Ephesians 1:19, a Power Verse
Efeso 1:19 At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas...
Ang Efeso 1:19 ang isa sa paborito kong verse. Sa mga dumalo sa Bible studies sa Dahat nang nakaraang taon, nag-verse-by-verse ako ng Ephesians. Isa sa pinaka-exciting na verse ay ang Ephesians 1:19. It is a power verse.
Walang Cristiano ang dapat mamuhay ng defeated life. Walang Cristiano ang dapat magreklamo, "Bakit ganito ang aking buhay? Bakit wala akong tagumpay?" Ang dahilan ay ang verse na ito ay nagsasabing mayroong kapangyarihang available sa lahat ng mananampalataya. Hindi sinabing sa mga tapat lamang o sa mga maturo na sa pananampalataya. Kundi sa lahat ng mananampalataya, "sa ating nagsisisampalataya."
Ang verse na ito ay bahagi ng panalangin ni Pablo na nagsimula sa v18. Humiling si Pablo ng tatlong bagay sa liwanag ng kaliwanagan ang mga mata ng kanilang puso: 1)upang maalaman ninyo kung ano ang pagasa sa kaniyang pagtawag 2) kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang pamana sa mga banal, 3) At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya...
May anim na salita ng kapangyarihan sa verse na ito.
"At kung ano ang DAKILANG KALAKHAN ng kaniyang KAPANGYARIHAN sa ating nagsisisampalataya, ayon sa GAWA ng KAPANGYARIHAN ng kaniyang LAKAS..."
"And what is the SURPASSING GREATNESS of His POWER toward us who believe. These are in accordance with the WORKING of the STRENGTH of His MIGHT..."
T-in-ype ko sa capital letters ang mga power words upang madali nating makita.
Una, pansining ito ay kapangyarihan "sa ating nagsisisampalataya." Kung nanampalataya ka kay Cristo para sa buhay na walang hanggan, Efeso 1:13, Juan 3:16, available ang kapangyarihang ito sa iyo.
DAKILANG/SURPASSING. Ang salita ay HUPERBALLON. Ito ay ginamit nang 5 beses sa Biblia. Ginamit ito sa kadakilaan ng ministri ng Bagong Tipan kumpara sa Tipan ng Sinai (2 Cor 3:10), sa dakilang biyaya ng Diyos sa mga taga-Corinto (2 Cor 9:14), sa dakilang kayamanan ng Kaniyang biyaya sa mga taga-Efeso (Ef 2:7), at sa pag-ibig ni Cristo na humihigit sa pag-unawa (Ef 3:19). At siyempre sa dakilang kapangyarihan ng Diyos sa mananampalataya dito sa Ef 1:19. Ang ideya ay pagbato na lumagpas sa target. Hindi lamang inabot ang target, nalagpasan pa. Nang husto. Na nagpapakita ng abundance ng kapangyarihan ng Diyos. Hindi kailan man magkukulang ang kapangyarihan ng Diyos sa mananampalataya. Take as many as you want, may sosobra pa rin. So why live a defeated life?
KALAKHAN/GREATNESS. Ito ay MEGETHOS. Mas kilala natin ito sa pormang MEGA. Ginamit lamang ang salitang ito sa sitas na ito at wala nang iba, pero nakilala nating ang salita na nagpapakita ng kalakihan ng isang bagay. Hindi siya maliit, hindi kaunti, kundi malaki, marami. Ganiyan ang kapangyarihan ng Diyos. Ito ay pangmalakasan. Hindi pangkaunti lamang.
KAPANGYARIHAN/POWER. Ang salita ay DUNAMEOS, mula sa DUNAMIS. Ito ay ginamit ng 116 na beses sa Biblia at madalas gamitin sa omnipotence ng Diyos, sa Kaniyang kapangyarihang nagpapangyari. Ito ang pangunahing salitang naglalarawan ng kapangyarihan ng Diyos. Nakikilala nating ang salitang dynamite at dynamic ay mula sa salitang ito. Available sa atin ang dynamic, omnipotent power ng Diyos. Ngunit ma-a-access lamang natin ito kung tayo ay lumalakad sa kalooban ng Diyos at hindi sa ating kalooban, 1 Corinto 2:5.
GAWA/WORKING. Ito ay ENERGEIAN, mula sa ENERGEIA. Ginamit ito nang 8 beses sa Bible, 6 patungkol sa Diyos, isa patungkol kay Satanas (2 Tes 2:9) at isa sa makapangyarihang delusyong ipinadala ng Diyos sa tumakwil sa katotohanan, (2 Tes 2:11). Ito ay patungkol sa gawa. Ang kapangyarihan ng Diyos ay gumagawa. May epekto. Hindi lang pang-display. Mayroon tayong kapangyarihang available sa atin to do actual works sa ating mga buhay. Hindi ito theoretical but practical power. It is the ability to live the spiritual life.
KAPANGYARIHAN/STRENGTH. Ito ay ginamit nang 12 beses sa Bible. Ito ay ginamit sa mabilis na pagkalat ng Salita ng Diyos, Gawa 19:20 at sa dominyon o paghahari ni Cristong ating Diyos, Jude 25, Pah 1:6. Ito ay nagdodominang lakas, naghaharing lakas. Mahaharap natin ang bukas dahil sa kapangyarihan ng Diyos.
At sa huli, LAKAS/MIGHT. Ito ay ginamit nang 11 beses sa Bible. Ito ay porma ng ISCHUOS, ang salitang ginamit sa ibigin ang Diyos ng buong lakas. Ito ang ginamit sa Efeso 6:10, ang lakas o kapangyarihang dapat nating sandigan. Ito ang lakas na nagdodomina at dapat tiwalaan anumang mangyari. Imagine mo ang batang tiwala na lumakad sa dilim dahil tiwala siya sa lakas ng kaniyang ama. Gayon din tiwala tayong harapin ang buhay dahil sa lakas o kapangyarihan ng Ama sa langit.
Bilang paglalarawan, ang kapangyarihang ito ay ang kapangyarihang ginamit ng Diyos upang ibangon si Cristo mula sa mga patay at iakyat at iupo siya sa sanlangitan (v20ff). Ang ganitong kapangyarihan ay available sa lahat ng mananampalataya.
Ang nakalulungkot, gaano man kalaki ang kapangyarihan ng Diyos, kung ito ay hindi ginagamit, walang halaga. Ito ay tila electric fan na hindi nakasaksak. Gaano man kaepektibo ang kuryente, gaano man kaepisyente ang fan, kung hindi nakasaksak, hindi aandar. Kailangang ma-access ang energy ng kuryente upang umandar ang fan. Ganuon din naman, kailangang gamitin ng mananampalataya ang kapangyarihan ng Diyos kung gusto niya ng pagbabago sa kaniyang buhay at mamunga, Juan 15.
Cristiano, bakit mo sasayangin ang kapangyarihang ito?
Manatiling nakapokus sa biyaya. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment