Hindi nanunukso ang Diyos ng sinuman

 


Santiago 1:13 Huwag sabihin ng sinoman pagka siya'y tinutukso, Ako'y tinutukso ng Dios; sapagka't ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay, at hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man:

Sa v1-12 sinulatan ni Santiago ang mga mananampalatayang Judio na nasa Diaspora tungkol sa pagyakap sa mga pagsubok ng buhay na may kagalakan. Magreresulta ang mga ito sa pagtitiis, kasakdalan, panloob na pagpapala at putong ng buhay sa Bema. 

Sa v13 nagsimula si Santiagong magturo patungkol sa mga tukso. Ginamit niya ang parehong salitang ginamit niya sa unahan, PEIRASMOS, pero sa negatibong pakahulugan, isang uri ng tuksong hindi dapat yakapin nang may kagalakan ngunit dapat takasan. 

May mga pagkakataong ang Cristiano ay nahaharap sa mga negatibong pangyayari bilang resulta ng maling mga desisyon. Naglasing ka kaya nakadisgrasya ka. Nagpadala ka sa emosyon kaya nabuntis ka nang walang asawa. Minsan iniisip nating ito ay mula sa Diyos. Na pinadala ito ng Diyos upang subukin tayo.

Ayon kay Santiago, ito ay hindi mula sa Diyos kundi resulta ng masamang pita ng laman.

"Huwag sabihin ng sinoman pagka siya'y tinutukso, Ako'y tinutukso ng Dios." Kapag nahaharap tayo sa mga tukso, mga bagay na malinaw na mula sa laman, huwag nating sabihing tinutukso tayo ng Diyos. Iyan ay blaspemiya o paglalapastangan. Inaakusahan natin ang Diyos ng solisitasyon upang magkasala. Sinasabi nating tinulak tayo ng Diyos upang magkasala.

Isa sa pinakamalungkot na bagay na aking naobaserbahan ay sa halip na tanggapin ang obligasyon sa mga desisyon, sinisisi natin ang lahat sa Diyos. Sa halip na tanggapin ang responsabilidad sa pagiging magagalitin na naging dahilan upang makapanakit ka ng iba, sinasabi nating sinusubok tayo ng Diyos. 

"Sapagka't ang Dios ay hindi matutukso sa masamang bagay." Ang katotohanan ay hindi tayo tutuksuhin ng Diyos na magkasala dahil Siya ay hindi matutukso ng kasamaan. Malabong magmula sa Diyos ang solisitasyon sa kasamaan at kasalanan. Hindi ito kompatible sa Kaniyang kalikasan. 

"At hindi rin naman siya nanunukso sa kanino man." Bukod sa hindi Siya natutukso ng kasamaan, hindi rin Siya nanunukso ng sinuman. Kaya ka nagkasala ay hindi dahil sa Diyos kundi dahil nilagay mo ang iyong sarili sa sitwasyong iyan. Masakit pakinggan pero nagpadala ka sa pita ng laman kaya nakagawa ka ng mga bagay na ngayon ay pinagsisisihan natin. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)






Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION

Nangungulila sa isang Ama