Talambuhay ng Kalooban ng Diyos
Santiago 1:18 Sa kaniyang sariling kalooban ay kaniya tayong ipinanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga pangunahing bunga ng kaniyang mga nilalang.
Sa v13-16, nakita natin ang talambuhay ng kasalanan. Nagmula sa pita, naging kasalanan at ang bunga ay kamatayan. Sa v17 nakita natin ang kagandahang-loob ng Diyos bilang insentibo upang takasan ang kasalanan. Lahat ng mabuting bagay ay mula sa Diyos at sino ang nanaising ipagpalit ang kagandahang ito sa lumilipas na kasiyahan ng sanlibutan?
Dito sa v18 makikita naman natin ang talambuhay ng kalooban ng Diyos. Bakit mas bentahe sa Cristiano ang piliin ang kalooban ng Diyos kaysa sa kasalanan?
"Sa Kaniyang sariling kalooban." Sa kalooban ng Diyos, at hindi ng tao (Juan 1:12-13) tayo ay ipinanganak Niya. Sa bawat hakbang ng ating buhay, tayo ay nahaharap sa opsiyon- pita ng laman na ang bunga ay kasalanan o ang kalooban ng Diyos.
"Ay kaniya tayong ipinanganak sa pamamagitan ng salita ng katotohanan." Dahil sa kalooban ng Diyos tayo ay ipinanganak na muli sa pamamagitan ng katotohanan. Ang salitang "ipinanganak" ay ang parehong salita sa "namumunga" sa v15. Ang bunga ng kasalanan ay kamatayan; ang bunga o anak ng kalooban ng Diyos ay ang mga Cristiano mismo. Samakatuwid ang bunga ay buhay.
Sa sandaling marinig natin ang salita ng katotohanan, ang evangelio ng kaligtasan at ito ay ating sampalatayahan (Ef 1:13), tayo ay ipinanganak na muli at sinelyuhan ng Espiritu ng pangako. Ang unang kapanganakan ay sa laman ngunit ang ikalawa ay sa Espiritu. Ang unang kapanganakan ay magtatapos sa kamatayan at kung namatay nang walang pananampalataya ay hahantong sa impiyerno. Ang ikalawang kapanganakan ay espirituwal na buhay na walang hanggan at eternidad sa kaluwalhatian ng Diyos. Nasa atin ang pagpili kung mananampalataya o hindi.
Sa parehong bagay, pagakatapos nating maligtas, tayo ay nahaharap sa desisyon: mananatili ba tayo sa kalooban ng Diyos na nagpanganak sa atin o makikinig tayo sa laman. Kung makikinig tayo sa laman, hindi mawawala ang kaligtasan pero ang bunga ay kamatayang pisikal. Kung mananatili tayo sa kalooban ng Diyos, mararanasan natin ang kabuuan ng Kaniyang pagpapala.
"Upang tayo'y maging isang uri ng mga pangunahing bunga ng kaniyang mga nilalang." Ano ang dahilan kung bakit tayo inanak ng Diyos. Isang dahilan ay upang tayo ay maging pangunahing bunga ng Kaniyang mga nilalang. Sa kaisipang Judio, ang unang bunga ay kumakatawan sa kabuuan ng ani. Kung ang pangunahing bunga ay sa Diyos, ganuon din ang natitirang ani. Lahat ng pagpapalang espirituwal na nilaan ng Diyos para sa mga Cristiano ay mararanasan din ng sannilalang sa sandaling ang mga anak ng Diyos ay mahayag na (Roma 8). Hindi aksidenteng ang terminong ginamit upang ilarawan ang kapanganakang muli ng mga Cristiano ay ginamit din sa Mateo 19 para sa regeneration ng sanlibutan sa pagdating ng Kaharian. Mararanasan natin ngayon ang kalaunan ay mararanasan ng sanlibutan. Ito ay malaking pribilehiyong ating dapat lakaran.
Hindi natin ito malalakaran kung pipiliin natin ang kasalanan. Kung tayo ay mamumuhay sa lumang kalalangan, hindi magiging realidad sa atin ang bagong nilalang. Ligtas tayo, oo, mga bagong nilalang, ngunit namumuhay sa lumang buhay.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment