Mga patay na unbelievers ba ang Church of Laodicea?

 


Mga unbelievers ba ang sinulatan sa Iglesia sa Laodicea? 

Una sa lahat ang iglesia ay ginagamit upang pantukoy sa mga mananampalataya kay Cristo. Kahit sa lokal na iglesia ang salita ay pantukoy sa mga mananampalatayang nagkakatipon sa isang partikular na heograpikal na lokasyon. Maaaring may nakikidalo sa mga pagtitipong ito at maaaring miyembro sila ng partikular na pagtitipong ito, pero strictly speaking ang iglesia ay mga mananampalataya. 

Sa Pahayag 2-3, ang sinulatan ni Jesus ay ang mga mananampalataya sa pitong lokal sa Turkiya. Mayroon mang hindi mananampalataya rito, hindi sila ang sinusulatan. Malinaw ito dahil bagama't tinuligsa ni Jesus ang lima sa pitong ito, kailan man hindi Siya nag-alok ng kaligtasan sa kanila. Sa halip nag-alok Siya ng pagsisisi sa mga mananampalatayang nagkasala at pangako ng gantimpala sa mga makikinig sa Kaniyang habilin. 

Ganito rin sa Laodicea. Maaaring may hindi mananampalatayang dumalo sa kanilang pagtitipon, pero ang sulat ay para sa mga mananampalataya lamang. 

"At sa anghel ng iglesia sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Siya Nawa, ng saksing tapat at totoo, ng pasimula ng paglalang ng Dios." Ang sulat ay mula kay Jesus. Ang sinulatan ay ang anghel ng iglesia sa Laodicea. Maaaring ito ay literal na anghel o ang pastor ng lokal ng Laodicea. Ang salitang anghel ay nangangahulugang mensahero.

"Nalalaman ko ang iyong mga gawa, na ikaw ay hindi malamig o mainit man: ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit. Kaya sapagka't ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita sa aking bibig." Ang isyu ay hindi kung sila ay mananampalataya o hindi. Ang isyu ay anh kanilang mga gawa. Kung ito ay patungkol sa hindi ligtas na tao, mahirap hindi makita ang pangangailangan ng gawa sa kaligtasan. Ngunit kung uunawain ito bilang katapatan (mainit) o kawalan nito (malamig), madaling makitang sila ay maligamgam (inconsistent) sa kanilang mabubuting gawa. Ang resulta ay isusuka sila (since salvation is forever, tumutukoy ito sa disiplina-sa baba tatawagin itong parusa at pagsaway). 

"Sapagka't sinasabi mo, Ako'y mayaman, at nagkamit ng kayamanan, at hindi ako nangangailangan ng anoman; at hindi mo nalalamang ikaw ang aba at maralita at dukha at bulag at hubad." Ang church na ito ay materialistic at worldly. Mayaman sila sa mga materyal na kayamanan ngunit kulang sa mga espirituwal na kayamanan. Siguro mas busy sila na iimpress ang ibang pastor kaysa aktuwal na eksposisyon ng Kasulatan.

"Ipinapayo ko sa iyo na ikaw ay bumili sa akin ng gintong dinalisay ng apoy, upang ikaw ay yumaman: at ng mapuputing damit, upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran; at ng pangpahid sa mata, na ipahid sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita." Ito ang solusyon. Kailangan nilang makita kung ano ang tunay na mahalaga. Sa halip na materyal na ginto, damit at pampahid sa mata, ang kailangan nila ay pananampalatayang dalisay, praktikal na katuwiran at divine viewpoint mula sa Salita ng Diyos. 

"Ang lahat kong iniibig, ay aking sinasaway at pinarurusahan: ikaw nga'y magsikap, at magsisi." Kung sila ay unbelievers, hindi sila sasabihang magsikap, otherwise that is works salvation. Ngunit dahil sila ay believers, kailangan nilang magsikap sa espirituwal na pamumuhay at magsisi sa kanilang materialism at worldliness. Ang pagsaway at parusa ni Cristo ay tanda ng Kaniyang pag-ibig. 

"Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko." Hindi ito pagkatok sa puso ng unbelievers kundi pagkatok sa lokal na simbahang nakalimutan Siya dahil sa materialism at worldliness. Ironic na ang May-ari ng simbahan ay nasa labas pero bulag ang mga taga-Laodicea para makita ito. Bulag din ang nagpipilit na ito ay evangelistiko. Ang resulta ng pagbukas ay fellowship with Christ (paghapon equals fellowship meal). Out of fellowship ang church pero dahil malaki ang offering, akala nila may fellowship pa sila kay Cristo. 

"Ang magtagumpay, ay aking pagkakaloobang umupong kasama ko sa aking luklukan, gaya ko naman na nagtagumpay, at umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang luklukan." Ang resulta ng tutugon sa katok sa pinto ay hindi kaligtasan o buhay na walang hanggan kundi mga eternal na gantimpala. Muli kung ang mga ito ay unbelievers, ang iaalko sana sa kanila ay buhay na walang hanggan. Ang rewards ay para sa mga maiinit na gawa ng mga mananampalataya. 

"Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia." Ang sinulatan ni Jesus ay mga iglesia. Kung unbelievers ang Kaniyang sinulatan, ibibigay ito hindi sa mga iglesia kundi sa sanlibutan. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?