Mapalad ang nagtitiis
Santiago 1:12 Mapalad ang taong nagtitiis ng tukso; sapagka't pagkasubok sa kaniya, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa kaniya.
Ang epistula ni Santiago ay sinulat sa mga mananampalatayang Judio upang turuan sila kung paano mamuhay nang may kagalakan sa harap ng mga pagsubok.
Sa v9-11, nagbigay siya ng mga espisipikong habilin sa mga Cristiano. Sa mahirap na Cristiano, inutusan niya silang magmapuri sa kanilang mataas na kalagayan kay Cristo. Mababa man ang tingin sa kanila ng sanlibutan, dapat nilang alalahaning sila ay nakipag-isa kay Cristo at kabahagi ng Kaniyang kabanalan, buhay na walang hanggan at pagiging tagapagmana ng Diyos. Mayroon siyang mahigit apatnapung benepisyo ng biyaya bilang bahagi ng salvation package at resulta ng pakikipag-isa kay Cristo.
Ang mayamang Cristiano ay inaralang magmapuri dahil siya ay binaba. Nabigyan siya ng pagkakataong magtiwala sa Diyos sa gitna ng pagsubok sa buhay.
Sa v12, tatapusin ni Santiago ang kaniyang diskurso patungkol sa pagsubok na dapat yakapin nang may kagalakan. Sa susunod ba sitas gagamitin niya ang parehong salita, PEIRASMOS, bilang pantukoy sa uri ng tuksong hindi dapat yakapin nang may kagalakan ngunit dapat takasan.
Sa v12, bubuurin ni Santiago ang kaniyang bilin mula v9.
"Mapalad." Ang salitang mapalad ay ang parehong salitang ginamit sa Mateo 5. Ito ay tumutukoy sa panloob na kasiyahan. Anuman ang kaniyang hinaharap, dapat siyang magsiya sa kalooban dahil sa oportunidad na magtiwala sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok.
"Ang taong nagtitiis ng tukso." Ang mahirap (v9) at mayamang (v10-11) mananampalataya ay mapalad kapag sila ay nakatiis sa pagsubok dahil mayroon silang matatanggap na pagpapala. Ang salitang magtiis ay tumutukoy sa kakayahang mangunyapit kahit mahirap. Imagine-in ninyo ang nakakabit sa kahoy habang rumaragasa ang baha. Kung siya ay bibitaw, siya ay malulunod. Kung siya ay makatitiis, siya ay maliligtas sa problema ng buhay.
"Sapagka't pagkasubok sa kaniya." Gaano man kahirap ng pagsubok, ito ay may hangganan. Sa sandaling matutunan natin ang aral na gusto ng Diyos na ating matutunan, o sa sandaling matupad ang layon ng Diyos, magtatapos ang pagsubok.
"Siya'y tatanggap ng putong ng buhay." Ang putong ng buhay ay iba sa buhay na walang hanggan. Ang buhay na walang hanggan ay matatamo sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Wala kang gagawin kundi manampalataya kay Cristo (Juan 3:16; Gawa 16:31). Ang putong ng buhay ay gantimpalang ibibigay sa Bema kapag ikaw ay nakatiis.
"Na ipinangako ng Panginoon sa mga nagsisiibig sa kaniya." Ang sukatan ng pag-ibig ay ang kakayahang makatiis. Sa mga may nobyo at nobya, handa tayong magtiis, mapasiya lamang natin ang ating minamahal. Kasiyahan nating magtiis para sa kanila. Ganuon din ang pag-ibig sa Diyos- handa tayong magtiis sa gitna ng pagsubok. Hindi tayo bibitaw gaya ng tatlong kabataang Hebreo na hindi bumitaw kahit nahaharap sa banta ng hurno.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment