Mayamang nalanta sa pagsubok
Santiago 1:11 Sapagka't sumisikat ang araw na may hanging nakakasunog, at naluluoy ang damo; at nangalalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang karikitan ng kaniyang anyo: gayon din naman ang taong mayaman na malalanta sa lahat ng kaniyang mga paglakad.
Sa Santiago 1:9-11, nagbigay si Santiago ng grapikong larawan ng nararapat na tugon ng mga Cristiano sa gitna ng pagsubok.
Ang mababang kapatid, samakatuwid ay mahirap, ay kailangang magmapuri (hindi lahat ng pagmamapuri ay masama) sa kaniyang mataas na kalagayan kay Cristo. Mahirap man siya sa mundong ito, mataas ang kaniyang kalagayan kay Cristo.
Ang mayamang kapatid naman ay dapat ding magmapuri sa kaniyang pagdurusa sapagkat siya ay pinababa nito. Ang pagdurusa dahil sa pagsubok ay nagbigay sa kaniya ng oportunidad upang magtiwala sa Diyos.
"Sapagka't sumisikat ang araw na may hanging nakakasunog, at naluluoy ang damo; at nangalalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang karikitan ng kaniyang anyo." Kapag ang hanging silanganang nagmumula sa disyerto ng Arabia ay umihip, ang init na dala nito ay nakasusunog at nakaluluoy ng damo. Anumang ganda ng isang halaman, gaano man kakulay ang kaniyang bulaklak, maluluoy siya sa init ng hanging silanganan.
"Gayon din naman ang taong mayaman na malalanta sa lahat ng kaniyang mga paglakad." Ang pagluoy na ito ay kinumpara sa kalagayan ng mayamang kapatid na nalalanta sa kaniyang mga paglakad, samakatuwid sa kaniyang pamumuhay. Marahil, bilang bahagi ng kaniyang pananampalataya, siya ay nabiktima ng ostrasismo o konspirasiya at nawala ang kaniyang kayamanan. Marahil, gumawa ng paraan ang kaniyang mga kaaway upang nakawin ang kaniyang kayamanan. Ayon kay Santiago, dapat niyang yakapin ang pagsubok na ito nang may kagalakan, dapat siyang magmapuri dahil sa pagsubok na ito. Ang pagbaba sa kaniya ay oportunidad upang makita niya ang katotohanang hindi ka maliligtas ng salapi at tanging ang Diyos ang magbibigay ng kaligtasan ng buhay. Ang sabi nga ng isang marunong, "Kapag sinubok ka ng Diyos, pagkakataon mo upang subukin ang katapatan ng Diyos na nangakong hindi ka Niya iiwanan." Kung hindi dumaan sa pagsubok ang mayaman, hindi niya mararanasan ang pagliligtas ng Diyos. Iisipin niyang pera ang solusyon sa lahat ng bagay.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment