Sa Ikasusulong ng Evangelio
Filipos 1:12 Ngayon ibig ko na inyong maalaman, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari sa lalong ikasusulong ng evangelio;13 Ano pa't ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba't iba pa;14 At ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na palibhasa'y may pagkakatiwala sa aking mga tanikala, ay lalong nagkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Dios.
Matapos ipanalangin ni Pablo ang mga taga-Filipos, handa na si Pablo na magbigay ng update tungkol sa kaniyang kalagayan.
12 "Ngayon ibig ko na inyong maalaman, mga kapatid,"- handa si Pablo na ipaalam ang ilang mahalagang impormasyon tungkol sa maniyang kalagayan. At ang impormasyong ito ay mabuting balita. Ito ay kakatwa dahil ang normal na reaksiyon sa pagkakukong ay itrato ito bilang masamang pangyayari, hindi positibong bagay.
"na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nangyari sa lalong ikasusulong ng evangelio"- Ang kaniyang pagkakulong, sa halip na makahadlang sa pagkalat ng evangelio ay nakasulong dito. Lahat ng nangyari sa kaniya mula sa pag-aresto sa kaniya sa Gawa 21 hanggang sa pagkakulong sa Caesaria at ngayo'y nakakulong sa Roma ay sinumaryo ni Pablo sa mga salitang "mga bagay na nangyari sa akin." Hindi niya na dinetalye ang lahat dahil alam niyang ang mahalaga ay hindi kung ano ang nangyari sa kaniya kundi kung ano ang nangyari sa evangelio. At ang nangyari ay "sa lalong ikasusulong ng evangelio." Kahit siya ay natatanikalaan, ang evangelio ay hindi at mas lalo pang naibahagi. Sa paanong paraan?
13 "Ano pa't ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba't iba pa"- Dahil sa pagkakulong ni Pablo, nagkaroon siya ng pagkakataong makapagsalita sa pretorio. May mga komentaristang nagsasabing ang pretorio ay patungkol sa palasyo ni Caesar, kung totoo ito, marami sa sambahayan ni Caesar ang nakarinig at nanampalataya sa evangelio dahil sa pagkakulong ni Pablo. Ang iba naman ay nagsasabing ang pretorio ay ang baraks ng militar. Kung ganuon maraming sundalo ang nakarinig sa evangelio. Marahil walang sawa si Pablo sa pagkwento sa sinumang nakabantay sa kaniya kung paano siya nakulong, "ang aking mga tanikala", at kapag ang mga ito ay balik baraks ito ay kinuwento naman nila sa iba. Sa ganitong paraan, nagkalat sa "pretorio" at "sa mga iba't iba pa." Pansining kung hindi nakulong si Pablo, malabong marating niya ang mga taong ito ng evangelio. Ngunit ginamit ng Diyos ang pagkakulong ni Pablo upang dalhin ang evangelio sa sentro ng buhay Romano.
14 "At ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na palibhasa'y may pagkakatiwala sa aking mga tanikala, ay lalong nagkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Dios."- Bukod sa pagkalat ng evangelio sa lahat ng dako, ang mga kapatid ay mas "tumapang upang salitaing walang takot ang Salita ng Diyos." Paano ito nangyari? Ang mga kapatid ay may "pagkakatiwala sa aking mga tanikala," samakatuwid alam nilang wala siyang kasalanang kriminal ngunit nakulong dahil sa salita ng Diyos. Dahil dito tumapang silang i-identify ang kanilang sarili sa kaniyang mensahe. Mas lalo silang tumapang. Marahil naisip nila, "Si Pablo nga hindi natakot makulong para sa evangelio, tayo pa kaya." Ang "salitaing walang takot" ay hindi nangangahulugang ang mga kapatid ay naging mga misyonero at evangelista, kundi sa kanilang pang-araw-araw na pag-uusap, matapang nilang binabahagi ang salita ng Diyos.
Magagamit ng Diyos kahit ang mga bagay na iniisip nating negatibong sirkumstansiya. Magtiwala lamang tayo sa kaniya.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment