Nasa Puso at Nananabik



Filipos 1:7 Gaya ng matuwid na aking isiping gayon tungkol sa inyong lahat, sapagka't kayo'y nasa aking puso, palibhasa'y, sa aking mga tanikala at pagsasanggalang at sa pagpapatunay naman sa evangelio, kayong lahat na kasama ko ay may bahagi sa biyaya. 8 Sapagka't saksi ko ang Dios, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa mahinahong habag ni Cristo Jesus.

Sa v7-8, ipinakita ni Pablo kung gaano kalapit ang relasyon niya sa mga taga-Filipos. Matuwid lamang, ayon kay Pablo na magpasalamat siya sa Diyos kapag naaalala niya ang mga taga-Filipos. Nang sinabi niyang "inyong lahat," wala siyang hindi isinama sa kaniyang panalangin at pasasalamat sa Diyos. 

Bakit matuwid na magpasalamat siya sa Diyos? Sapagkat sila ay "nasa aking puso," puso ni Pablo. Ang puso ang pinakasentro ng isang tao, kung sino siya kapag walang ibang nakatingin maliban sa Diyos. Na ang mga taga-Filipos ay nasa kaniyang puso ay nagpapakita ng mataas niyang pananaw sa mga ito. 

Anong ginawa ng mga taga-Filipos, upang sila ay mapasapuso ni Pablo? Sila ay katuwang ni Pablo sa pagbabahagi ng evangelio. "Sa mga tanikala" ay naglalarawan ng pagkakulong ni Pablo para sa evangelio. Ang "pagsasanggalang" ay ang kaniyang matapat at matapang na pagdepensa sa evangelio sa harap ng oposisyon. Sa tanikala man o pagsasanggalang, ang mga taga-Filipos ay may bahagi sa biyayang ito. Ang "biyaya" ay tumutukoy sa pribilehiyong mabilanggo at ipagtanggol ang mensahe. Wala man sila sa personal, sila ay kabahagi ni Pablo sa pamamagitan ng kanilang panalangin at abuloy. 

Bilang bahagi ng kaniyang patotoo, nanawagan siya sa Diyos bilang saksi, "saksi ko ang Diyos." Sapagkat ang Kautusan ay nagbabawal sa paggamit ng pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan, ang pahayag ni Pablo ay pinakamataas na uri ng pagpapatotoo. Kung nagsisinungaling si Pablo, siya ay mananagot hindi lamang sa pagpapaniwala sa mga taga-Filipos na sila ay nasa puso niya, mananagot din siya sa pagtawag sa Diyos na sumaksi sa isang kabulaanan. Sa diwa, tinatawagan niya ang Diyos nilang ikatlong partido sa relasyon niya sa Filipos. 

Ano ang sasaksihan ng Diyos? Na siya ay lubos na nananabik sa mga banal sa Filipos. Ang pananabik ay naglalarawan ng malapit na ugnayan sa pagitan ng apostol at mga Cristiano ng Filipos. Bagama't nahihiwalay sila ng distansiya, ang relasyon ay matatag at lalong tumatatag. Ang pananabik na ito ay hindi walang lamang emosyon kundi kumikilos sa "mahinahong habag ni Cristo." Bukod sa Ama, ang Panginoong Jesucristo y bahagi ng kanilang relasyon. Ito ang ideyal na larawan ng isang simbahan, may malapit na relasyon ang ministro at kongregasyon at ang Ama at ang Panginoong Jesucristo ay bahagi ng kanilang relasyon. Ito ang aking pangarap para sa PCBC. Isang buhay na relasyon at hindi isang patay na relihiyon. 

Kumusta ang inyong mga simbahan? Nakikita ba ang ganitong uri ng relasyon? 

Ituloy natin sa mga susunod na blogs. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION