Nakakapagod Din, Okay Lang Magpahinga

 


Aminin na natin, nakakapagod mabuhay. Lalo kung Cristiano ka dahil ang iyong pamumuhay ay counter-intuitive sa iyong paligid. Iba ang iyong mga pagpapahalaga kaya ang tingin sa iyo ng mga tao sa paligid ay peculiar. Kakaiba. Hindi ka belong sa program dahil hindi ka marunong mag-inregrate at maki-accommodate. 

Oo nakakapagod ang maraming obligasyon. Kabilaan, kaliwa at kanan. Family, extended family, church, work.... Lahat na, wala kang time para sa iyong sarili. Kahit bakante mong oras na wala kang ginagawa, iniisip mo pa rin ang kapakanan ng iba. Nagpaplano, naghahanda, nagme-mentor. Nakapapagod. 

Nakapapagod ang hindi na-a-appreciate. Okay lang sana kung lack of appreciation lang. Hindi ka naman mamamatay kung walang magpasalamat sa iyo. Ang masaklap ay yung pinagpaguran mo ay kinikritika ng mga wala namang ambag, binago ng mga naki-ride on lang at sa huli iba pa ang kumuha ng credit. Nakakapagod talaga. 

Nakakapagod yung palagay mo nag-iisa ka. Walang suporta. Maganda ang iyong mga plano, pero sa huli, nag-iisa kang nagmamalasakit. Dahil hindi ka in sa grupo. Dahil hindi ka ka-berks, hindi ka tropa. Nakakapagod na ikaw na nagpapagal para sa lahat ay hindi apresyado samantalang ang iba na wala namang ginagawa, yun ang pinupuri, pinahahalagahan, tinataas, dahil friends kasi. Kaalyado. Kakosa. Ka-clan. 

Okay lang mapagod. Step back. Recuperate. Gather your thoughts. Ang sobrang kalapitan ay sumisira ng perspektibo. Hindi mo na makita kung saan ka nagsisimula at saan nagsisimula ang trabaho. Kailangang mahanap mo ang iyong sentro upang makita mo ang mga detalye sa tamang lugar. Kailangan mong makitang sabay ang mga indibidwal na puno at ang kabuuan ng gubat. Ano ba ang pangkalahatang obhetibo? Ano ang iyong puwang sa organisasyon? Ano ang napamali at dapat baguhin? Ano ang dapat manatili? Panahon na ba upang magsimula uli? 

Okey lang magpahinga. Kahit si Elias inabot ng pagod at takot aa kaniyang Jezebel. Hindi ko alam kung sino ang iyong Jezebel pero matapos ang pahinga at kain, handa na ulit si Elias na sumunod sa Panginoon. Magpahinga ka rin at kumain. Baka dumating ang kalinawan sa mga susunod na hakbang. 

Okey lang magpahinga. Para mabago ang iyong pananaw. Akala mo nag-iisa ka. Pero marami pala kayo, hindi mo lang alam. May 7000 tao pang hindi yumuyukod kay Baal. Hindi ko alam kung sino o anong Baal ang iyong hinaharap pero sigurado akong may 7000 pang kagaya mo. Hindi mo lang makita kasi napakalapit mo. Kailangan mong lumayo nang bahagya. 

Okey lang magpahinga. Dahil pagod ka. Ang hindi okey ay ang sumuko. Nagpapahinga ka lang para kapag may lakas ka na ulit, lalaban ka na. Hindi sumusuko ang mga Cristiano. Paano mo isusuko ang labang naipanalo na ni Cristo. Kailangan mong tumayo sa Kaniyang posisyun ng tagumpay. Hindi ka magtatagumpay sa iyong sarili kaya kailangan mong tumayo kay Cristo. Kapag napapagod ka, alalahanin mong may alok ng kapahingahan ang Panginoon. Hindi natin nakikita dahil masyado tayong malapit. Pero ang Kaniyang pamatok ay magaan at ang kapahingahan ay sapat. 

Magpahinga ka upang bukas laban ulit. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION