Ako ang proponent ng Brigada Eskwela ngayong pasukang 2025-2026. Gusto ko sanang sabihing glamoroso ang titulong chairman pero ang realidad ay napakalayo rito. Maraming salitang maikakabit ko sa posisyung ito at hindi kasama roon ang glamoroso. Mas akmang sabihing eksayted akong matapos ito at wala akong balak na maulit pa.
Majority ng trabaho ay palakad-lakad sa iba't ibang lugar, nagpapapirma ng papel, nagkokordineyt ng mga kapwa guro at mga stakeholders at kumuha ng litrato. Mainit, pinagpapawisan at makangalay. Akyat panaog sa mga hagdan at nakababatong papel. I hate paperworks.
Ngunit kailangan dahil pagkatapos ng limang araw ay ang pagbubukas ng pasukan at dapat handa ang paaralan para rito.
Hindi ko maiwasang maikumpara ang gawain sa paaralan at gawain sa simbahan. Walang glam. Walang pasalamat. Nakababato. Nakapapagod. Pero kailangan. Dahil kada Linggo kailangang handa ang kapilya upang may pagtitipunan ang mga Cristiano at may mensahe silang dapat pakinggan.
Sinumang nais na laging nasa sentro ng atensiyon ay walang lugar sa ministerio. Kung naglilingkod ka para lamang makuha ang aprubasyon ng tao, nasa maling bokasyon ka. Ang paglilingkod sa Diyos ay isang paglilingkod na galing sa puso, bunga ng pasasalamat sa kaligtasang pinagkaloob ng Diyos sa lahat ng mananampalataya kay Cristo.
Makaririnig ka ng panunuligsa, at kadalasan mula sa mga taong wala namang ginagawa. Makaririnig ka ng pangungutya, minsan mula sa mga kapwa mo matanda. At madalas ang simbahan ay walang kamalayan sa mga nangyayari behind the scenes. Ang tanging alam lang nila ay maupo at makinig kapag Linggo.
Ang mga hindi nakikitang behind the scenes ang susi sa malinis na paaralan ngayong pagbubukas ng pasukan. Ganuon din naman, ang hindi nakikitang behind the scenes na paglilingkod ng mga matanda ng simbahan ang susi sa maayos na pagtitipon kada Linggo.
Walang glam, walang fanfare. Just pure service.
Kung hindi ka handang maglingkod na walang recognition, hindi pa huli para bumaba sa pwesto at ibigay ang trabaho sa mga handang maglingkod nang hindi kailangang patunugin ang kaniyang pakakak o ihambalos ito sa iba.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment