HAPPY FATHER'S DAY! Ang Diyos Ama Ba Ay Kagaya ng Aking Ama?, Part 3

 


Ituloy natin kung ano ang mga kabanalang dapat imodelo ng isang ama sa kaniyang mga anak. 

8. Ang maka-Diyos na ama ay hindi naiimpluwensiyahan ng alak at bisyo. Sa halip na kontrolado ng bisyo gaya ng alak (o droga), ang maka-Diyos na ama ay kontrolado ng Espiritu Santo. Ginagaya ng mga anak kung ano ang kumokontrol sa kanilang mga ama at kung ang diyos nila ay alak at droga, iyan din ang didiyosin nila, Exo 20:4-5. 

9. Ang maka-Diyos na ama ay nagpapasakop sa awtoridad. Siya ay sumusunod sa mga namamahala sa gobyerno, sa simbahan at sa trabaho, 1 Ped 2:18; Roma 13:1-2; Heb 13:17. Hindi niya ginagaya ang orihinal na kasalanan ni Satanas na kapalaluan at pagtangging magpasakop sa pamahalaan ng Diyos. Sa ganitong halimbawa, natututo ang mga bata maging masunurin sa mga awtoridad sa paaralan, simbahan at lipunan. 

10. Ang maka-Diyos na ama ay may leadership. Siya ang nangunguna sa pagsasagawa ng kabanalan. Dahil dito ang kaniyang mga anak ay susunod at tutulad sa kaniyang mga yapak, Kaw 17:6. 

11. Ang maka-Diyos na ama ay sumusuporta sa pangangailangan ng kaniyang pamilya. Kahit ang mga hindi mananampalataya ay nauunawaan ito, 1 Tim 5:8. Ngunit hindi lamang s pisikal na suporta, kailangan din ang emosyonal at sosyal na suporta. 

12. Ang maka-Diyos na ama ay nagbibigay ng oras sa kaniyang pamilya, at ito ay hindi sayang na oras. Pinahahalagahan niya ang pamilya sa pagugugol ng oras kasama ng mga ito. Both quality at quantity time. Hindi mapapalitan ng pera o luho ang atensiyong ibinibigay ng ama sa kaniyang mga anak. Kung inuubos ng ama ang kaniyang bakanteng oras sa barkada o sa alak, tinuturuan niya ang mga batang mas mahalaga ang mga barkada at alak kaysa pamilya.

13. Ang maka-Diyos na ama ay maawain sa kaniyang mga anak. Gaya ng sinasabi ng Awit 103:13, puno ng awa ang ama. Isipin ninyo ang ama sa parabula ng alibughang anak. Sinong ama ang nagbibigay ng ahas sa anak na humihingi ng isda?

14. Ang maka-Diyos na ama ay hindi sumusuko sa kaniyang anak. Siya ang numero unong cheerleader at presidente ng kaniyang fans club. Siya ang numero unong promoter. At kung mabigo man o maligaw ng landas ang anak, gaya ng ama ng alibughang anak, siya ay laging nakatanaw upang maghintay at tumanggap. 

15. Ang maka-Diyos na ama ay nananalangin para sa kaniyang anak. Tingnan ninyo ang halimbawa ni David na nananalangin para kay Solomon, 1 Cron 29:19. Mga ama, balutin ninyo ang inyong mga anak ng inyong panalangin para protektahan sila laban sa sanlibutan, sa diablo at sa laman. 

Anuman ang ating nakaraan o kabiguan, hindi pa huli para maging mabuting ama. Matuto tayong magtiwala sa Panginoon at hindi sa ating sariling kakayahan, Kaw 3:5-6. Maaari tayong maging mga amang maipagmamalaki ng ating mga anak. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)



Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION