Does Hebrew 13:17 teach absolute obedience to pastors?







Hebreo 13:17 Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo, at kayo’y pasakop sa kanila: sapagka’t pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa, na parang sila ang mangagsusulit; upang ito’y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka’t sa ganito’y di ninyo mapapakinabangan.



Ang Hebreo 13:17 ba ay nagtuturong ang pastor ay dapat sundin kahit mali ang kaniyang aral o masama ang kaniyang gawi?
Madalas gamitin ang Hebreo 13:17 bilang justification na ang pastor ay pinili ng Diyos and therefore dapat sundin, kahit pa mali ang kaniyang turo. After all, mananagot siya sa Diyos kung siya ay nagkamali.

Ngunit sa liwanag ng panunuligsa ng manunulat ng Hebreo sa mga lider ng Judaismo, kasama na sa mismong kapitulong ito (v9-13). Direktang binanggit na huwag magpadala sa mga maling aral kundi maging matibay sa biyaya:

9 Huwag nga kayong padala sa mga turong sarisari at di kilala: sapagka’t mabuti na ang puso ay patibayin sa pamamagitan ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakikinabangan ng mga nagabala sa kanila.

Samakatuwid kung ang pastor ay nagtuturo ng aral na anti-biyaya gaya ng legalismo (sa sitas ang binigay na halimbawa ay patungkol sa pagkain; sa panahon natin kasama ang pananamit, translation ng Bible, musika, atbp), kailangan siyang iwasan. Kailangan siyang sawayin.

Samakatuwid ang Hebreo 13:17 ay aplikable lamang sa mga pastor na nagtuturo ng biyaya at doktrinang nasasalig sa Biblia. Hindi ito blanket verse upang protektahan ang mga gaya ni Jim Jones. Sa sandaling ang pastor ay nagturo ng maling doktrina, hindi na siya pastor na nag-iingat sa kaluluwa ng mga miyembro, kundi lobong naninila sa mga tupa (Gawa 20).

Ang mga pastor ay dapat maging modelo sa turo at gawi. After all ang pastor na nagtuturo ng katapatan ngunit sinungaling ay hindi magandang halimbawa. Gaano mab siya katapat sa kaniyang aral, kung ang gawi ay hindi sumasalamin sa aral, hindi siya dapat tularan. Wala siyang pinagkaiba sa mga Fariseo at eskriba ng Mateo 23 na dapat pakinggan ang aral ngunit huwag gayahin ang gawi.

Sa verse 7, mababasa:

7 Alalahanin ninyo ang nangagkaroon ng pagpupuno sa inyo na siyang nangagsalita sa inyo ng salita ng Dios; at sa pagdidilidili ng wakas ng kanilang pamumuhay, ay inyong tularan ang kanilang pananampalataya.

Samakatuwid hindi lang basta-bastang pinuno ang pinag-uusapan. Ang pinag-uusapan ay pinunong nagsasalita ng Salita ng Diyos (hindi partikular na opinyon o preperensiyang kinuha sa sanlibutan; seriously bakit ka sa sanlibutan kukuha ng ideya kung paano manamit sa harap ng Panginoon o bakit ka sa sanlibutan ng halimbawa ng paggalan sa pinuno- Mateo 20:25-28) at namumuhay ng ayon sa “pananampalataya” (doktrina). Sila ay dapat alalahanin (hindi lang gawaing kognitibo kundi pag-alalang may kasamang pagmalasakit at gawa) at tularan (gawing modelo). Ang pastor ay dapat tularan ng kaniyang tupa. After all, kung maligaw ang tupa, siya lang ang mapapahamak, pero kapag ang pastor ang naligaw, lahat ng tupa ay mapapahamak.

Puntahan na natin ang v17.

“Magsitalima kayo sa namiminuno sa inyo.” Muli, ayon sa konteksto, ito ay ang pinuno na nagtuturo ng Salita ng Diyos (wala tayong obligasyon sa mga nagtuturo ng mali- 2 Corinto 11:20). Hindi ito dapat gamiting blanket protection “touch not my anointed” sa mga pastor. Muli, kahit si Pedro ay napagsabihan ni Pablo sa harap ng lahat nang ang kaniyang gawi ay hindi ayon sa biyaya (Gal 2)!

“At kayo’y pasakop sa kanila.” Ang pagpapasakop ay pagkuha ng tamang posisyun ayon sa ranggo. As long as sila ay nagtuturo nang ayon sa Biblia, dapat natin silang sundin. Hindi mahalaga ang kanilang tinapusan, ang kanilang IQ, ang kanilang edad o kanilang socio-economic status.

“Sapagkat pawang nangagpupuyat dahil sa inyong mga kaluluwa.” Ang mga pinuno ay nangangailangan ng pagsunod dahil sila ang nagpupuyat (na nagpapakita ng efforts at initiative) sa inyong mga kaluluwa. Sa halip na gamitin nila sa pagtulog, gumugugol sila ng oras sa pag-aaral at pagpaplano ng hakbangin ng simbahan.

“Na parang sila ang mangagsusulit.” Magsusulit sila sa Diyos sa pangangalaga ng kaluluwa ng mga miyembro. Hindi ito nangangahulugang kahit ano, kahit mali, pwede niyang ituro, tutal siya naman ang mananagot sa Panginoon. Mananagot siya sa Panginoon sa pag-aalaga ng kaluluwa ng simbahan. Samakatuwid, since tinanggap mo ang trabaho, panindigan mo. Huwag maging gaya ng upahang manggagawa na kapag may lobo, alis ng alis. Hindi nagmamaktol kapag hindi nasunod at nagreresign. Nangangahulugan itong dapat handa ang mga miyembro na subukin ang mga espiritu kung ito ay galing sa Diyos.

“Upang ito’y gawin nilang may kagalakan, at huwag may hapis: sapagka’t sa ganito’y di ninyo mapapakinabangan.” Kung tahimik ang kaisipan ng pinuno, mas mapapaigi niya ang pamamahala. Mahirap mamahala kapag may sama ng loob at may masamang tinapay sa mga miyembro. Dito mahalaga na ang buhay ng pastor ay nagre-reflect sa kaniyang doktrina. Mahirap igalang ang sinungaling at pabago-bagong pastor.

Ayon kay Steven Cole (https://www.preceptaustin.org/hebrews_1317-19):

The text is clear that the church should submit to godly church leaders. Abusive leaders should be confronted and removed from office (1Ti 5:19, 20, 21). John Calvin (Calvin’s Commentaries [Baker], on He 13:17, pp. 352-353) observed,

“the Apostle speaks only of those who faithfully performed their office; for they who have nothing but the title, nay, who use the title of pastors for the purpose of destroying the Church, deserve but little reverence and still less confidence.”

Sa pagtatapos, ang Hebreo 13:17 ay hindi nagtuturo na palibhasa ecclesiastical leader, siya ay dapat sundin. Ang leader na susundin ay ang leader na nagtuturo ng Salita ng Diyos, nagpapagal para sa kaluluwa at may pananampalatayang dapat tularan. Hindi ito nangangahulugang ang lalaking may titulong pastor (na sa Biblia ay NEVER na titulo, but larawan ng trabaho- tagapakain ng kawan) ay dapat sundin. Ganiyan mag-isip ang mga Gentil- ang secretarya ay laging sumusunod sa boss. Pero hindi tayo Gentil na hindi mananampalataya; tayo ay Gentil na mananampalataya at may bagong pagkatao. Sa ating bagong pagkatao ang lider ang tagapaglingkod, hindi namamanginoon sa mga tupa- 1 Pedro 5. Ang pastor ang dapat nangangalaga sa tupa; not the other way around.

Manatiling nakapokus sa biyaya. Be Berean.

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)



Comments

Popular posts from this blog

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

Bakit Kailangang Umawit ang Simbahan?

Naghahanap ka ba ng kapahingahan?