Mga Diakono

 


Filipos 1:1 Si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nangasa Filipos, pati ng mga obispo at ng mga diakono:

Nang huling blog sinilip natin ang mga obispo. Sa blog na ito tingnan naman natin ang mga diakono. Ang salitang diakono ay nangangahulugang naghihintay sa iba o tagapaglingkod. Ginagamit ito sa hindi teknikal na paglalarawan ng mga lingkod at sa teknikal na gamit patungkol sa mga lalaki at babaeng katuwang ng obispo sa pamamahala ng lokal na iglesia. Halimbawa ng hindi teknikal na gamit ay ang pagtawag ni Pablo sa kaniyang sarili bilang diakono ng evangelio sa Filipos 3:7. Ang teknikal na gamit ay ang ating pasahe sa Filipos 1:1. 

Hindi tiyak kung kailan nagsimula ang pagtatakda ng mga diakono sa lokal na iglesia bilang mga katuwang sa pagpapatakbo nito pero marami ang naniniwalang ito ay nagsimula sa Gawa 6 bilang tugon sa nakikitang pagpapabaya sa araw-araw na diakonea ng mga pangangailangan ng mga balong mananampalatayang Helenista at pabor sa mga mananampalatayang taal na Hebreo. Upang maiwasan ang pagkukulang na ito, pumili ang mga apostol ng pitong lalaking magdi-diakoneo sa mga trapeza. Ito ay upang matutukan ng mga apostol ang Salita at ang pananalangin. Hindi tinuturing ng mga apostol na mababang ministri ang pagbabahagi ng pangangailangan ng mga balo, ngunit dahil limitado lamang ang oras sa isang araw, kailangan nilang magtakda ng prioridad. Pumili sila ng pitong lalaking mamamahala sa pamamahagi ng tinapay sa mga balo at magpapagaan sa kanilang obligasyon na magturo ng Salita ng Diyos at upang manalangin. Tandaan natin ang bagay na ito dahil ito ang trabaho ng diakono, ang mamahala sa pamamalakad ng lokal na iglesia upang makatutok ang obispo (na pumalit sa mga apostol) sa pagtuturo mg Salita ng Diyos at pananalangin. 

Hindi katulad ng obispo, walang kaloob ng diakono at ang opisinang ito ay bukas sa mga babae, 1 Tim 3:11; Roma 16:1. Sa halip ang kaloob na pinagkatiwala sa mga diakono ay masusumaryo bilang kaloob ng pagtulong at pamamahala, 1 Cor 12:28, at paglilingkod at awa, Roma 12:7,8; 1 Pedro 4:11. 

Ano ang mga kwalipikasyon ng isang diakono? 

1 Timoteo 3:8 Gayon din naman ang mga diakono dapat ay mahuhusay, hindi dalawang dila, hindi mahilig sa maraming alak, hindi mga sakim sa mahahalay na kapakinabangan;

9 Na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya ng malinis na budhi.

10 At ang mga ito rin naman ay subukin muna; kung magkagayo'y mamahalang may pagka diakono, kung walang kapintasan.

11 Gayon din naman ang mga babae dapat ay mahuhusay, hindi palabintangin, mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay.

12 Maging asawa ang mga diakono ng tigiisa lamang na babae, na pamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sangbahayan.

13 Sapagka't ang nangamamahalang mabuti sa pagka diakono, ay nangagtatamo sa kanilang sarili ng isang mabuting kalagayan, at malaking katapangan sa pananampalataya na kay Cristo Jesus.


Isa-isahin natin. 

"Gayon din naman ang mga diakono"- Matapos ilista ang kwalipikasyon ng mga obispo, inilista naman ni Pablo ang kwalipikasyon ng mga diakono. Malaki ang pagkakahawig ng dalawa dahil ang dalawang opisina ay nangangailangan ng mataas na pamantayan.

1. "Dapat ay mahuhusay". Ang mga diakono ay dapat mamuhay nang may dignidad, walang digta, upang hindi alimurain ng iba ang kaniyang opisina.

2. "Hindi dalawang dila." Ibig sabihin may isa siyang salita. Kapag siya ay nangako, kaniyang tutuparin. Ang kaniyang Oo ay Oo at ang hindi ay hindi. Kapag sinabi niya, tutuparin niya kahit ito ay personal na makakadehado sa kaniya, Awit 15:4.

3. "Hindi mahilig sa maraming alak." Kailan ma'y hindi pinagbawal ng Kasulatan ang pag-inom ng alak. Ipinagbabawal nito ang paglalasing dahil ito ay pinagmumulan ng kaguluhan, Ef 5:18. Maraming sitas sa Kawikaan ang nagpapakita ng kamanggagawa ng adiksiyon sa alak. Ang alkoholismo ay isang sakit na magagapi sa pamamagitan ng paglakad sa kalooban ng Diyos. 

4. "Hindi mga sakim sa mahahalay na kapakinabangan." Gaya ng obispo, ang kaniyang opisina ay hindi paraan upang kumita o yumaman. Hindi niya tinanggap ang trabaho para magkaroon ng koneksiyon sa simbahan para sa kaniyang mga negosyo o upang gawin itong legal at moral na "front" para magbigay lehitimasyon sa kaniyang hanapbuhay.

5. "Na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya ng malinis na budhi." Bilang lider, inaasahang ang diakono ay nanghahawak at may kakayahang ituro at ipagtanggol ang hiwaga ng pananampalataya. Samakatuwid ay hindi siya kasuwal na miyembro, kundi isang impormadong miyembro ng simbahan. 

6. "At ang mga ito rin naman ay subukin muna; ...kung walang kapintasan." Gaya ng obispo, hindi siya dapat baguhan sa pananampalataya. Ganuon din naman, siya ay dapat subok, ibig sabihin inimbestigahan ang kaniyang buhay at pananampalataya at nasumpungang karapatdapat sa kaniyang opisina. 

"Gayon din naman ang mga babae dapat ay"- Nang una kong ituro ang seryeng ito, hinawakan ko ang posisyung patungkol ito sa asawang babae ng diakono. Ngunit kalaunan nakumbinse akong ito ay hiwalay na opisina ng diakonesa. 1. Bakit hindi ito nabanggit sa obispo? Ang simpleng sagot ay walang babaeng obispo pero may diakonesa. 2. Ang paggamit ng "Gayon din" ay pormulang ginamit sa paglilista ng kwalipikasyon ng diakono, bakit ito magkakaroon ng hiwalay na kahulugan sa sitas na ito. Para konsistent, ito ay pasimula ng kwalipikasyon ng diakonesa. 3. Ang pinakanatural na basa ay patungkol ito sa diakonesa at hindi asawang babae lalo pa at sa susunod na sitas, ilalarawan ang asawa ng diakono. 

Ano ang katangian ng mga diakonesa? 

1. "Mahuhusay." Kapareho ng diakono.

2. "Hindi palabintangin." Gusto kong tumawa pero dahil ito ay Kasulatan, sabihin nating kilala ang mga babae bilang bintangera. 

3. "Mapagpigil." Gaya ng obispo at diakono, siya ay may malusog na espirituwal na buhay. Ang pagiging mapagpigil ay bunga ng Espiritu.

4. "Tapat sa lahat ng mga bagay." Ibig sabihin maasahan siya at ang kaniyang sinabi ay mapagkakatiwalaan. 

Ituloy natin ang mga diakono.

7. "Maging asawa ang mga diakono ng tigiisa lamang na babae." Tulad ng obispo, ang diakono ay serial monogamist at dapat biblikal ang kaniyang diborsiyo at pag-aasawang muli. Kung hindi, siya ay namumuhay sa pangangalunya. 

8. "Na pamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sangbahayan." Gaya ng obispo, ang kaniyang pamamalakad ng pamilya ay salamin ng kaniyang kakayahang mamahala ng iglesia ng Diyos. Kung hindi niya mapamahalaan ang kaniyang sariling sambahayan na sarili niyang dugo, paano niya mapapamahalaan ang iglesia na binubuo ng mga miyembrong hindi niya kaano-ano?

Dahil ang pagiging diakono ay hindi madali at nanawagan ng sakripisyo, ang Biblia ay may pangako sa mga may tungkuling ito. 

"Sapagka't ang nangamamahalang mabuti sa pagka diakono, ay nangagtatamo sa kanilang sarili ng isang mabuting kalagayan, at malaking katapangan sa pananampalataya na kay Cristo Jesus."

Dalawang pangako sa mga "nangamamahalang mabuti sa pagka diakono": 1. nangagtatamo sa kanilang sarili ng isang mabuting kalagayan; at 2. malaking katapangan sa pananampalataya na kay Cristo Jesus. Kahit ang maliit na bagay ng paglilingkod ay nakikita at gantimpalaan ng Diyos! Hindi man bisible ang pagiging diakono gaya ng obispo, ang kaniyang gantimpala ay tiyak naman sa harap ng Isang nakikita ang lahat ng mga bagay. 

Kung ikaw ay diakono, saludo at pugay! Isa kang katuwang sa pagsisigurong mapapatakbo nang maayos ang lokal na iglesia. 

(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION