Manampalataya at Magtiis
Filipos 1:29 Sapagka't sa inyo'y ipinagkaloob alangalang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya:30 Yamang taglay ninyo ang pakikipagbuno na inyong nakita rin sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyong taglay ko.
Ayon sa v28 hindi dapat matakot ang mga mananampalataya sa mga kaaway ng evangelio. Ang pag-aaway na ito ay tanda ng temporal na kapahamakan (eternal kung ang kaaway ay hindi mananampalataya) ng mga kaaway at temporal na kaligtasan ng mga Cristiano. Sa v29 sinabi ni Pablo na ito ay bahagi ng katawagan o kahalalan ng mga Cristiano.
Madalas kapag binabanggit ang kahalalan o katawagan o pagkahirang ng mga Cristiano, ang unang pumasok sa isipan ay pinili lamang ng Diyos kung sino ang papasok sa langit dahil trip trip lang Niya at ang iba ay hinayaan niyang mapa-impiyerno (o sa kaso ng double predestination, pinili sila ng Diyos na mapa-impiyerno). Ginagawa ito ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pananampalataya at pagkakait nito sa mga hindi Niya trip pumasok sa langit. Ito ay inhustisya at nagpapawalang bahala ng katotohanang ang evangelio ay malayang dapat ipangaral sa lahat, malayang pakinggan ng lahat, at malayang sampalatayahan o itakwil ng lahat. Ang responsabilidad kung ang tao ay pupunta sa impiyerno o hindi ay nasa tao. Ginawa ni Cristo ang lahat ng dapat gawin upang maligtas ang tao at walang natitirang gawin ang tao kundi tanggapin ang kaligtasang ito sa pamamagitan ng pananampalataya.
Sa sitas na ito may katawagan ang mga Cristianong bihirang mabanggit kapag pinag-usapan ang katawagan. Ito ay makikita rin sa 1 Pedro 2:18-21. Ang pagkakataong magtiis alang alang kay Cristo
"Sapagka't sa inyo'y ipinagkaloob alangalang kay Cristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya, kundi upang magtiis din naman alangalang sa kaniya." Ang mga Cristiano sa Filipos ay binigyan ng pagkakataong manampalataya sa Panginoong Jesus. Sa Gawa 16, kung hindi hinadlangan ng Espiritu Santo si Apostol Pablo at mga kasama, patuloy sana silang tutungo sa Asya. Sa probidensiya ng Diyos, sa pamamagitan ng isang "tawag Macedonian", dinala ng Espiritu ang mga apostol sa Europa. At Filipos ang unang lunsod na nakarinig ng evangelio. Ito ay malaking oportunidad. Ang pamilya ni Lidia at ng bantay sa kulungan ay sinamantala ang pagkakataong ito at nanampalataya. Ngunit marami sa Filipos ang tinakwil ito at napilitang umalis sila Pablo.
Ipinapaalala ni Pablo na hindi lang sila binigyan ng oportunidad na manampalataya, kundi pati ng oportunidad na magtiis alang alang kay Cristo. Ayon kay Pedro ang magdusa dahil sa pagiging masama ay walang kapurihan. Ngunit mapalad ang magdusa dahil kay Cristo sapagkat Siya ay nagbigay ng halimbawa nang Siya ay itakwil at ipako sa krus ng mga Judio. Ngayon ang kaparehong oportunidad ay bukas sa mga taga-Filipos. May pagkakataon sila sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya, alang-alang kay Cristo, na ihayag sa sanlibutan ang kanilang paglago kay Cristo sa pamamagitan ng pagtitiis at pakikiisa sa mga nagtitiis, gaya ni Pablo.
"Yamang taglay ninyo ang pakikipagbuno na inyong nakita rin sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyong taglay ko." Dati ay nakikita at nababalitaan nila ang mga pagtitiis at "pakikipagbuno" ni Pablo para sa evangelio. Ngayon, may pagkakataon silang makisalo sa pakikipagbunonv ito. Nararanasan nila, "taglay ninyo", ang pakikipagbuno na dati ay nakikita at nababalitaan lamang nila kay Pablo. Dahil sila ay nakisimpatya kay Pablo, sila ngayon ay aktibong bahagi ng espirituwal na pakikipagbaka. Ang mga kaaway ni Pablo ay target na rin sila.
Mga kapatid, madali't malaon, tayo ay daraan sa paghihirap sa buhay, Gawa 14:22. Kinikilala ba natin itong "kaloob" o oportunidad alang alang kay Cristo? O ito ay ating inaayawan?
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment