Ang kabutihan ng Diyos ang proteksiyon laban sa kasalanan
Santiago 1:17 Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw, na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba.
Ayon kay Santiago kailangan nating layuan ang mga tuksong dulot ng masamang pita ng laman. Magreresulta ang mga pitang ito sa kasalanan at ang bunga ay kamatayan. Hindi mo kailangang maging iskolar ng Biblia upang maunawaan ito.
Ang taong bumibigay sa layaw ng kaniyang laman at umaasa ng kasaganaan ng buhay ay nililinlang ang kaniyang sarili (San 1:16).
Ngunit paano natin matatanggihan ang mapanghikayat na alok ng kasalanan?
Ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ito ay ang ikumpara ang alok nito sa alok ng Diyos.
Sa merkado, maraming paninda. Ang mga tindera ay nagkukumpitensiya sa atensiyon ng bawat mamimili sa pamamagitan ng pagpapakita ng superioridad ng kaniyang paninda sa iba.
Ganuon din naman, kung tayo ay uupo sa gilid at ikukumpara ang kabutihan ng Diyos sa kasiyahang alok ng kasalanan, Heb 11:25, makasusumpong tayo ng lakas upang tanggihan ito.
"Ang bawa't mabuting kaloob at ang bawa't sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas." Ang mga kaloob ng Diyos ay mabuti at sakdal. Samakatuwid, walang diperensiya, walang fine print. Hindi ito gaya ng alok ng kasalanan na sa simula lang masaya ngunit sa huli, ang mga hakbang ay nagdadala ng kamatayan, Kaw 16:25.
"Na bumababa mula sa Ama ng mga ilaw." Ang sitas ay nagsasabing patuloy na bumababa galing sa itaas ang mga kaloob. Hindi ito mauubusan at ito ay sariwa kada umaga (at tanghali at gabi, sa lahat ng panahon). Ang pinagmulan ay ang Ama ng mga ilaw. Hindi ito mula sa kadiliman. At sinong matinong Ama ang hindi nagnanais ng ikabubuti ng Kaniyang mga anak?
"Na walang pagbabago, ni kahit anino man ng pagiiba." Ang mapagbigay na Ama ay immutable. Samakatuwid, noon at ngayon, ang Kaniyang dedikasyon sa biyaya at generosidad ay mananatili. Hindi tayo dapat mag-alalang Siya ay magbago at sa oras ng ating pangangailangan ay iwan tayo. As long as tayo ay humihingi, at lumalayo sa kaway ng masamang pita ng laman, ang mga kaloob ay patuloy na bababa para sa ikabubuti ng Kaniyang mga anak.
Cristiano, mag-isip tayo. Ipagpapalit ba natin ang original sa imitation? Ipagpapalit ba natin ang kabutihan ng Diyos sa lumilipas na alok ng kasalanan (na magdadala sa atin sa kamatayan)?
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment