Sa aking ikaliligtas
Filipos 1:18 Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak.19 Sapagka't nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong pananaing at kapuspusan ng Espiritu ni Cristo,20 Ayon sa aking maningas na paghihintay at pagasa, na, sa anoma'y hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayon din naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng kabuhayan, o sa pamamagitan ng kamatayan.
Ipinagpagpatuloy ni Pablo ang kaniyang pagtalakay ng update sa kaniyang kalagayan. Sa kabila ng negatibong sirkumstansiya na kaniyang kinahaharap, na siya ay nakukulong hindi dahil sa siya ay kriminal kundi dahil sa evangelio ni Cristo, at sa negatibong reaksiyon ng kapatiran dito, na ginamit ang pagkakataong ito upang bigyan siya ng karagdagang kapighatian, sabi ni Pablo, siya ay "nagagalak." Oo nagagalak siya dahil alam niyang ang Diyos ay kumikilos sa kaniyang sirkumstansiya at hinahanda ang kaniyang kaligtasan.
"Ano nga? gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako, oo, at ako'y magagalak." Ang attitude ni Pablo ay kahit ang iba ay nagtuturo sa maling motibasyon, ang mahalaga ay naitatanyag si Cristo. Kahit nakakulong siya, ang pangangaral ng evangelio ay nagpapatuloy dahil sa mga Cristianong may katapangang nagbabahagi nito. Maaaring mali ang kanilang motibasyon, ngunit ang mensahe ay nailalabas, at magagamit ng Diyos ang mensaheng ito upang dalhin ang tao sa pananampalataya kay Cristo.
"Sapagka't nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas"- Ang kahihinatnan nito ay kaniyang kaligtasan. Anumang nangyayari sa kaniyang buhay, gagamitin ito ng Diyos sa kaniyang kaluwalhatian at sa kaligtasan ng Kaniyang lingkod. Ang kaligtasan dito ay hindi kaligtasan mula sa impiyerno kundi sa kaligtasan sa problemang kaniyang kinakaharap. Samakatuwid, naniniwala si Pablo na hindi siya habambuhay makukulong. Maliligtas siya sa sirkumstansiyang kaniyang kinalalagyan. Inaasahan niyang siya ay makalalabas. Ikumpara ang kumpiyansang ito sa kaniyang sulat sa 2 Timoteo kung saan may kapayapaan siyang hindi na siya mabubuhay. Isa siyang handog na inuming nabuhos. Sa Filipos, may kasiguruhan siya ng kaligtasan.
"Sa pamamagitan ng inyong pananaing at kapuspusan ng Espiritu ni Cristo." Ang metodo nh kaligtasan ay ang panalangin ng mga taga-Filipos, "inyong pananaing," at ang tugon ng Espiritu, "kapuspusan ng Espiritu ni Cristo." Dahil sa ang mga taga-Filipos ay puspos ng Espiritu at ang Espiritu ang kumilos sa kanilang puso upang manalangin, alam ni Pablong may kaligtasang naghihintay sa kaniya, lalabas siya sa kulungan.
"Ayon sa aking maningas na paghihintay at pagasa, na, sa anoma'y hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati." Malaki ang kumpiyansa ni Pablo sa kaniyang kaligtasan. Nilarawan niya ito bilang maningas na paghihintay at pag-asa. Sa Biblia ang paghihintay at pag-asa ay nagpapahayag ng kumpiyansang ang hinihintay ay mangyayari. Mailalarawan ito bilang confident expectation. Hindi ito gaya ng pag-asa sa ating lenggwahe na maaaring oo o hindi ngunit umaasa kang oo. Ito ay maningas, samakatuwid ay buhay. Hindi ito pag-asa sa wala. Ito ang kaniyang SOP bago siya makulong, "kundi sa buong katapangan, gaya ng dati." Ito rin ang pag-asa niya ngayon. Hindi nabago ng pagkabilanggo ang kaniyang tiwala at pag-asa sa Diyos, "gayon din naman ngayon."
"Ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng kabuhayan, o sa pamamagitan ng kamatayan." Noon at ngayon, si Pablo ay may isang layon- ang kadakilaan ni Cristo sa kaniyang katawan. Ang katawan ni Pablo ay hindi para sa kaniyang sariling kasayahan o kagustuhan. Ito ay para sa kaluwalhatian ng Panginoon. Ang kaniyang buhay at kamatayan ay para sa paglilingkod sa ikaluluwalhati Niya. Kung maganap ang kaniyang inaasahang paglaya, gagamitin niya ang buhay upang luwalhatiin si Cristo. Kung siya naman ay mamatay, samakatuwid, capital punishment, ang kaniyang kamatayan ay para sa kaluwalhatian ni Cristo. Hindi siya mamamatay bilang kriminal o masamang tao. Mamamatay siya dahil sa katapatan kay Cristo. Ang kaniyang motto sa buhay ay, "buhay, kay Cristo, kamatayan, kapakinabangan."
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment