Pagkakaroon ng isang kaisipan
Filipos 2:2 Ay lubusin ninyo ang aking katuwaan, upang kayo'y mangagkaisa ng pagiisip, mangagtaglay ng isa ring pagibig, na mangagkaisa ng akala, at isa lamang pagiisip;
Sa Filipos 2:2, sinabi ni Pablo na ang mga Cristiano ay dapat mangagkaisa ng pag-iisip, magkaroon ng kapareho o iisang kaisipan. Lumalabas na may pagkakahati sa Filipos at sa Fil 4:2, sila ay pinangalanan.
Ito ay panawagan ng pagkakaisa sa gitna ng sitwasyong pinaghaharian ng pagkakahati.
Ang parehong mga pananalita ay makikita sa 1 Cor 1:10-13 kung saan ang pagkakabahabahagi ay umiikot sa mga personalidad. Sinabi ni Pablo na hindi ito nararapat dahil si Cristo ay hindi nababahagi o nahahati. Sa 2 Cor 13:11, pinayuhan niya ang mga taga-Corinto na "mangagpakasakdal kayo; mangaaliw kayo; mangagkaisa kayo ng pagiisip; mangabuhay kayo sa kapayapaan." Ang resulta ay "ang Dios ng pagibig at ng kapayapaan ay sasa inyo."
Bakit mahalaga ang pagkakaisa sa kapatiran. Ang dahilan ay ang ating pagkakaisa ay isa sa mga patunay ng pagka-Diyos ni Cristo. Ang ating pakikiisa sa isa't isa at sa Ama ay patotoo kay Cristo, Juan 17:20-21. Isang dahilan ng pagtutol ng mga tao sa Cristianismo ay ang pagkakahati-hati nito kaya madalas nilang sabihin, "Kung totoo ang Cristianismo bakit may 20, 000 sekta nito? Alin sa mga ito ang totoo?" Bagama't hindi lahat ng sektang ito ay "Cristianismo," huwag na tayong dumagdag sa bilang.
Ano ang kailangan upang magkaroon ng isang kaisipan? Dito sa Filipos at sa Roma 12:16, ang solusyon ay pareho- kapakumbabaan. Huwag magpakapalalo. Huwag mag-isip nang higit sa nararapat patungkol sa sarili. Sa halip dapat ituring ang iba na mas maigi kaysa sa kaniyang sarili. Ikinakabit ni Pablo ang pagkakaisa sa kapakumbabaan.
Ngunit ang pagkakaisa ay kapakinabangan lamang kung may kapakumbabaan. Tingnan ninyo ang Tore ni Babel sa Gen 11. Ang kanilang pagkakaisa ay walang kapakumbabaan dahil sila ay makasarili. Sinabi ng Diyos na sila ay mangalat matapos ang baha ngunit ang inisip nila ay kabaligtaran: magkakaisa lang sila sa isang lugar, magtatayo ng mataas na toreng matataguan sa baha (hindi nila pansin ang pangako ng Diyos na hindi na babahain ang mundo) at gagawa sila ng toreng aabot sa langit at magtatanyag sa kanila. Wala silang kapakinabangan dito at direktang naging dahilan ng pagkakahati ng mga tao sa iba't ibang wika, tribo at nasyonalidad. Ang aral ay ang pagkakaisang walang kapakumbabaan ay hindi epektibo at madalas ay kontraproduktibo.
Sa Filipos 2, nilagay ni Pablo ang Panginoong Jesucristo bilang halimbawa ng kapakumbabaan. Siya ang dapat nating takbuhan upang magkaroon ng tunay na pagkakaisa.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.
Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)
Comments
Post a Comment