Talambuhay ng Kasalanan
Santiago 1:15 Kung magkagayo'y ang kahalayan, kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan: at ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan.
Sa Santiago 1:13-16, nagbabala si Santiago laban sa tuksong hindi dapat tanggapin nang may kagalakan. Sa halip dapat itong takbuhan.
Itinatangi ni Santiagong ang nga tuksong ito ay galing sa Diyos. Ito ay galing sa masamang pita ng laman.
Sa halip na sisihin ang Diyos sa mga negatibong konsekwensiya ng ating mga desisyon, kailangan nating alamin ang katotohanang tayo ang naglagay ng ating mga sarili sa kalagayang iyan. Ito lamang ang tanging paraan upang malaman ang solusyon at matakasan ang problemang ito.
"Kung magkagayo'y ang kahalayan." Ang lahat ay nagsisimula sa kahalayan. Ang kahalayan ay hindi lamang tumutukoy sa sexual lusts, kasama rin dito ang iba pang mga lusts na umaagaw ng ating debosyon sa Diyos - kabilang na ang pag-ibig sa pera, droga, alak, aprubasyon ng tao at kapangyarihan. Ang kahalayan, o pita ng laman, ang ugat ng mga problemang ito. Siya ang tumutukso sa Cristiano upang magkasala. Hindi ang Diyos.
"Kung maipaglihi ay nanganganak ng kasalanan." Kinumpara ang kahalayan sa isang nanay na nanganak. Ang anak ay kasalanan. Samakatuwid, ang kasalanan ay mula sa tao, hindi sa Diyos. Kaya walang karapatan ang taong sabihing tinutukso siya ng Diyos, dahil ang tukso ay mula sa kahalayan ng laman. Kung makikinig at bibigay tayo sa kahalayan o pita ng laman, ang anak ay kasalanan.
"At ang kasalanan, pagka malaki na ay namumunga ng kamatayan." Hindi diyan nagtapos ang talambuhay ng kasalanan. Ang kahalayan ang pinakaama, ang kasalanan ang anak at ang kamatayan ang pinakaapo. Tatlong saling lahi: Kahalayan-Kasalanan-Kamatayan. Gaya nang sabi ni Pablo, ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan. Samakatuwid ang kasalanan ay magreresulta sa kamatayan. Ito ay tema ng ilang Kawikaan gaya ng Kawikaan 14:12 at 16:25.
Ang kamatayan ay pisikal at espirituwal na kamatayan (pagkahiwalay sa mabiyayang pamumuhay) at hindi pagkawala ng buhay na walang hanggan. Ito ay maikukumpara sa taong hiwalay sa kaniyang ama. Nanatili siyang anak ngunit wala siyang pakikisama sa ama. Ganuon din, may buhay siyang walang hanggan (anak ng Diyos) ngunit patay sa karanasan (hiwalay sa pakikisama sa Ama).
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment