Sharing the gospel
Kahapon, Mayo 1, namahagi kami ng babasahing evangelistiko sa Barangay Pinaglabanan. Apat kaming matanda at nagkailang kabataan at mga bata, kasama ang pangulo ng samahan ng mga kabataan. Ito ay mahalagang ehersisyo upang makita nila ang mga matanda sa paglilingkod.
Nahati kami sa dalawang grupo. Natural, sinama ko ang aking anak na lalaki sa aking grupo upang makita niya kung paano ako magbahagi ng mensahe ng buhay.
Sinisimulan namin sa pagbati sa maybahay. Humihingi kami ng permisong mamigay ng babasahin. May mga taong ayaw tumanggap ng babasahin kapag hindi galing sa kanilang relihiyon. Ginagalang namin ang mga pagtangging kagaya nito. Lesson sa mga kabataan: laging humingi ng permiso bago mamigay ng babasahin. Igalang ang kanilang karapatang tumanggap o hindi. Sa ganitong paraan hindi masasayang ang babasahin. Kaysa itapon lang dahil hindi naman pala interesado.
Kung tanggapin nila ang babasahin, tinatanong ko sila kung maaari ba silang makausap nang ilang minuto tungkol sa kanilang tinanggap na babasahin. Kung payag sila, ibabahagi namin ang mensahe at pangako ng buhay na walang hanggan. Binibigyang diin namin ang pangangailangan ng pananampalataya bilang nag-iisang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Lesson: Maging handang ibahagi ang mensahe ng buhay. Hindi ito kailangang ipilit sa ayaw ngunit sa may gusto, dapat itong ibahagi nang malinaw. Kung minsan, lumalabo ang presentation ng mensahe dahil kung saan-saan nakakaabot ang pahayag. Ang pinakamahalagang matutunan nila ay ai Cristo ang kabayaran ng kanilang mga kasalanan at kung sila ay manampalataya kay Cristo, sila ay may buhay na walang hanggan. Huwag magpa-distract sa iba't ibang issue kundi manatiling nakapokus sa pananampalataya kay Cristo para sa buhay na walang hanggan.
Nirerekomenda ko ang Juan 3:16 bilang epektibong sitas sa pagbahagi ng buhay.
Personally, hindi ako fan ng pagmomonopola ng usapan. We cannot argue and outtalk people to salvation. Instead, gusto kong sila mismo ang makatanto ng pangangailangan kay Cristo para sa buhay na walang hanggan. Kaya, pinababasa ko sa kanila ang Juan 3:16. Matapos magtatanong ako ng ilang tanong to check for understanding: Sino ang nagmamahal sa teksto? Sino ang minamahal? Paano pinakita ng Diyos ang Kaniyang pagmamahal? Ano ang nag-iisang kundisyong hinihingi upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? Ano ang pangako sa mga nanampalataya? Binibigyang diin ko na ang nangako ay si Cristo. Hindi gaya ng mga pulitikong nangangakong napapako, kapag nangako si Cristo, ito ay totoo at mangyayari. Ang buhay na walang hanggan is a present possession ng lahat ng nanampalataya kay Cristo.
Naniniwala akong ang "Socratic method" (question and answer format) ay epektibong paraan ng pagbabahagi ng mensahe ng buhay dahil una, napag-iisipan nila ang isyu; pangalawa, sila ang bumubuo ng kasagutan base sa mga tanong na pinukol at ikatlo, mayroon silang aktibong partisipasyon sa proseso ng pagbabahagi ng mensahe ng buhay. Hindi sila pasibong tagatanggap lamang ng impormasyon kundi aktibong tagaproseso ng kaalaman. Nililimitahan din nito ang paksa sa relevant na sitas at maiiwasan ang chasing the rabbit trails na madalas mangyari kapag tutol ang tao sa mensahe. Dahil sila mismo ang bumasa sa Biblia at sa kanila mula ang sagot sa mga tanong, hindi nila masasabing sila ay b-in-rainwash sa sagot.
Kung may ibang concern ang aking kausap, sasagutin ko ang tanong at ituturo sa relevant na passage kung saan muli, Socratic method ulit ang gagamitin ko upang masagot ang kaniyang tanong.
Of course, hindi lang Juan 3:16 ang maaaring gamitin. Mayroong mahigit 100 sitas na nagtuturo ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo. Juan 3:16 lang ang aking pinakapaborito. This is my go-to verse.
Matapos bahagian ng impormasyon, tinatanong ko ang kausap kung sinasampalatayahan ba nila ito. Kung sinabing oo, tatanungin ko kung may buhay na walang hanggan na ba siya. Kapag sinabing mayroon na, tatanungin ko kung paano siya nagkaroon ng buhay na walang hanggan. Kung sinabing sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, nasiguro kung naunawaan niya ang mensaheng aking sinabi. Kung sinabing dahil sa mga gawa o kabaitan, uulitin ko minsan pa ang paliwanag ng Juan 3:16.
Kung sabihing wala pa siyang buhay na walang hanggan, tatanungin ko kung bakit. Depende sa kaniyang sagot, maaaring ulitin ko ang Juan 3:16 o magbibigay ako ng ibang sitas na sasagot sa kaniyang concern. Kung tiniyak na niyang may buhay na siyang walang hanggan, alam kung naunawaan niya ang mensahe ng buhay. Kung hindi pa rin, pinapasa-Espiritu Santo ko na ang pag-convict sa kaniyang maunawaan ang mensahe ng buhay. Ang trabaho namin ay magbahagi ng mensahe; trabaho ng Espiritu na ipaunawa ito sa kausap.
Sa aking team, ilang leksiyon ang aking pinagdiinan: Una, ang aming trabaho ay ibahagi ang mensahe, hindi ang mag-secure ng profession of faith. Kung manampalataya mabuti, praise the Lord; kung hindi, praise the Lord pa rin dahil at least napakinggan niya ang mensahe ng buhay. Ikalawa, maging magalang at marahan. Hindi nadadala sa palakasan ng boses o agresibo ang pagbabahagi ng mensahe ng buhay. Pangatlo, manatiling nakapokus sa isyu ng kaligtasan at huwag magpa-distract sa kung anu-anong isyu gaya ng tunay na relihiyon o iba pang paksa. This is just unbelif protecting itself by objecting to grace. Ikaapat, huwag makipagtalo. Tandaang naroon kami bilang embahador ng Prinsipe ng Kapayapaan, hindi ministro ng digmaan. Sinasabi kong kami ay dayo sa lugar at kung nais naming makalabas ng buhay, magi kaming mararahan na tao, hindi mararahas na tao. Ikalima, mahalaga ang kagandahang asal. Kahit hindi the best ang paninda, kung mabuti ang tindera, malamang ito ay mabibili. Ganuon din naman, kahit hindi mahusay ang pagkabahagi ng evangelio, kung mabini ang pagkabahagi nito, malamang ito ay pakikinggan. Maraming tao ang turned off ng mensaherong legalistikonat arogante. Ang mensahe ay biyaya, kaya ang mensahero ay dapat mabiyaya rin.
Marami ang nagsabing nananampalataya sila. Sa aking team, nasa kinse ang nagsabing nanampalataya sila. Mayroon ding nagsabing hindi sila handang manampalataya, mayroong ni hindi nga tinanggap ang aming babasahin. Ang Diyos ang nakakaalam kung ano ang nasa kanilang puso. Sana ang mga nanampalataya ay magpatuloy sa paglago sa biyaya. Marahil ito ang kahinaan ng evangelism programs- kulang ang follow-up discipleship. Pagkakataon sana ito upang i-organisa ang mga nanampalataya sa isang Bible study.
Overall, maganda ang resepsiyon ng aming team sa Pinaglabanan. Base sa kwento ng kabilang team, pareho rin ang kanilang karanasan. Purihin ang Diyos sa Kaniyang kabutihan. Nawa ang gawaing ito ay magdagdag ng mga kaluluwa sa Kaniyang simbahan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment