Paano Maging Masaya

 


Filipos 1:21 Sapagka't sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang.

Ang sikreto sa kasiyahan (18 beses na nabanggit sa epistula) ay ang pagkakaroon ng iisang kaisipan, kaisipang nakatuon kay Cristo, Fil 1:21. Ang kaisipang nakatuon kay Cristo ay nabubuhay para sa Kaniya at tinuturing na kapakinabangan ang mamatay kay Cristo. 

Masaya si Pablo sa kabila ng kaniyang pinagdadaanan dahil ito ay nakapagpatibay ng pakikisama ng kapatiran sa evangelio (1:1-11) lalong nakasulong sa evangelio (1:12-26) at nag-iingat sa pananampalataya mg evangelio (1:27-30). 

Gaya ng nasabi na, ang pakikisama ay isang mahalagang bahagi ng pagkakaroon ng iisang kaisipan kay Cristo. Ang nabubuhay at handang mamatay kay Cristo ay pinahahalagahan ang pakikisama sa Diyos at kapatiran (1:5; 2:1; 3:10; 4:15).

Paano natin mailalarawan ang tunay na pakikisama? 

1. Ang kapatiran ay laging nasa isipan (1:3-6)

2. Ang kapatiran ay nasa puso (1:7-8)

3. Ang kapatiran ay ipinapanalangin (1:9-11).

Tingnan natin ang bawat isa.

1. Ang kapatiran ay laging nasa isipan (1:3-6). Sa Filipos 1:3-6, hinayag ni Pablo na lagi niyang naalala ang mga banal sa Filipos. Ang pag-aalala ay hindi lamang kilos mental kundi pagkilos sa kapakinabangan ng inaalala. Isa sa pinakamagandang regalong maibibigay sa isang kapatid ay ang ilapit sila sa trono ng biyaya. Sa ganitong paraan ay nakikibahagi tayo sa kanilang pinagdadaanan. Sa v5-6, ang dahilan kung bakit masaya siyang nananalangin para sa mga taga-Filipos ay dahil sa kanilang suportang pinansiyal. Makikita natin dito ang mutual na pag-alala ni Pablo at ng mga banal sa Filipos. Sa tekstong ito makikita natin na kung gusto nating maragdagan ang ating kasiyahan, tayo ay dapat makisama sa mga kapatid sa pamamagitan ng panalangin at tulong pinansiyal.



2. Ang kapatiran ay nasa puso (1:7-8). Sa v7-8, makikita nating ang mga taga-Filipos ay nasa puso ni Pablo. Ito rin ay dahilan kung bakit siya ay nananabik sa mga ito. Nagpapakita ito ng mutual na pag-ibig. Ang pag-ibig ang taling nagbibigkis sa mga Cristiano, 1 Juan 3:14. Ito ang langis na nagpapaganda ng galaw ng makinarya ng simbahan. Hanggang may pag-ibig sa puso ng kapatiran, anumang kasalanan ay mapapatawad at anumang pagkukulang ay mapupunan. Ngunit kapag nawala ang pag-ibig, kahit ang pinakinosenteng salita ay mabibigyan ng masamang kahulugan. 


3. Ang kapatiran ay ipinapanalangin (1:9-11). Nakita na natin ang apat na panalangin ng Pablo sa mga taga-Filipos. Ang mga ito ay mailalarawan bilang panalangin sa kanilang espirituwal na kagalingan. Isang magandang katangian ng malusog na simbahan ay ang pananalangin sa bawat isa. Ngunit ang nakalulungkot, sa lahat ng disiplina ng simbahan, ito ang unang nawawala. Alam ko dahil bagama't araw-araw akong nagbabasa at nag-aaral ng Biblia, kung minsan nalilimutan kung manalangin, maliban sa pagkain, paglalabas ng bahay o kaya ay bago matulog at pagkagising. Dapat, minu-minuto tayong nananalangin, na nilalapit sa Kaniya ang ating kahilingan at pangangailangan. At sa pagsagawa ng disiplinang ito, huwag nating kalimutan ang ating kapatid. 

Kung ang tatlong ito ay masusumpungan sa isang kongregasyon, walang dahilan para hindi maging malapit ang pakikisama at magkaroon ng kasiyahan ang kapatiran. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)





Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION