Kung ang Awit 32 ay hindi kaligtasan bakit ito sinipi ni Pablo?

 


Awit 32:1 Mapalad siyang pinatawad ng pagsalangsang, na tinakpan ang kasalanan. 2 Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng Panginoon, at walang pagdaraya ang diwa niya.

Roma 4:7 Na sinasabi, Mapapalad yaong ang kanilang mga pagsalangsang ay ipinatawad, At ang kanilang mga kasalanan ay nangatakpan. 8 Mapalad ang tao na sa kaniya'y hindi ibibilang ng Panginoon ang kasalanan.

Sa nakaraang blog sinabi kong ang Awit 32 ay hindi tungkol sa kapatawaran ng kaligtasan kundi kapatawaran ng fellowship. Pero kung totoo ito bakit sinipi ni Pablo ang v1 at 2 sa Roma 4 kung saan tinalakay ni Pablo ang katuwirang dala ng pananampalataya kay Cristo?

Bago ang lahat, isang paalala, ang pagsipi sa Lumang Tipan ng Bagong Tipan ay hindi nagpapawalang kahulugan sa orihinal na kahulugan ng Lumang Tipan. Maraming dahilan kung bakit sumisipi ang Bagong Tipan pero hindi kasama rito ang pagbabago ng kahulugan ng Lumang Tipan. 

Sa Roma 4:1-2 tinalakay ni Pablo ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya na hiwalay sa mga gawa. Hindi niya tinatangging may katuwiran dahil sa mga gawa pero hindi niya tinuturo rito ang katuwirang may pananampalataya at may gawa. Sa halip ang tinuturo niya ay pananampalatayang walang gawa. 

Sa v3 binigay ni Pablo na halimbawa si Abraham. Kung paanong inaring matuwid si Abraham dahil sa pananampalataya sa Diyos, ganuon din naman ang nanampalataya kay Cristo ay aariing matuwid. Ang Diyos na sinampalatayahan ni Abraham sa Lumang Tipan ay ang Cristo ng Bagong Tipan. 

Sa v4-5, nilinaw ni Pablo na ang katuwirang ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi mga gawa. Ang katuwiran ay isang kaloob, kung ito ay pagtatrabahuhan hindi na ito biyaya kundi isang utang o kabayaran sa gawa. 

Sa v6, nilinaw ni Pablong ang katuwirang ito ay hiwalay sa mga gawa. Bilang patunay sinipi niya sa v7-8 ang Awit 32:1-2. Bakit niya ito sinipi? Dahil ba sa ito ay nagtuturo ng kaligtasan? 

Balikan natin ang v6:

"Gaya naman ng sinasambit ni David na kapalaran ng tao, na sa kaniya'y ibinibilang ng Dios ang katuwiran nang walang mga gawa."

Sinipi ni Pablo ang Awit 32 upang patunayang may katuwirang walang mga gawa ang ibinibilang ng Diyos sa tao. Hindi niya ito sinipi upang ipakitang ang Awit 32 ay kaligtasan. Sinipi niya ito upang ipakitang ang Diyos ay may inaaring matuwid kahit walang gawa. 

Kung babalikan natin ang Lumang Tipan, ang kasalanan ni David kay Bathsheba ay nananawagan ng kamatayan. Ayon sa Kautusan (Deuteronomy 22:22-24) sila ay dapat mamatay dahil naganap ito sa lunsod. Kung ito ay naganap sa bukid (v25-27), tanging si David ang mamamatay. Samakatuwid walang katuwiran si David na maaaring kapitan upang maiwasan ang kamatayan. Tanging ang biyaya ng Diyos ang magsasalba sa kaniya. At ganito ang nangyari, nanampalataya siyang makasusumpong ng kapatawaran sa harap ng Diyos dahil kung aasa siya sa Kautusan, kamatayan ang naghihintay! Ito ay totoong kapalaran!

Ito ang inaawit ni David sa Awit 32. At ito ang rason kung bakit sinipi ito ni Pablo sa Roma 4. Kung paanong ang biyaya ng Diyos ay nagligtas kay David mula sa tiyak na kamatayang hinihingi ng Kautusan at ito ay hiwalay sa mga gawa, ganuon din naman sa ating panahon ang nanampalataya kay Cristo ay aariing matuwid nang hiwalay sa mga gawa. Sa halip na kamatayan, ang naghihintay sa kaniya ay buhay na walang hanggan. 

Ang pagsipi ni Pablo ng Awit 32 sa Roma 4 ay hindi nangangahulugang ang Awit 32 ay nagtuturo ng kaligtasan. Sinipi niya ito dahil ito ay kapareho ng puntong tinuturo niya sa Roma 4- may katuwirang hiwalay sa mga gawa. Ito ay kapalaran ng tao. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan. 

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Isang Pag-aaral sa Efeso 2:8-9

Panalangin sa Kapatiran

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION