Mga Konklusyon ng Hari

 


Sa nakaraang blog sa Ecclesiastes, nakita natin kung paano hinanap ni Solomon ang kasiyahan mula sa iba't ibang dako. Hinanap niya ito sa pagbibigay sa kaniyang sarili ng anumang kasiyahan, sa alka, sa mga proyektong imprastraktura, sa pagplantito, sa pagtitipon ng mga alipin, mga hayop, ginto at pilak, mga musikero at maraming babae. Ngunit nasumpungan niyang wala isa man sa mga ito ang nagbibigay ng kasiyahan at kabuluhan sa buhay. 

Nadiskubre ni Solomon ang mapait na katotohanan (2:11-26): 1. Lahat ng bagay hiwalay sa Diyos ay walang kabuluhan (2:11). 2. Lahat ay mamamatay (2:12-16). 3. Iiwan niya ang kaniyang pinagpagalan sa iba na maaaring waldasin lang ito sa kamangmangan (2:12-16). Isa-isahin natin. 

2:11 Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat ng mga gawa, na ginawa ng aking mga kamay, at ang gawain na aking pinagsikapang gawin; at, narito, lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala, at walang pakinabang sa ilalim ng araw.

Matapos matipon ni Solomon ang lahat niyang pag-aari, matapos niyang matikman at magpakasasa sa lahat ng kasiyahnlan ng buhay, matapos niyang timbangin sa katapusan ng araw ang halaga ng lahat niyang karanasan at pag-aari, ang kaniyang tapat na konklusyon ay walang kabuluhan ang lahat. Ang lahat ay nauuwi sa wala, isa itong paghahabol ng hangin at walang pakinabang o bentahe sa ilalim ng araw. Bakit ito ang kaniyang konklusyon? Sapagkat sinubukan niyang maghanap ng kahulugan ng hiwalay sa Diyos. Ang kaniyang limitadong kaisipan at kakayahan ay nanatili sa ilalim ng araw, sa halip na magmuni sa mga bagay na nasa ibabaw nito, Col 3:1-3. Ito ay isang paalala sa ating lahat. Pinagdaanan na ito ni Solomon at kung makikinig tayo hindi na natin kailangang pagdaanan ang kaniyang mga kabiguan.

2:12 At ako'y pumihit upang masdan ang karunungan, at ang kaululan at ang kamangmangan; sapagka't ano ang magagawa ng tao na sumusunod sa hari? samakatuwid baga'y ang nagawa na laong panahon ng nakaraan.13 Nang magkagayo'y aking nakita, na ang karunungan ay humihigit sa kamangmangan, na gaya ng liwanag na humihigit sa dilim.14 Ang mga mata ng pantas ay na sa kaniyang ulo, at ang mangmang ay lumalakad sa kadiliman: at gayon ma'y aking namalas na isang pangyayari ang nangyari sa kanilang lahat.15 Nang magkagayo'y sinabi ko sa puso ko, Kung ano ang nangyari sa mangmang gayon ang mangyayari sa akin; at bakit pa nga ako naging lalong pantas? Nang magkagayo'y sinabi ko sa puso ko, na ito man ay walang kabuluhan.16 Sapagka't kung paano sa pantas ay gayon din sa mangmang, walang alaala magpakailan man; dangang sa mga araw na darating ay malilimutang lahat na. At kung paanong ang pantas ay namamatay ay gayon ang mangmang!

Bagama't kinikilala ni Solomon ang relatibong kalamangan ng karunungan sa kamangmangan, natanto ni Solomon na sa huli, iisang kapalaran ang babagsak sa kanila. Kung ano ang mangyayari sa mangmang (kamatayan) ay mangyayari rin sa kaniya (mamamatay kahit ang pinakamaturong na tao sa buong mundo). Ang namatay ay darating sa lahat, walang makakaalala, sila ay malilimutan at sa bandang huli, gaano man kalayo ang pagitan ng pantas at mangmang (liwanag at dilim), magkatabi silang hihiga sa libingan. Para saan ang pagsisikap ni Solomon? Para saan ang karunungan? Sino ang magpapatuloy ng kaniyang sinimulan? Ito ay tanong na nagbibiusa kaniya ng kabagabagan.

2:17 Sa gayo'y ipinagtanim ko ang buhay; sapagka't ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw ay mapanglaw sa akin: sapagka't lahat ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.18 At ipinagtanim ko ang lahat kong gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw: yamang marapat kong iwan sa tao na susunod sa akin.19 At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang mangmang? gayon ma'y magpupuno siya sa lahat ng aking gawa, na aking ginawa, at sa aking pinagpakitaan ng karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan.20 Kaya't ako'y bumalik upang aking alisan ng pagasa ang aking puso tungkol sa lahat na gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw.21 Sapagka't may tao, na ang gawa ay sa pamamagitan ng karunungan, at ng kaalaman, at ng kabihasnan; gayon ma'y sa tao na hindi gumawa niyaon ay iiwan niya na pinakabahagi niyaon. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan.22 Sapagka't ano ang tinatamo ng tao sa lahat niyang gawa, at sa nais ng kaniyang puso na kaniyang iginawa sa ilalim ng araw?23 Sapagka't lahat niyang kaarawan ay mga kapanglawan lamang, at ang kaniyang pagdaramdam ay hapis; oo, pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kaniyang puso. Ito man ay walang kabuluhan.

Bukod diyan, sa sandaling siya ay pumanaw iba ang magpapatuloy ng kaniyang mga nasimulan. Gaano man kahusay si Solomon, sa bandang huli, iba ang tatapos ng kaniyang mga proyekto, iba ang magpapasasa sa kayamanang kaniyang natipon at iba ang ang kikilalanin sa mga gawaing hindi naman siya ang nagpasimula at nagpagal. Dahil dito ipinagtanim niya ang buhay, hindi ibig sabihin na siya ay nagplantito, kundi siya ay nagtanim ng galit. Siya ay namumuhi sa buhay. Iba ang makikinabang sa kaniyang pinagpagalan, isang taong magtatamasa nito nang walang kahiraphirap at walang kasiguruhan na ang tagapagmanang ito ay maimis at maiingatan ang kaniyang pinagpaguran. Marahil habang sinusulat ni Solomon ang mga titik na ito, naiisip ni Solomon si Rehoboam, kung ito ba ay karapatdapat na tagapagmana. Ang kasaysayan ang nagsabing hindi. Sa isang maling desisyon, naiwala ni Solomon ang norte. Nabalewala ang pagpapagod ni Saul, ni David at ni Solomon upang pag-isahin ang dose tribo sa iisang bansa. Bukod diyan, dahil sa kamangmangan, naiwala rin ni Rehoboam ang kayamanan ng hari at ng templo sa Egipto. Hindi siya handa uoang labanan ang pananakop nito. 

Ano ang resulta kay Solomon? Kapangalawan, hindi makatulog at pighati. Wala siyang maaaring gawin na hindi kayang tapusin ng kamatayan. Ang masaklap maiiwan ang lahat sa tagapagmana na maaaring maiwala ang lahat, na nangyari sa kaso ng kaniyang anak na si Rehoboam. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)


Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION