Mali nga bang i-kritika ang gobyerno?


 
Sa isang sermon na nagsimula sa pag-ibig sa pagitan ng mag-asawang lalaki at babae na nauwi sa isang rant sa authority sa lokal na simbahan (even though ang Efeso 5 ay patungkol sa universal church), nabanggit na kailangang magpasakop ang mga mananampalataya sa gobyerno, Roma 13. I wholeheartedly agree even though hindi ko maintindihan kung paano nakarating ang sermon tungkol sa pag-iibigan ng mag-asawa kay Cristo. I guess necessary ito because the sermon will be weaponized against sa mga critic ng pastor. Sinabi sa sermon na walang karapatan ang Cristianong punahin ang gobyerno dahil ang obligasyon nating magpasakop dito. Napakamot ako ng ulo. Mula sa nakakakamot sa ulong assertion na ito, it is one step away to assert “do not touch my anointed,” even though the sermon tried to soften this by affirming nagkakamali rin ang pastor. Since I will do a separate blog for this, I will focus on the topic, masama nga bang i-criticize ang pamahalaan?

Buong puso nating inaapirma ang paggalang at pagpapasakop sa pamahalaan gaya ng sinasabi ng Roma 13. Ang hindi natin inaapirma ay ang turong bahagi ng pagpapasakop na ito na kasalanan ang kritikahin ang pamahalaan. Una sa lahat ang punto ng Roma 13 ay ang konsepto ng pamahalaan ay galing sa Diyos. Hindi nito sinsabing direktang nilagay ng Diyos ang mga pamahalaan sa kapangyarihan dahil to my knowledge tanging ang past theocratic government ng Israel at future millennial theocratic kingdom ng Israel ang tanging direktang tinatag ng Diyos. The rest ay nilagay ng Diyos mediately through the free will decisions of man. As an institution, nilagay ang pamahalaan upang maging diakono ng paghihiganti laban sa masasama at ahente ng pagpapala sa matuwid. May mga pagkakataong hindi ito tinutupad ng mga nasa pamahalaan. Dahil dito, kailangan ang karunungan sa ating pagpapasakop sa pamahalaan.

Sa Ecclesiastes 10:20 inapirma ni Solomon ang kapahamakang dala ng pagtuligsa sa hari pero prinesenta ito hindi bilang general na utos kundi general observation na ang pamahalaan ay opresibo laban sa tumutuligsa rito. If you don’t want trouble with the government, better be quiet.

Ngunit may mga pagkakataong ang pananahimik ay hindi option. In fact, iyan ang kwento ng Lumang Tipan. Paulit-ulit na pinadala ng Panginoon mismo ang mga propeta upang maging prosekutor at kritiko ng pamahalaang humiwalay sa Tipan ni Moises. Walang takot na kiniritika ng mga propeta ang pamahalaan sa kanilang pagtalikod sa Diyos, madalas may kasamang babala ng sumpa in keeping with Leviticus 26.

Ang mga propeta ang naging konsensiya ng lipunang pinatigas ang puso laban sa Diyos. Sila ang pumuna sa kabiguan ng hari na ipagtanggol ang mga balo, ang mga ulila at ang mga mahirap.

Sa Bagong Tipan, ang tradisyon na ito ay pinagpatuloy ni Juan Bautista at ni Jesus. Walang takot na pinuna ni Juan ang imoralidad ni Herodes. Ang Panginoong Jesus ay walang takot na tinawag na soro (asong ligaw/fox) ang isa pang Herodes.

Ang buong Pahayag ay treatise laban sa mga pamahalaang laban sa Diyos. Sa hinaharap ipag-uutos ng pamahalaan ng Anticristo na ang lahat ng tao ay magpa-tattoo sa noo o kanang kamay ng 666. Hindi bahagi ng pagpapasakop sa pamahalaan ang pagpapa-tattoo. Ang dalawang saksi ng Pahayag 11 ay walang pagod sa pagtuligsa sa Anticristo, may kasama pang mga salot sa mga sumasalungat. 

Kaya mahirap seryosohin ang aral ba bawal tuligsain ang pamahalaan. Si Micaya ay nakulong dahil sa pagsaway kay Acab. 

Sa Gawa, ilang ulit na pinagbawal ng namumunong Judio, ang Sanhedrin, ang pangangaral sa pangalan ni Cristo. Hindi lamang nila nilabag ang direktiba, harapan pa nilang pinagsabihan:

Gawa 5:28 Na sinasabi: Ibinala naming mahigpit sa inyo na huwag kayong mangagturo sa pangalang ito: at narito, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito.29 Datapuwa't nagsisagot si Pedro at ang mga apostol at nangagsabi, Dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao.

Ito ang parehong Pedro na nagsabi sa 1 Pedro 2 na magpasakop sa hari at gobernador. Malinaw sa kaniyang sagot na handa siyang sumunod at magpasakop maliban kung ito ay laban sa direktang kalooban ng Diyos. Ang kalooban ng Diyos ay nasusulat sa Biblia, kung ang direktiba ng pamahalaan ay laban sa Biblia, obligasyon nating suwayin at punahin ang gobyerno patungkol dito. 

Nang iutos ng gobyerno na magsuot ng face mask, sumunod tayo, dahil walang direktiba ang Kasulatan na nagsasabing ito ay mali. Sang-ayon ka man o hindi sa utos ng pamahalaan, matalino man itong hakbang o kamangmangan, obligasyon nating sumunod dito. Pero kung ipag-uutos ng pamahalaang bawal ang mag-ari ng Biblia, umaasa akong handa kahit ang pastor na suwayin ito at magsalita laban sa pamahalaan. 

May mga isyung tama lamang sa Cristianong sumuway at pumuna. Ito ay kung ang ginagawa ng pamahalaan ay laban sa Kasulatan. Hindi natin pinag-uusapan ang mga abiblical na decisions ng pamahalaan. Maaaring tutol tayo sa pakikialyansa ng pamahalaan sa ibang bansa, pero wala tayong magagawa kundi sumunod. Ngunit sa mga isyung biblikal, dapat nating unahin ang katapatan sa Diyos kaysa sa tao. 

Ang mali ay ang magpasimula ng paghihimagsik laban sa duly instituted authority. Sa demokratikong bansang gaya ng Pilipinas, hinahayag natin ang ating kalooban sa pamamagitan ng malayang pamamahayag at gamit ang balota. Hindi opsiyon sa ating republikanong pamahalaan ang armadong rebelyon. Alam kong unpopular, pero hindi rin bahagi ng ating republika ang EDSA revolution. 

Kapareho rin ito sa isyu ng pagsunod sa pastor ng lokal na simbahan. Alam ko namang ito ang pinakapuntong gusto niyang sabihin. Ang Cristiano ay dapat sumunod at gumalang sa pastor ng simbahan, hanggang sa siya ay nagtuturo ng Kasulatan. Sa sandaling magturo siya ng maling doktrina, gaya ng kaligtasan sa gawa o ng doktrinang naganap na ang resureksiyon (isang uri ng preterismo), obligasyon ng sinumang Cristiano, kahit ordinaryong miyembro, na sawayin ito. Harapan upang matakot ang iba. Gaya ng ginawa ni Pablo kay Pedro. Ginagamit ng mga false teachers ang authority ng pastor-teacher bilang justification sa anumang unbiblical teachings nila. Ang hindi nila nauunawaan ay ang awtoridad ng isang pastor ay hiram samantalang ang awtoridad ng Biblia ay absolute. Kapag nagturo ng maling aral ang pastor, hindi na siya pastor ng mga tupa, kundi maninilang lobo na nagtitipon ng tagasunod sa kaniyang likuran. Gaya ng sinabi ni Pablo sa Gawa 20. 

Sa mga isyung abiblikal, gaya ng kulay ng kurtina o petsa ng Thanksgiving, obligasyon nating sumunod. Pero sa mga biblical issues, mauuna ang loyalty natin sa Biblia kaysa sa loyalty sa pastor. 

Similarly mali ang magpasimula ng revolution sa simbahan to remove duly instituted authority. Criticize, yes; rebel, no. Ang armas ng simbahan ay wala sa pamimilit o opresyon kundi sa kumbiksiyon ng turo ng Biblia. 

Ang awtoridad ng gobyerno at simbahan ay mga delegated authority. Binigay ito upang parusahan ang masama at pagpalain ang matuwid. Sa sandaling mali na ang gawa ng mga delegated leaders na ito, obligasyon ng Cristianong sumuway at maging "propeta" laban sa mga ito. Wala ng propeta ngayon pero ang kanilang halimbawa bilang mga presekutor ng Diyos ay umiiral pa rin. 

Kung mananahimik ang matuwid, ito ay katumbas ng pagbibigay permission at tacit approval sa unrighteousness ng mga unrighteous. Tayo ngayon ay kanilang kasabwat sa kanilang rebellion laban sa Diyos. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?