang tanong ni Juan: paano mo maiibig ang hindi nakikitang Diyos kung hindi mo magawang ibigin ang nakikitang kapatid na nangangailangan? O sa lenggwahe ni Santiago: anong kapakinabangang pagpalain ang kapatid kung hindi mo naman binibigay ang kaniyang pangangailangan? 

Hindi lahat ng mananampalataya ay magagawa ito. Nanawagan ito ng pagpapakumbaba. Kinikilala ng malalakas na mga Kristiyanong ang kanilang lakas ay nagmumula sa Diyos at hindi sa kanilang sariling kakayahan. Tinutulungan nila ang mas mahihinang kapatid nang may kapakumbabaan, na laginh kinikilala ang kanilang sariling mga limitasyon at kahinaan. Sa mundo, ang mahina ang naglilingkod sa malakas. Sa ekonomiya ng Diyos, ang malakas ang naglilingkod sa mahihina. 

Nanawagan ito ng pakikiramay. Ang malakas na Kristiyano ay mapagpakiramay, simpatetiko, nakakaintindi at nakauunawa sa mga paghihirap at hamon na kinakaharap ng mas mahihinang mga kapatid. Ang simpatiyang ito ay nagbibigay-daan sa kanila upang magbigay ng maaasahang suporta at paghihikayat. 

Nariyan ang kagustuhang maglingkod. Ang mga malalakas na Kristiyano ay may kagustuhang maglingkod sa iba, na inuuna ang mga pangangailangan ng kanilang mga kapatid bago ang kanilang sarili. Ang kagustuhang maglingkod na ito ay manipestasyon ng katangiang kawangis ni Cristo.

Paano natin maipapakita ang patulong na ito? 

Simulan natin sa panalangin. Manalangin para sa mas mahihinang mga kapatid, na humihiling sa Diyos na bigyan sila ng lakas, gabay, at paghihikayat. Ang pinakamagandang regalong maibibigay ng isang Cristiano sa kaniyang kapatid ay ang pagdulog sa kaniyang pangalan sa trono ng biyaya. 

Samahan natin ng paghihikayat. Magbigay ng mga salita ng paghihikayat at pagpapatibay, na ipinaaalala sa mas mahihinang mga kapatid ang kanilang halaga at kahalagahan kay Cristo. Ilang Cristiano kaya ang magpapatuloy sana sa paglilingkod at hindi susuko kung mayroong nagpaalala sa kaniyang hindi siya nag-iisa?

Dagdagan natin ng praktikal na suporta. Magbigay ng praktikal na suporta, tulad ng pagtulong sa pang-araw-araw na gawain o pagbibigay ng tulong pinansyal, kung kinakailangan. 

Panghuli, mentoring sa pananampalataya. Mamuhunan sa espiritwal na paglago at pag-unlad ng mas mahihinang mga kapatid, na nagbibigay ng gabay at payo habang sila ay naglalakbay sa kanilang pananampalataya. 

Hindi tayo dinesenyo upang mabuhay nang mag-isa. Bahagi tayo ng isang komunidad kung saan tayong lahat ay magkakapatid sa iisang Ama. Hindi man tayo laging nagkakatinginan ng mata sa mata, dapat lagi tayong para sa isa't sa. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Nangungulila sa isang Ama