Sumuko sa Panginoon
Juan 3:16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Nitong Mayo 15, 2025 naglibot kami at nag-house-to-house evangelism at tracts distribution sa Gimaga. Sa aming paglibot may nakausap kaming mga born again.
Ngunit nang tanungin namin kung mayroong buhay na walang hanggan, ang sagot nila ay wala pa.
Isa sa aming kinausap ay nagsabing siya ay na-born again nang isuko niya ang kaniyang sarili sa Panginoon. Nang hingan namin siya ng paglilinaw kung anong ibig niyang sabihin, sinabi niyang dati ay hindi siya nagsisimba ngunit ngayon ay oo. Dati ang prioridad niya ay ang kaniyang sarili ngunit ngayon ay ang Panginoon. Hindi niya nabanggit na siya ay nanampalataya kay Cristo at siya ay may katiyakan ng buhay na walang hanggan. In fact ng tanungin namin patungkol dito, hindi raw siya sigurado dahil nagkakasala pa. Para sa kaniya, nagkakasala=walang buhay na walang hanggan (sasagutin ko ito sa hiwalay na blog).
Ngunit hindi ito ang sinasabi ni Jesus sa Juan 3, ang pasahe kung saan masusumpungan ang born again. Nang humingi si Nicodemo ng paglilinaw kung paano mangyayari ito (paano ang tao ipapanganak na muli), ang paliwanag ni Jesus ay masusumaryo sa Juan 3:16.
Pansining ang nag-iisang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan (katumbas ng pagiging born again, katumbas ng kapanganakan ng Espiritu mula sa itaas) ay ang manampalataya kay Cristo. Mahalaga ang pagsuko ng ating mga sarili kay Cristo, pero hindi sa pagtamo ng buhay na walang hanggan. Ang tanging kundisyon upang magtamo ng buhay na walang hanggan ay ang manampalataya kay Cristo para rito.
Kapag ligtas ka na, ipinanganak ka nang muli, saka ka mag-aaral ng Salita ng Diyos upang mabago ang iyong pagiisip at maisuko mo ang iyong isipan, plano, at buhay sa Diyos, Roma 12:1-2.
Huwag natin pagpalitin ng pwesto ang kabayo at karwahe. Mapipilay ang kabayo at hindi aandar ang karwahe. Ganuon din hindi makapagliligtas ang ating mga gawa bagama't mahalaga ito kapag ikaw ay ligtas na. Sa kaligtasan ang kundisyon ay pananampalataya hindi ang pagsuko ng buhay.
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment