Juan 3:16, Ang Paborito Kong Sitas

 


Nitong nakaraang Mayo 1, naglibot kami sa Pinaglabanan, Goa upang ibahagi ang mensahe ng buhay. Kahapon, nagbigay ako ng ilang tips kung paano isinagawa ng aking team ang pagbabahagi ng mensahe ng buhay. Nabanggit ko kahapon na ang aking go-to verse sa evangelism ay ang Juan 3:16. Kaya naisip kong silipin ang sitas na ito.

Juan 3:16 Sapagka't gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya'y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Basahin natin ang sitas nang paulit-ulit at suriin ang tinuturo nito. Magkaroon tayo ng kapakumbabaang unawain ang sinasabi ng sitas at iwasang maglagay ng iba at banyagang kahulugan sa sitas. 

1. Sino ang umiibig o sumisinta (EGAPESEN, mula sa AGAPAO, "pag-ibig") sa sitas? Ang Diyos.

2. Sino ang sinisinta o iniibig? Ang sanlibutan. Mga tao iyan. 

3. Paano ipinakita ng Diyos ang Kaniyang pag-ibig? Ibinigay Niya ang Kaniyang bugtong ("one and only") na Anak. Sa Efeso 5:2, sinabi ni Pablong hindi lamang ang Ama ang umibig kundi si Cristo mismo ay inihandog ang Kaniyang sarili dahil sa Kaniyang pag-ibig. Ibinigay ng Ama ang Kaniyang Anak sa krus upang mamatay sa ating mga kasalanan, 1 Cor 15:3-4.

4. Ano ang layon ng pagbibigay ng Ama sa Anak? Upang ang sinumang sa Kaniya ay sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Hindi namatay si Cristo para sa Kaniyang sariling kasalanan dahil hindi Siya kailan man nagkasala. Namatay Siya para sa atin (at sa buong sanlibutan), 1 Juan 2:2. 

5. Ano ang kundisyon upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? Ang sumampalataya. Hindi sinabing umanib sa relihiyon o gumawa ng mabuti. O kung anu-ano pang meritoryong gawa ng tao. Ang tanging gawa na hinihingi ng Ama ay ang manampalataya kay Cristo, Juan 6:29. 

6. Ano ang dalawang benepisyo ng nanampalataya? 1. Upang huwag mapahamak (hindi pupunta ang mananampalataya sa impiyerno - Pah 20:15; Juan 3:18). 2. Mayroon siyang buhay na walang hanggan. Ito ay present tense, ibig sabihin, kasalukuyang pag-aari. Maaari mong malaman at matiyak na may buhay na walang hanggan ikaw, 1 Juan 5:13.

Ang Juan 3:16 ay madalas na ituring bilang gospel on a nutshell. Maraming sitas na maaaring magamit sa pagbabahagi ng mensahe ng kaligtasan sa biyaya ngunit ito ay nananatiling aking pangunahing sitas. Simple. Maikli. Madaling maunawaan. Walang komplikadong teolohiyang involved na kahit ang isang bata ay mauunawaan. Ngunit may sapat na lalim na kahit ang mga teologo ay uubos ng taon maunawaan lamang ang sitas. 

Kapag ang tao ay nangako, madalas napapako. Ngunit kapag si Cristo ang nangako, iyan ay totoo, Juan 6:47. Kapag sinabi Niyang ang nanampalataya ay may buhay na walang hanggan, ibig sabihin may buhay kang walang hanggan. Panghawakan natin ang pangako ng Diyos na hindi makapagsisinungaling. 

Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Nangungulila sa isang Ama

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION