HAPPY FATHER'S DAY! Ang Diyos Ama Ba Ay Kagaya ng Aking Ama?, Part 6
Narito ang ikatlong puntos ng mensahe (at panghuling blog) sa paksang Ang Diyos Ama ba ay gaya ng aking ama?
III. Paano tayo magiging ama sa ibang Cristianong nangangailangan ng ama sa pananampalataya?
Ang pariralang espirituwal na ama ay hindi makikita sa Biblia bagama't ang may mga sitas na nagpapakita ng espirituwal na pagkaana sa pagitan ng mga indibidwal at ng mga iglesia. Tinawag ni Pedro si Marcos na anak sa 1 Pedro 5:13. Tinawag ni Pablo si Timoteo na anak (1 Tim 1:2) at gayon din kay Onesimo (Filem 1:10).
Tumayong ama rin ang mga apostol sa iba't ibang kongregasyon. Tinawag ni Apostol Juan ang simbahang kaniyang sinulatan na mga anak, 1 Juan 2:1, 12-13. Ikinumpara ni Pablo ang kaniyang relasyon sa mga taga-Corinto bilang kapareho ng ama sa anak, 2 Cor 12:14-15. Ang parehong sentimyento ay makikita sa 1 Cor 4:13-15. Tinuring nilang nga anak ang mga mananampalataya na dapat alagaan at palakihin sa pananampalataya. Ngunit kapansin-pansing kailan man ay hindi tinawag ng mga mananampalataya ang mga apostol bilang Father o Padre.
Sa kasalukuyan, ang termino ay ginagamit bilang mentor o gabay sa mas nakababata sa pananampalataya. Sa ganitong paraan ang mga baguhang mananampalataya ay lalago sa pananampalataya at lalaking mga disipulong sumusunod sa utos ni Cristo, Mat 28:19. Ang mga nakatatandang babae ay dapat ding tumayong nanay ng mga mananampalatayang babae, Tito 2:4.
Bilang espirituwal na ama ni Timoteo, tinuruan siya ni Pablo ng doktrina at binigyan siya ng praktikal na pagsasanay nang siya ay isama ni Pablo sa ministri (2 Tim 1:13; Gawa 16:1-3; 2 Cor 1:9). Ito ang kulang sa ministri ngayon na ang empasis ay nasa teorya at wala sa aplikasyon. Kalaunan, si Timoteo naman ang tatayong ama sa pagtuturo sa iba, 1 Tes 3:2; 1 Tim 4:11-16.
Kung paanong ang Diyos ay Ama sa atin, sana ay tumayo tayong ama sa mga Cristianong nangangailangan nito.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment