HAPPY FATHER'S DAY! Ang Diyos Ama Ba Ay Kagaya ng Aking Ama?, Part 4
II. Ang Pagkaama ng Diyos
Puntahan natin ang ikalawang bahagi ng ating mensahe. Ano ba ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pagkaama ng Diyos?
Ang Biblia ay nagpapahayag ng limang aspeto sa pagkaama ng Diyos.
Una, Siya ang Unang Persona ng Trinidad. Naniniwala tayong may Tatlong Persona sa Iisang Diyos at ang Unang Persona ay ang Diyos Ama. Ang Tatlong Persona ng Diyos ay pantay-pantay sa ontolohiya ngunit ang Ama ang Una sa ekonomiko.
Ikalawa, hinahayag ng Biblia ang Diyos bilang Ama ng Panginoong Jesucristo, Roma 1:3. Nang pinili ng Diyos ang metaporang gagamitin sa paghahayag ng Kaniyang unique na relasyon kay Cristo, pinili Niya ang metapora ng pagiging Ama. Hindi nangangahulugang may asawang babae ang Diyos at si Cristo ang Anak. Bilang Diyos, si Cristo at ang Ama ay parehong walang pinagmulan at walang patutunguhan, isang katangiang tinatawag na eternidad. Ang eternal na pagkaama ng Diyos at eternal na pagkaanak ni Cristo ay larawan ng Kanilang maintimasyang relasyon. Ang sinumang walang maayos na relasyon sa kaniyang ama o anak ay hindi mauunawaan ito. May dahilan kung bakit ang pinakamalapit na lalaking role model ay tinatawag nating ama kahit hindi natin siya tunay na ama sa dugo dahil ang nilalarawan natin ay hindi ang pinagmulan kundi ang maintimasyang relasyon sa taong iyan. Kinilala ng Diyos si Cristo bilang Anak, Mat 3:17 at kinilala ng Anak ang Diyos bilang Ama, Mat 11:27.
Ikatlo, Ang Diyos ang Ama ng Israel, Jer 31:9. Siya ang nagpasimula ng Israel bilang katuparan ng pangako kay Abraham. Ang tanging pagkaamang kilala ng mga Judio ay nasyonal at korporal. Kaya nang tawagin ni Cristo ang Diyos na Ama sa indibidwal na diwa, tinuring nila itong kalapastanganan at handang batuhin si Cristo bilang capital punishment, Juan 5:18.
Ikaapat, ang Diyos ay Ama ng Sansinukob at Sannilalang, kabilang na ang mga hindi mananampalataya. Oo, kahit ang nga hindi mananampalataya ay may karapatang tawagin ang Diyos bilang Ama ngunit sa diwa lamang ng Tagapaglalang. Siya ay Ama nila dahil Siya ang Tagapaglalang nila. Si Pablo ay sinipi nang may pagsang-ayon at karagdagang paglilinaw ang isang tula ng makata sa Atenas na nagsasabing tayo ay mga lahi Niya, Gawa 17:28-29. Ang kakatuwa dito ay sa orihinal na tula si Zeus ang tinutukoy na may lahi sa kanila. Hindi sinipi ni Pablo ang pangalan ni Zeus dahil iyan ay mali at sa halip ipinakilala niya ang Tunay na Diyos na Hindi Nila Nakikilala bilang tunay na Maylalang. Ngunit sinipi niya ang totoong sinabi ng makata na ang mga tao ay lalang ng Diyos, hindi nga lang ni Zeus.
Ikalima, ang Diyos ay unique na Ama ng lahat ng mananampalataya. Unique dahil iba ito sa pagka-Ama ni Cristo sa Diyos (nananatili tayong tao) at sa pagka-ama ng mga hindi mananampalataya (wala silang espirituwal na relasyon sa Diyos). Ang lahat ng nanampalataya kay Jesus ay Anak ng Diyos, Juan 1:12; Gal 3:26; 4:7; Ef 2:19. Ang mga hindi mananampalataya ay mga espirituwal na anak ni Satanas, Gawa 13:10; anak ng impiyerno, Mat 23:15; at anak ng pagsalangsang at ng poot, Ef 2:2-3. Kung gusto mong maging anak ng Diyos, kailangan mong manampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Sa susunod na blog, tingnan natin kung ano ang mga ginawa ng Diyos para sa Kaniyang mga espirituwal na anak.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment