Touch not my anointed

 



Awit 105:15 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.

1 Cronico 16:22 Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis, At huwag ninyong saktan ang aking mga propeta.

Madalas gamitin ang Awit 105:15 at 1 Cronico 16:22 bilang mga sitas na kalasag ng mga pastor laban sa kritisismo. Umano’y ang mga pastor ay pinahiran at mga modernong propeta na hindi dapat galawin o saktan. Kabilang sa depinisyon nila ng paggalaw ay ang pagtuligsa sa kanilang aral at/o gawi. Bahagi rin ng saktan ang hurting their frgaile feelings. Tingnan natin kung titindig ba ang turo na ito sa liwanag ng Kasulatan. 

Una titingnan natin ang sinasabi ng aktuwal na teksto. Pangalawa, tingnan natin kung ano ang ibig sabihin ng pinahiran at propeta, at ano ang katumbas nito sa dispensasyon natin. Ikatlo tingnan natin kung hindi nga ba dapat tuligsain ang kamalian ng isang pastor. 

Sa parehong talata ang isyu ay ang pag-iingat ng Diyos sa bansang Israel. Sa kabila ng kawalang katapatan ng bansa, alang -alang kay Abraham (105:42), hindi niya hahayaang may manakit o gumalaw sa kaniyang pinahiran o piniling bayan. Makikita ito sa v9-14. Kahit ang makapangyarihang Egipto ay dumaan sa sampung salot dahil sa panggigipit nila sa Israel sa loob ng apat na siglo. Itp ay outworking ng provisions ng Abrahamic Covenant (Genesis 12:1-3). 

Malinaw na ang pinahiran ay ang buong bayan. Ang mga propeta ay maliit na subset sa sambahayan ng propeta Abraham. Hindi ito tumutukoy sa mga pastor ng simbahan na ni hindi pa nga umiiral nang panahong iyon. 

Ang mga propeta ay mga tagapagsalita ng Diyos na nagdadala ng Kaniyang mensahe. Maling isiping ang mga propeta ay manghuhula lamang. Ang kanilang pangunahing gawain ay maging tinig ng Diyos, kung minsan bahagi ng kanilang tinig ang paghula ng sumpa o pagpapala, depende sa kanilang katapatan kay Yahweh. Sa teokratikong bansa sila ang mga prosekutor laban sa bansang tumalikod sa Diyos. 

Marahil may magsasabing iyan ang literal na sinasabi ng pasahe pero sa aplikasyon, ito ay tumutukoy na sa mga pastor ng simbahan. 

Una, ang buong bayan ang pinahiran. Kung ito ay gagawan ng aplikasyon ngayon, ang buong simbahan ang pinahiran, hindi ang mga pastor lamang. Ikalawa may sariling propeta ang simbahan na hiwalay sa pastor (makikita ito sa Efeso 4:11-13), so ang katumbas ng propeta ng unang panahon ay ang mga propeta ng simbahan na haligi ng simbahan (Efeso 2:20). Wala na sila ngayon dahil nailatag na ang pundasyon. Ikatlo, ayon sa 1 Juan 2:27, lahat ng mananampalataya ay pinahiran ng Diyos; ito ay tumutukoy sa pananahan ng Espiritu sa mananampalataya nang siya ay maligtas (langis=Espiritu Santo). Ang Espiritu Santo ang nagbigay sa mananampalataya ng kapangyarihang makilala ang mga huwad na aral ng mga anticristo (mga pastor na may dalang maling Cristolohiya at soteriolohiya). Ikaapat, walang pastor sa Bagong Tipan ang pinahiran. Sila ay pinili, sinanay, pinatungan ng kamay, ngunit hindi pinahiran. Ang pahid ay nakuha na sa sandali ng pananampalataya at appointment into service- this is true to all believers and not just pastors. 

So bakit pinipilit pa rin ng ilan na ang sitas ay patungkol sa mga ecclesiastical leaders? Simple. Power trip. May mga pastor na gustong protektahan ang kanilang posisyun at ayaw nilang kinikritika sila. Bilang proteksiyon sa kanilang kapangyarihan, kailangan nilang mag-imbento, by taking out of context, ng rason gamit ang Awit 105:15 at 1 Cronico 16:22. Usually kakabitan ito ng mga pasaheng nagsasabing dapat igalang at sundin ang mga pinuno ng simbahan ngunit conveniently na puputulin ang parte tungkol sa pangangalaga ng kaluluwa o pagpapakain ng mga tupa. Sa kanilang opinyon kapag hawak mo ang opisina ng pastor, dapat ka nang igalang at sundin KAHIT hindi mo napapangalagaan ang kaluluwa ng mga miyembro sa pamamagitan ng pagtuturo ng Salita (pagpapakain ng mga tupa). May nagsabi pa na ang Hebreo 13:17 ay nangangahulugang kung mali man sila ng aral, sila ang mananagot sa Diyos. Totoo iyan pero hindi iyan ang sinasabi ng Hebreo 13:17. Ang sinasabi nito ay mananagot sila sa Diyos sa pangangalaga ng kaluluwa ng simbahan. Nangangahulugan ito ng pagtuturo ng tama. Ito ang reason kung bakit sila nag-e-exist (mananagot sa kaluluwa). Hindi sila nag-e-exist para ituro ang personal na opinyon at protektahan ang opinyong ito by saying touch not my anointed. 

Nagkakamali ba ang mga pastor? Oo. Kaya nga ang Espiritu ay binigay sa lahat, hindi lamang sa pastor, dahil ang mga mananampalataya ay obligadong subukin ang mga espiritu. Hindi lahat ay galing sa Diyos. Ang iba ay galing sa laman o sa sanlibutan. Sa sandaling makilala ang pagkakamali, ito ay kailangang sawayin at i-expose upang hindi makadamay ng iba. Hindi natin pinag-uusapan ang personal offenses o personal preferences kundi ang hayag na kalooban ng Diyos. We expose the errors by teaching the truth, not maligning individuals. Nakalulungkot na may mga pulpitong direktang inaatake ang pagkatao sa halip na ang aral. Ang masaklap dahil sa opinyon ng ilang pastor sila ay hindi nagkakamali (no matter how they profess to the contrary), kapag inatake ang kanilang maling aral, inisiip nilang personal mo silang inaatake. Somewhere along the way, ang authority sa chufch shifted from the Bible as faithfully preached by the pastor to the pastor himself. Kaya, anumang pagtuligsa sa kanila ay tinuturing nilang rebellion sa Diyos. 

Paano si Himeneo? Si Deotrepes? Si Alejandro? Si Filetus? Si Pedro? Paano ang mga maling guro ng ating simbahan? Do they get a free pass because they are pastors? 

Note ang usapan ay doktrina, hindi personal preferences. I could care less sa kurtina o pintura o upuan. Pero pagdating sa mga bagay doktrinal, lahat ay dapat sumusubok sa mga espiritu, kung ito ay mula sa Diyos o hindi. Maging kagaya ng mga taga-Berea na nagpa-fact check. Huwag hayaang mamanipula ang isipan ng sinuman nang walang pagtsek sa Kasulatan. 

Sa sandaling ang pastor ay nagtuturo ng maling aral, sa sandaling iyan, siya ay hindi pastor ng simbahan kundi lobong naninila ng mga tupa. Sinasamantala niya ang tiwala at pagmamahal ng mga tupa upang magturo ng personal na opinyon na ang layon ay magtipon ng sariling mga disipulo. Sila ay gaya ng mga bayarang bantay ng Juan 10. Mabilis kapag benepisyo pero sa harap ng mga lobo, unang tumatalilis. Walang malasakit dahil hindi naman siya pastor kundi bayarang manggagawa. 

Manatiling nakapokus sa Kasulatan at sa biyaya. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?