Mga Konklusyon ng Hari, Part 2
Ecclesiastes 2:24 Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa. Ito man ay aking nakita na mula sa kamay ng Dios.25 Sapagka't sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakang higit kay sa akin?26 Sapagka't ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni't ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
Dahil sa realidad ng kamatayan, napagtanto ni Solomon na walang kabuluhan ang buhay. Hatid lamang nito ay kalungkutan, sama ng loob at puyat pag gabi. Pagdating ng kamatayan, iiwan mo ang lahat ng mga ito sa kamay ng ibang tao na hindi man lamang naghirap para rito. Ang masaklap pa ay maaring ang taong ito ay mangmang at hindi maimis sa mga bagay. Ang pinaghirapan mo nang buong buhay ay maiwawala sa isang saglit lamang.
Ganiyan ang nangyari sa kaniyang anak na si Rehoboam. Dahil sa mangmang na payo ng mga pinagkatiwalaan niyang tagapayo, na siyang nagpakain sa kaniyang ego, nakagawa siya ng desisyon na may matagalang resulta. Naiwala niya ang norte nang maghimagsik si Jeroboam mula sa kaniya. Nasayang ang pagsisikap nila Saul, David at Solomon na pag-isahin ang bansang Israel. At dahil sa kaniyang paglimot sa Diyos ng Israel, naiwala niya rin ang kayamanan ng hari at ng templo nang sugurin ng Faraon ang Israel. Marahil iniisip ni Solomon si Rehoboam nang sinusulat niya ito at siya ay napapalatak.
Sa liwanag ng kawalang kabuluhan ng mga bagay dahil si kamatayan ay nariyan upang pigilan kang tamasahin ang iyong pinagpagalan habambuhay, ano pala ang dapat gawin?
Ang payo ni Solomon? Magsaya habang buhay! Ang payong ito ay para sa lahat ng tao, mananampalataya man o hindi. Nasa tao na kung susundin niya ang payong ito sa maka-Diyos na paraan o sa makamundong paraan.
Ecclesiastes 2:24 Walang maigi sa tao kundi ang kumain at uminom, at pagalaking mabuti ang kaniyang kaluluwa sa kaniyang gawa. Ito man ay aking nakita na mula sa kamay ng Dios.
Ano ang itsura ng makamundong aplikasyon ng sitas na ito? Sila ang mga taong KATUGA (kain, tulog at gala). Walang alam gawin kundi magsaya dahil naniniwala silang ito na ang tunay na buhay, walang susunod na buhay. Ito ang pananaw ng mayaman sa Lukas 12:19. Ito ang pananaw ng mga pilosopo sa Corinto, 1 Cor 10:17;15:32.
Sa isang banda may espirituwal na aplikasyon din ito. Ang lahat ng bagay ay galing sa Diyos kasama na ang kakayahang magsaya sa lahat Niyang ginawa. Sa liwanag ng kaiklian ng buhay, maaari nating gamitin ang buhay upang magsaya sa Panginoon, 1 Cor 10:31. Pansining parehong gawain, kumain at uminom (sigurado akong hindi Wilkins ang tinutukoy dito) ngunit magkaibang aplikasyon. Ang isa ay aplikasyon ng taong nabubuhay lamang para sa sarili, gusto niyang makuha lahat ng kasiyahan bago mamatay. Ang ikalawa ay may kasiyahan sa Panginoon na Siyang pinagmumulan ng tunay na kasiyahan. Minsan, bugbog na tayo sa trabaho at nalilimutan nating magsiya sa Kaniya. Hindi nakapagtatakang ayaw ng mga tao sa ating pananampalataya dahil hindi makita ang kasiyahan bilang bunga ng Espiritu, Gal 5:22-24.
2:25 Sapagka't sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakang higit kay sa akin?
Sinasabi ni Solomon na may karapatan siyang magpayo dahil siya ang awtoridad pagdating sa kasiyahan. Walang makahihigit sa kaniya pagdating sa pagkain at kagalakan, kaya kung ipayo niya ito sa iba, lahat ay dapat makinig.
2:26 Sapagka't ang tao na kinaluluguran niya, binibigyan ng Dios ng karunungan, at kaalaman, at kagalakan: nguni't ang makasalanan ay binibigyan niya ng damdam, na magpisan at magbunton, upang maibigay sa kaniya na kinaluluguran ng Dios. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
Dito sinasabi ni Solomong ang kasiyahan ay nakadepende sa kaluguran ng Diyos. Sa taong kinaluluguran ng Diyos ay may karunungan, kaalaman at kagalakan. Dagdag pa diyan ang kayamanang nilipat ng Diyos mula sa makasalanan. Sa makasalanan, sila ay nagpisan at nagbunton, sabi nga ay select and collect, ngunit hindi niya mapakinabangan dahil kukunin ito ng Diyos at ibibigay sa iba. Iyan ang kapalaran ng mayaman sa Lukas 12. Sinong makikinabang ng kayamanan samantalang sa gabing iyan kukunin na ang kaniyang kaluluwa? Ayon kay Solomon ito ay walang kabuluhan at paghahabol sa hangin. Sa kahuli-hulihan ang pagsisikap ng tao ay hindi determina ng pag-e-enjoy nito. Ito ay nakadepende sa kaluguran ng Diyos at marahil dama ni Solomong ang kaniyang mga gawa ay hindi nakalulugod sa Kaniya.
Ituloy natin sa mga susunod na blogs.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment