The Diotrephes Syndrome

 


3 Juan 9 Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesia: datapuwa't si Diotrephes na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap.10 Kaya't kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin: at hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia.11 Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios: ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Dios.


Sa 3 Juan, tatlong indibidwal ang nabanggit. Dalawa sa mga ito, si Gaius at si Demetrius ay dapat tularan. Ngunit isa, si Diotrephes and dapat iwasan. 

Matagal nang patay ang Diotrephes na ito pero ang kaniyang espiritu ay buhay sa ating mga simbahan. 

"Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesia." Sino man ang tumanggap ng sulat na ito, malamang ay ang simbahan sa Efeso, may iniwan siyang mga instruksiyon. Interesanteng malaman kung ano ang mga ito; marahil sa eternidad na natin ito mababasa. Nguni ang nakalulungkot, may isang indibidwal na nagtakwil sa mga aral na ito. 

 "Datapuwa't si Diotrephes." Binigyang pangalan ang indibidwal na ito. Salungat sa panukala ng iba na ang mga lider ng simbahan ay hindi maaaring punahin, hindi lamang pinuna ngunit pinangalanan ni Juan ang indibidwal na ito. Bagamat hindi direktang sinabing si Diotrephes ay pastor ng simbahan, may sapat siyang kapangyarihan at impluwensiya upang lumaban sa apostol, pagbawalan ang simbahang tumanggap sa apostol at palayasin ang sinumang tumanggap sa apostol. 

"Na nagiibig magkaroon ng kataasan sa kanila, ay hindi kami tinatanggap." Narito ang motibasyon. Ang motibasyon niya ay magkaroon ng kataasan o prominence sa kapatiran. Hindi siya kuntento na maging isa sa manggagawa ng simbahan, gusto niyang maging mataas sa lahat. Gusto niya siya ang pakikinggan, gusto niyang siya ang masusunod at ayaw niyang may sinumang umaagaw ng sahig. Dahil sa hindi niya matanggap na maging pangalawa, hindi niya tinanggap si Juan at ang kaniyang mga kasama. Dahil matagal nang patay si Apostol Juan, sa ating panahon, ang katumbas nito ay hindi pagtanggap sa mga aral ng apostol. Mas gusto niyang tanggapin ang kaniyang sariling opinyon. 

"Kaya't kung pumariyan ako, ay ipaaalaala ko ang mga gawang kaniyang ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin." Ito ang intended action ni Juan: sa sandaling siya ay makabisita (sapagkat ang mga apostol ay umiikot sa mga simbahan upang gabayan ang mga ito), papaalalahanan niya si Diotrephes sa kaniyang mga gawa at masasamang salita. Samakatuwid, sasawayin niya si Diotrephes upang hindi gayahin ng iba. Taliwas sa opinyon ng ibang pastor na sila ang highest authority sa church, ang highest authority sa church ay ang Salita ng Diyos at ang authority ng pastor ay nakadepende kung pinapangaral niya nang maayos ang Salita. Sa sandaling nagtuturo siya ng maling aral, hindi na siya pastor ng mga tupa, isa na siyang lobong maninila na naghahanap ng mga tagasunod sa kaniyang sarili, Gawa 20. Kagaya ni Diotrephes. Taliwas sa himutok ng iba na minamasama kapag pinagsasabihan, ang mga pastor na nagkamali ay dapat sawayin upang matakot ang iba at huwag gumaya. Darating si Juan upang sawayin si Diotrephes, masaktan man ang damdamin nito dahil ang kabutihan ng buong simbahan ay mas mahalaga kaysa personal na damdamin. 

"At hindi nasisiyahan sa ganito, ni hindi man niya tinatanggap ang mga kapatid, at silang mga ibig tumanggap ay pinagbabawalan niya at pinalalayas sila sa iglesia." Bukod sa pagtakwil sa apostol, hindi niya rin tinatanggap ang mga kapatid, mga itinerant preacher, na mula sa apostol. Samakatuwid ayaw niyang papasukin ang mga preacher na ito dahil ayaw niyang may kaagaw sa pulpito, sa paghulma ng simbahan ayon sa kaniyang personal na turo. Ang sinumang tumanggap sa mga itinerant preachers mula sa apostol ay pinalalayas o tinitiwalag sa simbahan. A false teacher will never tolerate opposition!

"Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Dios: ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Dios." Narito ang pantapos na payo ni Juan kay Gaius, ang orihinal na tumanggap ng sulat na ito. Dapat niyang tularan ang mabuti. Sa halip na si Diotrephes ang kaniyang tularan, dapat niyang tularan si Demetrius, v12, na pinatototohanan ng katotohanan. Samakatuwid subok si Demetrius. Ang kaniyang witness ay solido at ayon sa katotohanan. Mag-ingat sa mga sinungaling dahil ang insecured at ma-pride na gaya ni Diotrephes ay handang nagsinungaling, harapan pa at sa harap ng lahat, maprotektahan lang ang kaniyang ego. 

Buhay pa ang mga Diotrephes ngayon- ang habol ay tutulo at kapangyarihan at tumatakwil sa apostolic teachings. Sa halip na sistematikong eksposisyon ng Salita, mas gusto niyang ituro ang kaniyang personal preferences bilang "katotohanan." 

Maging mapanuri. Huwag ninyo isuko ang kakayahang mag-isip ng doktrina sa kamay ng mga Diotrephes ng ating kapanahunan. I am sure they are charismatic, magaling makisama, ngunit ang tanging pakikisamang worth holding to ay ang pakikisama sa Espiritu at sa apostolic teachings. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)







Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?