Ang kaisipan ni Cristo



Filipos 2:5 Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito'y na kay Cristo Jesus din naman:6 Na siya, bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios,7 Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao:8 At palibhasa'y nasumpungan sa anyong tao, siya'y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus.

Matapos ni Pablong manawagan sa mga Cristianong magkaisa, na mangyayari lamang kung sila ay magkaroon ng pagpapakumbaba, nagbigay siya ng halimbawa ng kapakumbabaan. Ang kaniyang ibinigay na halimbawa ay walang iba kundi ang Panginoong Jesucristo. 

Popyular ang mga sitas na ito dahil sa tinatalakay dito ang katangian at kalikasan ng Panginoong Jesucristo. Ang sitas na ito ay malaman sa mga doktrina ng pagka-Diyos at preexistence ni Cristo, ang Kaniyang pagkatao at Hypostatic Union, ang Kaniyang kenosis at pagdepende sa Espiritu Santo sa Kaniyang pamumuhay sa lupa at iba pa. Ito rin ay nagsasaysay ng mga hakbang ng kapakumbabaan ni Cristo bago sa v9-11 ipakita naman ang gloripikasyon Niya. 

Ngunit huwag nating kalimutan na ang punto ng mga sitas na ito ay hindi upang talakayin ang Cristolohiya (bagama't sa mga susunod na blogs tatalakayin natin ang mga aspeto ng Cristolohiyang ito) kundi upang magbigay ng halimbawa ng kapakumbabaan na magkakaisa sa mga taga-Filipos. Kapag tiningnan ang mga sitas sa ganitong pananaw, makikita nating ito ay napakapraktikal na sitas. 

"Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito'y na kay Cristo Jesus din naman." Sa v3, binanggit ni Pablo ang pagkakaroon ng kapakumbabaan ng pag-iisip na iniisip na ang iba ay mas mahalaga kaysa sa sarili. Ito ang solusyon upang magkaroon sila ng pagkakaisa (ang apat na bagay sa v2). Ang kaisipang ito ayon kay Pablo ay masusumpungan kay Cristo Jesus. Sa madaling salita, si Cristo ang halimbawa ng kapakumbabaang nag-iisa sa mga Cristiano. Habang tayo ay lumalago sa larawan ni Cristo mas lalo tayong magkakaroon ng kapakumbabaan. Isipin ninyo si Juan Bautista na nagsasabing si Jesus ay dapat tumaas at siya ay bumaba. O si Pablo na habang lumalago sa pananampalataya ay nasumpungan ang sarili mula sa pinakahuli sa mga apostol hanggang sa pinakahuli sa mga banal hanggan sa pangunahin sa mga makasalanan. Habang lumalago siya kay Cristo, nakikita niya ang kadakilaan ni Cristo at ang kaniyang kaliitan. Walang dudang ang dalawang ito ay puno ng biyaya. 


"Na siya, bagama't nasa anyong Dios, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat panangnan ang pagkapantay niya sa Dios." Salungat sa turo ng ilang relihiyon, direktang sinabi ng Biblia na si Cristo ay nasa anyo (likas na katangian) ng Diyos. Si Cristo ay Diyos. Ngunit sa pagsunod sa plano ng Trinidad, hindi Niya pinangnan ang Kaniyang pagka-Diyos ngunit naging masunurin sa Ama. Iniwan Niya ang Kaniyang kaluwalhatian (nakikitang ekspresyon ng Kaniyang pagka-Diyos) upang maging tao. Tatalakayin natin ito sa hinaharap sa Pagka-Diyos ni Cristo at Kaniyang Preexistence. 

"Kundi bagkus hinubad niya ito, at naganyong alipin, na nakitulad sa mga tao."
Dito makikita natin ang Hypostatic Union, Kenosis at Humanidad ni Cristo. Makikita rin natin dito na hindi Niya naiwala ang pagka-Diyos, sa halip sa panlabas na anyo Siya ay naging tao. Siya ay tunay at ganap na sakdal na tao. Siya ang Tao kung ang Sangkatauhan ay hindi nagkasala- masunurin sa Ama sa lahat ng bagay. Ito ay kaanyuan ng alipin- handang sumunod sa anumang pinag-uutos ng Ama. 

"At palibhasa'y nasumpungan sa anyong tao, siya'y nagpakababa sa kaniyang sarili, na nagmasunurin hanggang sa kamatayan, oo, sa kamatayan sa krus." Sa mga sitas na ito, makikita natin ang lawak ng kapakumbabaan ni Cristo. Nasumpungan Siya sa panlabas na anyo ng tunay na tao mang hindi naiwawala ang Kaniyang pagka-Diyos. Nagi siyang masunurin hanggang kamatayan, at hindi lamang basta kamatayan kundi kamatayan sa pamamagitan ng pagkapako sa krus. Ito ay uri ng kamatayang nakalaan lamang para sa mga kriminal at bihag ng digmaan. Kahit si Pablo na isang mamamayang Romano ay hindi nakaranas ng kamatayang ito kundi ng mas mabilis na kamatayan sa pagpugot ng ulo. Tatalakayin natin ito sa krusipiksiyon ni Cristo. 

Sa katapusan, si Cristo ang halimbawa ng kapakumbabaan. Hangga't ang isip natin ay nakatuon sa Kaniya, matututo tayong maging mapagkumbaba. 

Idebelop natin ang mga doktrinang ito sa mga susunod na blogs. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.

Kung nakatulong sa inyo ang mga blogs na ito, mangyaring pasubscribe at pashare sa iba. Ibahagi natin at ikalat ang mga Salita ni Cristo at ang libreng biyaya ng Diyos sa lahat ng dakong Filipino ay lenggwahe. Salamat po.)




Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION