SOZO: Saved from what?

 


Isa sa pagkakamali ng mga pastor ngayon ay ang tendency na kapag nakabasa ng salitang ligtas, kaligtasan o kaparehong mga salita, ang unang pumapasok sa isipan ay kaligtasan mula sa impiyerno at pagpasok sa langit. Ngunit gaya ng mga nakaraan kong blog, ang unang dapat gawin ng sinuman ay basahin ang konteksto at tanungin ang sarili, "Ligtas mula saan?"

Sa aking Bible app ang salitang SOZO ay ginamit ng 103 beses sa KJV (hindi ko sure kung pareho ang data sa NASB dahil sa pagkakaiba ng underlying Greek text):

04982 (StrongsGreek) SW/ZW SW/ZW σώζω sṓzō sode'-zo from a primary SW=S SW=S σῶς sōs (contraction for obsolete σάος sáos, , "safe");to save, i.e. deliver or protect (literally or figuratively):--heal, preserve, save (self), do well, be (make) whole

Kahit ang cursory na pagsilip sa mga gamit ng salitang ito ay magpapakita na hindi ito laging patungkol sa kaligtasan mula sa impiyerno. Depende sa gamit, ang salitang kaligtasan o ligtas ay may maraming kahulugan. Maling isipin na lagi itong patungong langit o pag-iwas sa impiyerno. 

Muli, ang tamang gawin ay tanungin ang sarili, "Ligtas mula saan?"

Pansinin ang mga gamit ng SOZO:


Mateo 8:25 "At nagsilapit sila sa kaniya, at siya'y ginising, na sinasabi, Panginoon, iligtas mo kami; kami'y mangamamatay." Ito ay malinaw na kaligtasan mula sa potensiyal na malunod kung lumubog ang banka. Sa Mateo 14:30 kaligtasan din mula sa pagkalunod sa tubig ang kahulugan. 

Mateo 9:21 "Sapagka't sinabi niya sa kaniyang kalooban, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.22 Datapuwa't paglingon ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay sinabi, Anak, laksan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya. At gumaling ang babae mula sa oras na yaon. " Dito ang pananampalataya ng babaeng may agas ang nagpagaling (SOZO) sa kaniya. 

Mateo 10:22 "At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas." Ito ay instruksiyon ni Jesus sa mga alagad bago Niya sila sinugo sa isang "preaching mission." Malinaw na ito ay kaligtasan mula sa poot at kamatayan (see v24). 

Mateo 16:25 "Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon." Ito ay kaligtasan mula sa pisikal na kamatayan. Ang ayaw maglingkod dahil gusto niyang iligtas ang kaniyang buhay ang mawawalan nito. 

Mateo 24:13 "Datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas." Ito ay pisikal na kaligtasan ng mga mananampalatayang Judio mula sa kamay ng Anticristo sa Tribulasyon. 

Marcos 5:23 "At ipinamamanhik na mainam sa kaniya, na sinasabi, Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo: ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya'y gumaling, at mabuhay." Malinaw na ang kaligtasan dito ay physical healing upang hindi mamatay ang anak na babae. 

Lukas 8:36 "At sa kanila'y isinaysay ng nangakakita kung paanong pinagaling ang inaalihan ng mga demonio." Dito ang SOZO ay ginamit sa kaguluhang gumaling mula sa demon possession. Naligtas siya mula sa pisikal na impluwensiya ng mga demonyong umaalili sa kaniya. 

Lukas 18:42 "At sinabi sa kaniya ni Jesus, Tanggapin mo ang iyong paningin: pinagaling ka ng pananampalataya mo." Dito ang pananampalataya ang nagpagaling (SOZO) sa bulag. 

Gawa 2:40 "At sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya, at nangaral sa kanila, na sinasabi, Magsiligtas kayo sa likong lahing ito." Dito ang mga mananampalatayang Judio ay kailangang iligtas ang kanilang sarili mula sa henerasyong iyan na papasok sa disiplina ng Diyos sa AD 70. 

Gawa 14:9 "Narinig nitong nagsasalita si Pablo: na, nang titigan siya ni Pablo, at makitang may pananampalataya upang mapagaling," Dito ang lumpo ay may pananampalataya upang ma-SOZO o gumaling. 

1 Timoteo 2:15 "Nguni't ililigtas siya sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y magsisipamalagi sa pananampalataya at pagibig at sa pagpapakabanal na may hinahon." Ang panganganak pala ng babae ay nakapagliligtas. Ito ay kaligtasan mula sa insignipikansiya. 

1 Timoteo 4:16 Magingat ka sa iyong sarili, at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito; sapagka't sa paggawa nito ay ang iyo ring sarili ang ililigtas mo at pati ng mga nagsisipakinig sa iyo." Ito ay kaligtasan mula sa mga huwad na turo, mga turong ang pinagmula ay mga demonyo. Ang nakalulungkot may mga pastor na turo lang ng turo nang hindi sinisiyasat ang kanilang tinuturo. Tinuturo nila ang isang bagay dahil ito ay mula sa relihiyon o kaya ay ito ang natutunan sa seminaryo. Hindi nag-bother mag-check and re-check.

1 Pedro 3:21 "Na ayon sa tunay na kahawig ngayo'y nagligtas, sa makatuwid baga'y ang bautismo, hindi sa pagaalis ng karumihan ng laman, kundi sa paghiling ng isang mabuting budhi sa Dios, sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ni Jesucristo." Ang kaligtasan dito ay pagkakaroon ng testimonyo o mabuting budhi sa Diyos. 

Efeso 2:8 "Sapagka't sa biyaya kayo'y nangaligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y hindi sa inyong sarili, ito'y kaloob ng Dios;9 Hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinoman ay huwag magmapuri." Siyempre ang pinakahuli nating halimbawa ay ang eternal na SOZO sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya lamang kay Cristo lamang. Ang sinumang sumampalataya kay Jesus ay hindi mapapahamak kundi mayroong buhay na walang hanggan. 

Ano ang gusto nating ipakita sa maikling survey na ito? Dapat tayong maging maingat sa ating mga konklusyon kapag nakita natin ang salitang kaligtasan. This becomes obvious last Sunday when someone falsely equate "kaligtasan ng mga kaluluwa" sa "pag-akyat sa langit." Nagbigay ako ng ilang halimbawa upang ipakitang never na ginamit ng Biblia ang kaligtasan ng kaluluwa bilang pantukoy sa eternal na kaligtasan. Mababasa ninyo ang mga patunay sa last two blogs na aking sinulat. 

Maging mapanuri. Matutong magtanong at magsiyasat. Huwag tanggap lang ng tanggap sa kung ano ang tinuturo sa pulpito. Makinig nang maigi na may bukas na Biblia sa kamay upang tiyakin kung tama o mali ang inyong napapakinggan. Gaya ng aking laging sinasabi, huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)














Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Ang Pagtigas ba ng Puso ni Faraon ay Patunay na Siya ay Reprobate at Pupunta sa Impiyerno?

Ano ang ibig sabihin ng Awit 49:7-9?