Itinalaga sa kaligtasan?
1 Tesalonica 5:9 Sapagka't tayo'y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo,10 Na namatay dahil sa atin, upang tayo, sa gising o tulog man, ay mangabuhay tayong kasama niya.
Tinuturo ba ng 1 Tesalonica 5:9-10 na may pinili lamang ang Diyos ng iilan upang pumunta sa langit at tanging sa mga ito lamang namatay si Cristo? Ano ang kaligtasan mula sa galit na binabanggit ni Pablo?
Sa nakaraang blog nakita nating ang kaligtasan sa 1 Tesalonica 1:10 ay walang kinalaman sa kaligtasan mula sa impiyerno, na isang pangkasalukuyan at eternal na kaligtasan, kundi panghinaharap at temporal na kaligtasan mula sa Tribulasyon. Sa biyaya ng Diyos, ang mga mananampalataya sa dispensasyong ito ay hindi papasok sa galit o poot ng Tribulasyon.
Mahalagang maunawan ito dahil ito ang galit na binabanggit sa 1 Tesalonica 5:9-10. Salungat sa tinuturo ng ilan, ang galit sa pasaheng ito ay hindi ang eternal na galit ng Diyos para sa mga hindi mananampalataya kundi patungkol sa Tribulasyon. Sinasabi ritong ang mga Cristiano ay hindi itinalaga upang pumasok sa Tribulasyon. Paano matatakasan ng mga Cristiano ang Tribulasyon at ang galit na kaakibat nito? Sa pamamagitan ng Rapture na tinalakay natin sa 1 Tesalonica 4:13-18.
Mas mauunawaan natin ang 1 Tesalonica 5:9-10 kung sisimulan natin sa v1.
"Datapuwa't tungkol sa mga kapanahunan at mga bahagi ng panahon, mga kapatid, hindi ninyo kailangan na isulat ko pa sa inyo ang anoman." Ang salitang "datapuwa't" ay nagpapakita ng contrast. In contrast sa 1 Tesalonica 4:13-18 na isang blessed hope ng mga Cristiano at walang tanda kung kailan darating, ang mga ilalarawan sa kabanata singko ay hindi blessed hope. Ang mga pangyayaring eskatolohikal na ito ay pamilyar na sa mga taga-Tesalonica sapagkat naituro na ito ni Pablo kaya hindi na kailangang isulat pang muli.
"Sapagka't kayo rin ang mga lubos na nangakakaalam, na ang pagdating ng kaarawan ng Panginoon ay gaya ng magnanakaw sa gabi." Ang "kaarawan ng Panginoon ay ang mga sandali sa kasaysayan kung saan ang Diyos ay direktang nakikialam sa kasaysayan ng tao, either for blessing or for cursing. Sa Lumang Tipan ang Araw ng Panginoon ay tumutukoy sa Tribulasyon at sa Milenyo. Kung paanong ang isang araw sa mga Judio ay binubuo ng isang gabi at isang umaga, ang araw ng Panginoon ay binubuo ng gabi ng Tribulasyon at ang kaliwanagan ng umaga ng Milenyo. Ang Tribulasyon ay darating na tila magnanakaw, samakatuwid hindi handa ang mga tao.
"Pagka sinasabi ng mga tao, Kapayapaan at katiwasayan, kung magkagayo'y darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam, sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila'y hindi mangakatatanan sa anomang paraan." Habang ang mga tao ay sumisigaw nh "Kapayapaan at katiwasayan!" (Postmillennialists?), darating ang araw ng Panginoon bilang araw ng pagkawasak. Salungat sa Rapture na araw ng kaligtasan para sa mga mananampalataya, ang araw ng Panginoon ay araw ng pagkawasak. Ito ay kinumpara sa labor ng isang buntis na magreresulta sa kapanganakan ng Kaharian sa bansang Israel!
"Nguni't kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na yaon ay masubukan kayong gaya ng magnanakaw: Sapagka't kayong lahat ay pawang mga anak ng kaliwanagan, at mga anak ng araw: tayo'y hindi ng gabi, ni ng kadiliman man." Ang araw ng Panginoon ay hindi darating sa mga mananampalataya. Wala sila sa kadiliman (kadiliman=unbelievers). Sila ay mara-Rapture bago ito. Kaya later on sasabihing hindi sila tinalaga sa galit kundi sa pagliligtas.
"Huwag nga tayong mangatulog, gaya ng mga iba, kundi tayo'y mangagpuyat at mangagpigil.Sapagka't ang nangatutulog ay nangatutulog sa gabi; at ang nangaglalasing ay nangaglalasing sa gabi.Datapuwa't palibhasa'y mga anak tayo ng araw, mangagpigil tayo, na isuot ang baluti ng pananampalataya at ng pagibig; at ang maging turbante ay ang pagasa ng kaligtasan." Ang doktrina ay hindi espekulatibong abstraksiyon kundi praktikal sa pang-araw-araw na pamumuhay. Dahil ang mga Cristiano ay hindi papasok sa Tribulasyon bilang mga anak ng kaliwanagan, ito ay nangangailangan ng praktikal na kabanalan sa kanilang pamumuhay. Ang kabanalan na ito ay nilarawan sa pagsusuot ng baluti at turbante. Ang mga ito ay metapora sa pamumuhay sa pananampalataya, pag-ibig at pag-asa (blessed assurance) ng kaligtasan (mula sa Tribulasyon). Later on palalawakin ni Pablo ang metaporang ito sa Efeso 6.
"Sapagka't tayo'y hindi itinalaga ng Dios sa galit, kundi sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo,Na namatay dahil sa atin, upang tayo, sa gising o tulog man, ay mangabuhay tayong kasama niya." Narating natin ang ating teksto. Ang mga mananampalataya ay hindi itinalaga sa galit ng Tribulasyon. Sa halip tayo ay itinalaga sa pagtatamo ng pagkaligtas sa pamamagitan ng Rapture. Hindi eternal na kaligtasan ang tinutukoy dito dahil ang mga taga-Tesalonica ay ligtas na. Ang tinutukoy dito ay ang kaligtasan mula sa Tribulasyon na nilarawan sa v1-8. Ang ating katalagahan ay ang makasama ang Panginoon, saan man tayo at anumang oras o panahon. Magiging literal na katotohanan ito sa Rapture.
"Dahil dito kayo'y mangagpangaralan, at mangagpatibayan sa isa't isa sa inyo, gaya ng inyong ginagawa." Mula v11 hanggang sa katapusan ng epistula, magbibigay si Pablo ng mga praktikal na instruksiyon at admonisyon kung paanong mamuhay sa kaliwanagan.
Samakatuwid, kapag tiningnan natin ang v9-10 sa konteksto, hindi nito tinuturo ang pretemporal election of people to individual salvation. Instead tinutukoy nito ang temporal salvation of the church from Tribulation. Matuto tayong magsuri at huwag lang basta tanggapin ang mga konklusyon ng mga huwad na gurong mahilig sa chop chop at welding theology. Gaya ng lagi kong payo, maging mapanuri. Huwag ninyong hayaang nakawin ng mga huwad na guro ang inyong karapatang mag-isip ng doktrina.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment