Ang naniniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili

 


Marites- mga taong nagpapakalat ng tsismis. Ang malungkot, maraming Cristianong pinipiling makinig sa mga Marites kaysa sa Salita ng Diyos. 

Ang masaklap, mas mapanira ang balita, mas makati sa tainga. Mas interesanteng pakinggan ang dumi ng iba. Kaya kapag may nagpakalat ng balita, nag-uunahan ang lahat na makakalap ng impormasyon. Ang nakalulungkot, kadalasan ang mga impormasyong ito ay nakabase sa gawa-gawang opinyon o delusyon ng nagpapakalat. Madalas ito ay malinaw na paninirang-puri.

Bakit may gagawa nito? 

Marahil ay inggit. Dahil ang taong kinaiinggitan ay taglay ang bagay na ninanais para sa sarili, sinisiraan siya upang mapasaya ang sariling kainggitan. 

Minsan napromote ang isang tao. Dahil mas nakaaangat na ang kapwa, pilit siyang binababa ng iba sa kaniyang level. Nagpapakita ito ng kaliitan ng pagkatao.

Marahil resulta ng simpleng kasamaan ng puso. Wala lang siyang magawa kundi ipahayag ang laman ng kaniyang puso.

Ang mas magandang tanong ay bakit may tumatangkilik ng pekeng balitang ito? 

Minsan dahil ang layon ng balita ay kaaway din. Kaya naghahanap ng kakamping galit din sa kaaway. 

Minsan naman ito ay simpleng pagtitiwala sa maling tao. Dahil sa ang nagpapakalat ng balita ay dating pinagkakatiwalaan, tinatanggap ang kaniyang impormasyon nang hindi sinusuri kung tama o mali. 

Maaaring ito ay resulta lamang ng katamaran. Mas madaling magpakalat ng maling impormasyon kaysa magsuri sa katotohanan o kabuktutan ng isang bagay. 

Anuman ang dahilan, ang Cristiano ay hindi dapat maging ahente ng misimpormasyon. Bilang mga tao ng katotohanan, hindi tayo dapat makilala bilang tagakalat ng kasinungalingan. 

Dapat tayong maging mapanuri ng impormasyong ating napakikinggan. Higit sa lahat dapat maging mapanuri tayo kung dapat ba natin itong ipakalat. May sasabihin akong sikreto: Hindi mo kailangang ikalat ang lahat ng impormasyong daraan sa iyong harapan. 

May mga impormasyon, gaya ng evangelio at doktrina, na dapat ikalat as far as possible. Ngunit hindi kasama rito ang baho ng sinumang tao. O anumang ikasisira, at hindi ikatitibay, ng iba. 

Dapat tayong maging mapanuri sa taong ating pagkakatiwalaan. Tandaan mong kung kaya niyang siraan ang iba sa iyong harapan, maaari ka niyang siraan sa harapan ng iba. Baka mas kailangan mong mag-ingat sa iyong kausap. 

Ang ating mga labi ay dapat maging balon ng biyaya. Hindi ito nangangahulugang listahan ng akma at hindi akmang salita. Ito ay kalidad ng salitang lalabas. Ito ba ay nakatitibay o hindi. 

Ang dating kasabihan na silence is wisdom ay akma pa rin sa panahong ito. In fact, aa panahon ng fake news, mas dapat siyang tuparin sa ating panahon.

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Bagama't miyembro (muli) ako ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)





Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Nangungulila sa isang Ama