Nakatayo sa Bato

 


Mateo 7:24 Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato: 25 At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato.

Santiago 1:22 Datapuwa't maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili.

Ang buhay ay puno ng pagsubok — bagyo, paghihirap, pagkalito, at tukso. Malinaw na sinabi ni Jesus na ang taong matatag ay ang nakikinig sa Kanyang mga salita at isinasapamuhay ito. Ang blog na ito ay tungkol sa kung paano ang masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos ang nagsisilbing matibay na pundasyon upang hindi tayo bumagsak kapag dumaan sa unos ng buhay.

Ang Salita ng Diyos ay hindi lamang kaalaman; ito ay pundasyon. Para sa maraming Cristiano, ang Salita ay mga impormasyong pinag-aaralan kapag Linggo ngunit walang tunay na aplikasyon sa buhay. Ito ay nakalulungkot sapagkat ang Salita ay dinesenyo upang maging pundasyon ng matagumpay na pamumuhay. Kahit mga hindi mananampalataya ay makasusumpong ng benepisyo sa pagtayo ng kanilang buhay sa Salita ng Diyos. 

"Kaya't ang bawa't dumirinig ng aking mga salitang ito at ginaganap, ay matutulad sa isang taong matalino, na itinayo ang kaniyang bahay sa ibabaw ng bato."

Sa Cristianismo ang katalinuhan ay hindi nasusukat sa dami o bolyum ng impormasyon sa isipan, gaano man kahalaga ang mga ito. Ang katalinuhan ay makikita sa paglapat ng Salita ng Diyos sa tunay na buhay. 

Hindi mahalaga kung alam mo ang mga karakter na may pangunahing papel sa propesiya kung hindi naman ito nagreresulta sa kabanalan. Kahit maisaulo mo pa ang 8000 pangako ng Kasulatan, kung hindi mo naman aangkinin at isapamumuhay ang mga ito, wala kang makukuhang kapakinabangan.

Ayon kay Jesus (at ito ay inulit ni Santiago), hindi sapat ang makinig o matuto lamang ng Salita. Kailangan itong tuparin o isapamuhay. Kailangan itong dinggin at ganapin. 

Ang nakikinig at gumaganap ng Salita ay kinumpara sa nagtatayo ng bahay (ang iyong buhay) sa bato (sa hindi natitinag na Salita ng Diyos. Anumang unos ang dumating, at ang mga ito ay darating, hindi ka magagalaw. 

Dumarating ang bagyo sa lahat — ang kaibahan ay kung saan ka nakatayo. Nakatayo ka ba sa iyong sariling karunungan? O nakatindig ka sa karunungan ng Diyos?

"At lumagpak ang ulan, at bumaha, at humihip ang mga hangin, at hinampas ang bahay na yaon; at hindi nabagsak: sapagka't natatayo sa ibabaw ng bato." 

Ilang Cristiano ang bumigay sa harap ng mga pagsubok ng buhay? Hindi nila makayang harapin ang mga problema sapagkat hindi sila handang harapin ang ulan, hangin at unos ng buhay. 

Ngunit kung ang Cristiano ay maliksi sa pakikinig at maliksi sa pagtupad, makakaasa siya ng matibay at matagumpay na pamumuhay. Maaaring hindi ito matagumpay sa sukatan ng sanlibutan (walang pera o kapangyarihan), ngunit hindi ito ibabagsak ng problema. 

Ang pag-aaral ng Biblia ay hindi opsyonal para sa isang matatag na buhay-Kristiyano; ito ay mahalaga. Ito ang ating pundasyon at ito ang ating kapangyarihan. Ang Salita ng Diyos ang nagbibigay sa atin ng katatagan sa gitna ng mga PEIRASMOS ng buhay. 

Huwag hintaying dumaan ang krisis bago magsimulang magsaliksik sa Salita ng Diyos. Gawin nating pang-araw-araw na disiplina ang magtago ng Kaniyang Salita sa ating mga puso. Ito ang proteksiyon natin sa kasalanan at ito ang saligan ng matagumpay na buhay.

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Nangungulila sa isang Ama