Role ng Ama sa Espirituwal na Buhay ng mga Anak

 


Isa sa pinakapaborito kong bahagi ng Biblia ay ang Genesis 5:21-24. Makikita ninyo ang komentaryo ng Bagong Tipan sa Hebreo 11:5. Nang bata pa ako, nabasa ko ang isang aklat ni Jack Hyles ng First Baptist Church of Hammond, Indiana (yes isa akong fan niya, kahit pa nang ang pangalan niya ay mabalot ng eskandalo kalaunan). Isa sa mga sermon doon ay patungkol kay Enoch at ito ay mabilis kong naging paborito. Bukod sa Juan 3:16 at 1 Tesalonica 4:13-18, ito na siguro ang bahagi ng Biblia na pinakamadalas kong itinuro at ipinangaral. Marahil dahil sa lumaki akong walang ama, kaya iba ang saya na dala ng sermong ito. Mabilis kong kinabisa ang balangkas ni Hyles at nang nagsisimula pa lang akong magturo, ito ang aking go-to sermon. Kapag nagipit, takbo sa Genesis 5. Naalala ko nuon sa dati naming simbahan sa Santa Maria, nang hindi sumipot ang aking una't ngayo'y namayapa nang pastor dahil sa isyung domestiko, tumayo ako sa pulpito at dalawang sermon ang aking tinuro. At ang isa ay, hulaan ninyo- tama, ang kwento ni Enoch. 


Sa sermon ni Hyles may itinaas siyang ilang isyu at tanong na kaniyang sinagot nang may halong pinabanal na espekulasyon (sanctifies speculation). Aaminin ko na ito sa simula pa lamang para hindi makahadlang sa repleksiyon na aking susulatin. Isa roon ay bakit nagsimulang lumakad si Enoch nang tatlong daang taon? Hindi binanggit na direkta sa Kasulatan, maliban sa pangkalahatang sabing si Enoch ay nagsimulang lumakad kasama ng Diyos pero ang sagot ni Hyles, sa aking palagay, ay nasa punto.


Kung gagamit tayo ng simpleng matematika, naging anak ni Enoch si Matusalem sa edad na 65, lumakad siyang kasama ng Diyos nang 300 taon at sa edad na 365 ay hindi na nakita kasi kinuha na ng Diyos. Sa espekulasyon ni Hyles, naglakad nang naglakad si Enoch at ang Diyos hanggang sa pagsapit ng dilim, sa layo ng kanilang nilakad, sinabi ng Diyos na, "Mas malapit ang aking bahay kaysa sa iyong bahay. Bakit hindi ka na tumuloy kaysa bumalik ka pa sa inyo?" Sa batang bata kong isipan iyan ay isang kwentong may dating. Tumatak ito sa aking isipan. Sa Hebreo ang salitang ginamit sa "kinuha" (gayon din sa 2 Hari 2 patungkol sa pagkuha kay Elias) ay sinalin sa Griyego sa LXX ng salitang ginamit sa rapture sa Tesalonica. Iyan ang sabi ng mga teologo at kayo na ang bumuo ng inyong konklusyon. 


Anong mayroon sa edad na 65? Bakit siya nagsimulang lumakad kasama ang Panginoon. Muli ginamit ni Hyles ang kaniyang pinabanal na espekulasyon at sinabi niya na siguro nang makita ni Enoch ang kaniyang anak, isang napakagandang anak (marahil ay halo't hiram na retorika mula kay Moises), sinabi niyang dapat na akong magbagong buhay. May anak na ako, kung hindi ko aayusin ang aking buhay, makikita ng anak ko ang aking pamumuhay at susunod siya rito at malalayo siya sa Diyos at ayaw niyang mangyari iyon kaya ngayon pa lang habang maliit pa ang bata ay lalakad na siyang kasama ng Panginoon. Dahil sa may anak na siya, gusto niyang maging modelo rito sa paglaki. Wala iyan sa Biblia, pero nakikita ninyo ba kung gaano kalaking teolohiya ang natatago sa kwentong iyan? 


Mga ama, tayo ang pangulo ng ating mga pamilya! Tayo ang nagdadala ng espirituwalidad ng ating pamilya. Gayahin natin si Job at si Abraham na mga aktibong bahagi sa espirituwalidad ng kanilang pamilya. Hindi sila pasibong tagahanapbuhay at binabayaan na sa nanay ang obligasyon sa espirituwal na edukasyon ng mga anak. Ang Deuteronomio 6, ang buong aklat ng Kawikaan, ang Colosas 3 at Efeso 6 ay lahat paalala na tayong mga ama ang dapat na aktibong tagapagturo ng pananampalataya sa ating asawa at mga anak. Hindi aksidente na sa Aklat ng Gawa, kapag nakumberte ang ama, ang buong sambahayan niya ay nananampalataya rin. Dahil bilang ama tayo ang punong saserdote sa mga bagay na pang-Diyos. Huwag natin itong isuko sa ating mga asawang babae, sa halip sila ay dapat nating maging katulong at katuwang sa pagpapalaki ng ating mga anak sa pananampalataya. Huwag natin itong isuko sa ministro o sa guro ng prep school. Hinahamon ko ang lahat na magpakita ng sitas na ang pangunahing obligasyon ng pagtuturo ng pananampalataya ay nasa ministro o guro ng prep school. Huwag natin itong isuko sa mga paaralan kung saan tuturuan sila ng etika ng sekularismo at eklektisismo. Huwag nating isuko ang obligasyong turuan ang ating mga anak sa kamay ng ibang tao. Bago mahuli ang lahat. 


Sa isang youth camp, nang sila ay magbahagian ng testimonyo, nakakaalarma na iilan lang ang mga anak (kabilang na ang aking dalawa sa iilang iyan) ang personal na dinala ng mga magulang sa pananampalataya. Ibig sabihin nito, iba ang nagturo sa kanilang ang kaligtasan ay nasa pananampalataya lamang kay Cristo lamang. Karamihan ay dahil sa kanilang mga lolong diakono. Ibig nitong sabihin, hindi natin ginagawa ang ating mga obligasyon. Sa isang impormal na surbey sa Dahat, karamihan ng mga batang dumadalo ay galing sa sambahayang hindi mananampalataya. Maliban sa mga apo ng isang kapatid, ang mga dumadalo ay galing sa mga taga-labas. Bagamat ito ay eksayting dahil kung ang mga ito ay mapalaki sa pananampalataya sa Panginoon, sila ay potensiyal na misyonaryo sa kanilang mga pamilya, may naiiwang isang napakalaking tanong: NASAAN ANG MGA ANAK NG MGA CRISTIANO AT WALA SA PREP SCHOOL? Iyan nilakihan ko ang tanong dahil napakalaki talagang tanong iyan. Nasaan ang mga anak na ito? Paano sila lalaki na may pagkakilala may Cristo bilang Tagapagligtas at paano nila mauunawaan ang kahalagahan ng pagiging bahagi ng lokal na simbahan kung hindi natin sila dinadala sa simbahan? 


Bilang mga ama, sa atin dapat unang matutunan ng mga bata ang kabanalan, hindi ang kabanalan ng relihiyon na sinasakal ang lahat ng listahan ng dapat at hindi dapat gawin, kundi ang  posisyunal kabanalan na dulot ng pananampalataya kay Cristo at praktikal na kabanalan sa pamamagitan ng pananahan kay Cristo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Wala tayong personal na kabanalang maipakikita maliban sa kabanalang dulot ng paglago sa Biblia at malaking bahagi niyan (hindi lahat, maaari kang lumago sa personal na pag-aaral) ay natututunan sa simbahan. Kung hindi natin sila ihahatid sa simbahan, tinuturuan natin silang hindi mahalaga ang simbahan ng Diyos. 


Bilang mga ama, dapat nilang makita sa atin ang biyayang ating tinuturo. Dapat makita nila ang walang kundisyong pagmamahal at pagtanggap. Alam kong hindi ito madali dahil mas madali para sa atin ang lumakad sa Kautusan. Ngunit tayo ang kanilang unang guro ng biyaya. 


Bilang mga ama, sa atin nila dapat makita ang pamumuhay sa pananampalataya. Paano sila matututong mamuhay sa pananampalataya kung tayo ay nakikita nilang namumuhay sa paningin at sa pag-aalala. Kaunting problema lang, pinipindot natin ang panic button sa halip na manalangin at gamitin ang ating natutunang doktrina sa pagresolba ng problema. Paano sila matututong lumakad sa pananampalataya kung ang una nating reaksiyon ay humingi ng kanlungan kay Ginebra San Miguel o kay Beer na Beer? Paano sila lalakad sa pananampalataya kung ang una nating tinatakbuhan ay ang ating kapwa tao, sa halip na Diyos? Tayo ang kanilang kopyahan. 


Bilang mga ama, tayo ang unang tropeo ng doktrina. Kung tayo mismo ay hindi masikap mag-aral ng Biblia, mapapubliko man ito sa lokal na simbahan o pribado sa personal na pag-aaral ng Biblia, bakit tayo naniniwalang sila ay magiging masipag din magsiyasat? Kung dumadalo lang tayo sa simbahan kapag may kainan o kapag may bisita, tinatanim natin sa kanilang mga pusong ang pagsisimba ay kapag mayroon lamang espesyal na okasyon. Ngunit kung makita nila sa atin ang matiyagang pagtungo sa simbahan, kahit maulan o mainit, minomodelo natin sa kanila ang kahalagahan ng pampublikong pag-aaral ng Biblia. Kung hinahayaan natin silang pumasok sa paaralan kahit malakas na ang unos, ngunit hindi tayo pumupunta sa simbahan kahit ambon lang, tinuturuan natin silang mas mahalaga ang sekular na edukasyon kaysa biblikal na edukasyon. At kung hindi tayo nag-aaral sa ating mga bahay, tinuturuan natin silang ang pag-aaral ng Biblia ay walang kinalaman sa ating personal at pribadong mga buhay. Tinuturuan natin silang magkompartamentalisa ng espirituwal at sekular na mga bagay. Hindi natin sa kanila itinuturong ipasakop ang lahat ng bagay, kasama na ang ating matatayog na kaisipan, sa pagkasakop kay Cristo. 


Mga ama, may dahilan kung bakit ipinakilala ng Diyos ang Kaniyang sarili sa tao bilang Ama. At ito ay dahil tayo ay repleksiyon, maliit na repleksiyon, ng Kaniyang Pagka-Ama. Itaas natin ang institusyong ito at lumakad na nalalamang binigyan tayo ng pribilehiyong maging kamanggagawa Niya sa paglikha ng mga kawangis ng Anak.


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION