1 Corinto 3:13 Ang gawa ng bawa't isa ay mahahayag: sapagka't ang araw ang magsasaysay, sapagka't sa pamamagitan ng apoy inihahayag; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawa't isa kung ano yaon.
Tayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya hiwalay sa mga gawa, Efeso 2:8-9; Juan 3:16; Gawa 16:31. Ngunit mayroong pinipilit isuksok ang mga gawa sa salvation equation sa pagtuturong ang mga gawa ang katunayan ng kaligtasan. Samakatuwid kung ikaw ay ligtas, ikaw ay gagawa sapagkat ang taong walang gawa ay hindi talaga nanampalataya. Ang kanilang argumento ay sa oras ng kaligtasan, ikaw ay bagong nilalang at kung walang pagbabagong makita sa iyo, halimbawa, interes sa Biblia, hindi ka talaga ligtas. Ngunit totoo ba ito?
Isa sa mga ginagamit na teksto ay 1 Corinto 3:13. Umano'y hindi sapat ang sabihing nanampalataya ka; sa pagdating ng panahon, ang katotohanan ng iyong pananampalataya ay makikita sa pamamagitan ng mga gawa. Ang apoy ng paghuhukom ang magpapakita kung talagang tunay kang mananampalataya dahil ang iyong mga gawa ay mananatili. Ang mga kunwang nanampalataya ay masusunog ang mga gawa, na nagpapakitang sila ay mga hindi mananampalataya.
Una sa lahat, inaapirma natin na ang taong nanampalataya kay Cristo ay isang bagong nilalang, 2 Corinto 5:17. Ngunit kinikilala natin ang kabaguhan na ito bilang kabaguhan sa posisyun (positional change). Dati ikaw ay na kay Adan, ngunit nang manampalataya ka, nilagay ka ng Espiritu kay Cristo. Dahil dito hindi ka na tumitingin ayon sa laman (panlabas gaya ng pananamit at posisyun sa lipunan) kundi sa panloob. Ikalawa, ang pagbabagong ito ay hindi praktikal na pagbabago (positional change). Ang praktikal na pagbabago ay darating habang ang iyong isipan ay binabago ng Salita ng Diyos. Sa pagpapatuloy na pag-aaral ng Salita ng Diyos, ang iyong isipan ay nababago upang malinya sa pamantayan ng Diyos at nalalaman at natutupad mo ang Kaniyang kalooban, Roma 12:1-2. Naiiwasan mo ang pagiging makamundo habang sinusuko mo ang iyong sarili sa Kaniyang kalooban. Ito ang tinatawag ng Biblia na kaligtasan ng kaluluwa. Ang nakalulungkot ay hindi lahat ng nakaranas ng posisyunal na kaligtasan ay nakararanas ng eksperientiyal na aspeto ng kaligtasan.
Balik tayo sa 1 Corinto 3:13.
Una, sino ang kausap? Ang kausap ay mga banal ng Corinto. Dahil sila ay mga banal na, sila ay ligtas na. Nanampalataya na sila kay Cristo para sa buhay na walang hanggan. Anuman ang sinasabi ng 3:13, hindi ito posisyunal na kaligtasan.
Makikita natin ito sa mismong kapitulo:
11 Sapagka't sinoman ay hindi makapaglalagay ng ibang pinagsasaligan, kundi ang nalalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.
Ang sinulatan sa v13 ay may pundasyon nang nakalatag. Si Cristo. Ang usapan ay ang kanilang pamumuhay o ang itatayo nila sa pundasyon ng kaligtasan kay Cristo:
12 Datapuwa't kung ang sinoma'y magtatayo sa ibabaw ng pinagsasaligang ito ng ginto, pilak, mga mahahalagang bato, kahoy, tuyong dayami;
Ang pamumuhay kay Cristo ay maaaring mahati sa dalawa. Sa isang banda ang pamumuhay na ginto, pilak at mahahalagang bato. Ito ang pamumuhay na may intrinsic value. Samakatuwid, nakalulugod sa Diyos. Sa isang banda ang buhay na mailalarawan bilang kahoy at tuyong dayami (sa Ingles ay wood, hay and straw). Ang mga ito ay madaling masunog. Samakatuwid walang intrinsic value.
Ito ang sunog na tinutukoy sa v13:
13 Ang gawa ng bawa't isa ay mahahayag: sapagka't ang araw ang magsasaysay, sapagka't sa pamamagitan ng apoy inihahayag; at ang apoy rin ang susubok sa gawa ng bawa't isa kung ano yaon.
Ang apoy ang magdedetermina kung ang pamumuhay post-salvation ay may intrinsic value o wala. Kung mayroong intrinsic value (nakalulugod sa Diyos), may naghihintay na rewards. Kung walang intrinsic value, walang rewards. Ito mismo ang sabi ni Pablo:
14 Kung ang gawa ng sinoman ay manatili, na kaniyang itinayo sa ibabaw niyaon, siya'y tatanggap ng kagantihan.
So you see ang issue sa v13 ay hindi pagsusuri kung tunay ang kaligtasan o hindi. Mayroon na siyang pundasyon, si Cristo, v11. Ang pinag-uusapan ay ang kaniyang pamumuhay, v12, kung ito ba ay dapat ng kagantihan (rewards) o hindi. Sa mga namuhay na nakalulugod sa Diyos, may rewards, including reigning with Christ. Sa mga nasunog ang mga gawa sa Bema, walang rewards pero ang kaligtasan ay secured:
15 Kung ang gawa ng sinoman ay masunog, ay malulugi siya: nguni't siya sa kaniyang sarili ay maliligtas; gayon ma'y tulad sa pamamagitan ng apoy.
Nasunog ang kaniyang mga gawa, dahil dito siya ay malulugi, wala siyang rewards. Pero siya mismo ay ligtas ngunit tulad sa pamamagitan ng apoy. Ang larawan ay taong nasunugan na walang anumang naligtas maliban ang kaniyang sarili. Papasok siya sa Kaharian na walang anumang dalang rewards.
Ang isasaysay ng apoy ng Bema ay hindi ang katunayan ng pananampalataya o kaligtasan. Ang isasaysay nito ay ang value ng buhay na naisapamuhay post-salvation. Ginamit mo ba ang iyong buhay upang ipaglingkod sa Kaniya? O ginamit mo ito para ipaglingkod sa sarili at magtipon ng mga sariling tagasunod. Tanging si Cristo sa Bema ang maghahayag nito. Walang sinumang Cristiano, kahit pa pastor, ang may sapat na objectivity upang maging hukom. Kahit si Pablo, sa pagdetermina niya sa kaniyang sarili, ay ipinapaubaya kay Cristo ang paghuhukom, 4:3-5. Sabi nga ni Pablo sa Roma, 14:4, 10-13, bakit tayo ang hahatol sa lingkod ng iba (sa lingkod ni Cristo). Iwan natin ang paghatol sa Kaniya. Asikasuhin nating makaharap sa Kaniya na handa sa pagsusulit.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, kada 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Isang mahalagang paalala: ang mga blogs na ito ay personal kong opinyon at eksposisyon; hindi ito opisyal na pananaw ng Partido Christian Bible Church. Kung nais ninyong malaman ang kanilang opisyal na posisyun, magtanong kayo sa mga matanda ng simbahan. Ang Nieto Bible Page ay isang hiwalay na ministri mula sa PCBC at independiyente rito. Nakikipagtipon ako sa PCBC, pero may personal akong kumbiksiyon sa mga bagay. Dahil hindi ako miyembro ng teaching and ruling leadership ng PCBC, anumang mabasa ninyo rito ay hiwalay sa kanila. Anumang nasusulat ay aking pananagutan.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment