Role ng Ama sa Espirituwal na Buhay ng mga Anak, Part 2
Ito ang ikalawang bahagi ng aking post tungkol sa papel ng mga ama sa espirituwal na buhay ng pamilya. Ang ikalawang bahagi ay makikita rito:
https://www.facebook.com/share/p/NGbQsHYhLwgpnMHH/?mibextid=oFDknk
Pero maaaring magtanong, paano pala ang walang mga ama sa bahay? Paano kung namayapa na ang ama? O kaya ang ama ay nasa ibang lugar dahil nagtatrabaho at ang mga anak ay naiwan sa nanay o sa ibang kamang-anak gaya ng lola? O baka ang ama ay kumabilang-bahay na, nakipaghiwalay sa nanay at ang mga bata ay walang tumatayong ama? O baka may ama nga ngunit iresponsable at walang pakialam. Ang inaatupag lang ay bisyo? O wala ngang bisyo ang ama pero wala pa ring oras dahil ang nasa isip lang ay trabaho at pera? O wala ang tunay na ama ngunit muling nag-asawa ang ina at ang padrasto ay iba ang pagtrato sa tunay na anak at sa mga ampon? O ikaw ay ganap nang ulila at inampon na lang ng iba? Paano kung walang umampon?
Alam ko ang lahat ng mga ito ay mahihirap na tanong. Walang iisang sagot sa mga tanong na ito at ang lahat ay kailangang makuntento sa anumang kasagutang kaniyang nalalaman. Hindi ko inaangking ang aking mga sagot ay makapapasiya sa lahat ngunit gusto kong simulan ang aking repleksiyon sa pagsabing nararamdaman ko at may simpatiya ako sa mga taong ito. Gaya nang nasa aking hipotetikal na mga tanong, lumaki akong walang ama dahil kami ay ikalawang pamilya. Lumaki ako at ang aking kapatid sa pangangalaga ng aming ina. Lumaki akong hindi naghahanap ng ama dahil sa biyaya ng Diyos, naibigay ng aming ina ang lahat naming pangangailangan. Napakalaki kami ng maayos ng aming ina, pinakain, pinag-aral, pinatayuan ng tirahan... Siya ang naging nanay at tatay sa aming buhay. Masuwerte ako sa parteng ito. Hindi lahat ay ganito ang kwento. Ngunit binabahagi ko ang testimonyong ito para malaman ng lahat na alam ko ang pakiramdam ng walang ama.
Paano ako naka-adjust sa panahong ito? Ang kasagutan ay simple: wala man akong pisikal na ama sa aking paglaki, nakasumpong naman ako ng Ama sa langit, Gal 3:26. Malinaw ang sinabi ng Kasulatan na ang lahat ng taong tumanggap kay Jesus, samakatuwid ay ang sumampalataya sa Kaniya, ay binigyan ng karapatang maging mga anak ng Diyos, Juan 1:12. Sa laki ng pag-ibig ng Diyos, sinugo Niya ang Kaniyang Bugtong na Anak upang mamatay sa krus, bayaran ang ating mga kasalanan at ang sinumang sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan, Juan 3:16. Oo, wala akong pisikal na ama, ngunit mayroon akong Ama sa langit sa pananampalataya kay Jesus. Maaari mo rin Siyang maging Ama kung sasampalataya ka kay Jesus lamang para sa buhay na walang hanggan. Sana manampalataya ka rin para magi tayong magkapatid kay Cristo.
Hindi lamang iyan, naging bahagi rin ako ng isang lokal na simbahan. Ang pastor at mga diakono ang tumayong ama sa akin. At dito iikot ang natitirang bahagi ng post na ito. Tayong mga Cristianong ama, tayong matatanda, ang dapat na tumayong ama sa mga batang walang ama. Anumang kategoriya ng mga batang iyan, sila ay unang una kapatid natin kay Cristo at kung handa tayong lumakad ng karagdagang milya, maaari rin tayong tumayong ama. Tayo ang magiging role models sa kanila at gagabay sa kanilang paglaki at paglago kay Cristo gaya ng aking binahagi sa unang bahagi ng post na ito.
Sabi nila, isang buong baryo ang kailangan upang matuto ang mga bata. Bagama't ginagamit ito sa diwang sosyalismo, sa madaling salita, sa halip na personal na obligasyon ng magulang na matuto ang anak ay nilalagay nila ito sa kamay ng estado, may limitadong aplikasyon ang kasabihang ito. Kailangang magtulong-tulong ang baryo upang mapalaki nang maayos ang kanilang kabataan. Kung totoo ito sa sekular na institusyon, isipin mo kung gaano higit na totoo ito sa simbahan. Kailangan tayong magtulong-tulong upang siguruhing ang ating mga kabataan ay manatili sa pananampalataya, lalo na kung wala silang amang gagawa nito sa kanilang mga bahay. Tayo ang magmomodelo sa kanila ng biyaya, ng pananampalataya, ng doktrina, ng pag-ibig at ng lahat ng aspeto ng pagiging miyembro ng isang simbahan. Nagtanong si Cain, "Ako ba ang tagapag-alaga ng aking kapatid?" Ang biblikong kasagutan ay oo. Dahil ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan at ang ikabubuti ng isa ay ikaaangat ng lahat.
Lumaki akong walang ama at iyan marahil ang dahilan kung bakit malalim ang aking paggalang at paghanga sa aking biyenang lalaki. Nakita ko sa kaniya ang amang pinagkait ng panahon. Dahil dito ipinangako kong ibabalik ko sa iba ang pribilehiyong ito. Handa akong tumayong ama sa lahat ng kabataang walang father-figure. Kung paanong si Pablo ay naging ama kay Timoteo, 1 Cor 4:17; 1 Tim 1:18; 2 Tim 1:2; at kung paanong si Pedro ay naging ama kay Marcos, 1 Ped 5:13; ganuon din tayong lahat ay dapat maging ama sa mga kabataan. Kung handa kayong tanggapin ang aking awtoridad at pagmamahal, ituturing ko kayong mga anak (huwag lang kayong humingi sa akin ng baon!). Sana ganuon ang lahat ng kalalakihan sa ating kongregasyon. Kung paano ang Diyos ay naging Ama ng mga ulila, Awit 68:5, tayo ay maging ama ng mga ulila o nangangailangan ng ama.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment