Ang mga Cristiano ay may obligasyon sa pamahalaan
Kahapon, pinagdiwang ng mga Filipino ang kasarinlan ng Pilipinas. Bagama't ang mga Cristiano ay mamamayan ng Langit, tayo ay mamamayan din ng mga bansa ng ating pandarayuhan.
Bilang mga mamamayan ng bansang Pilipinas, obligado tayong ibigay sa ating bansa ang ating paglilingkod sa ikatitibay nito. Kung kinakailangan, obligasyon nating magdala ng armas upang ipagtanggol ito sa mga panganib, sa loob at labas.
Obligasyon nating magbayad ng buwis at sumunod sa mga batas. Obligasyon nating ibigay ang ating karunungan at lakas sa pag-aangat ng pangkalahatang pag-unlad ng ating bansa.
Ngunit higit sa lahat, obligasyon nating maging konsensiya ng ating bansa. Bilang mga asin at ilaw sa ating henerasyon, dapat nating ibahagi sa kanila, una ang mensahe ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Ito ang magbibigay sa ating kapwa Filipino ng estado ng pagiging anak na susi sa mga susunod na benepisyong espirituwal na ibibigay ng Ama sa Kaniyang mga anak.
Bukod diyan, kailangan nating maging ilaw at konsensiya sa mga isyung pulitikal. Kung mananahimik ang mga Cristiano, tayo ay magiging kolaborador sa kasamaan ng sanlibutang ito. Hindi man tayo direktang sang-ayon sa kanilang panukala, sa ating pananahimik, tayo ay indirektang bahagi sa tagumpay ng kosmikong ideya.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment