HAPPY FATHER'S DAY! Ang Diyos Ama Ba Ay Kagaya ng Aking Ama?, Part 2
Tinapos ko ang nakaraang blog sa pagsabing ang Salita ng Diyos ang dapat maging batayan ng ating pagka-ama. At bilang mga ama, dapat nating imodelo ang mga espirituwal nitong katotohanan. Ngunit ano nga ba ang kabanalang dapat imodelo ng isang ama sa kaniyang mga anak?
1. Ang maka-Diyos na ama ay kilala ang Diyos. Dapat siya mismo ay mananampalataya kay Cristo at lumalago sa kaniyang relasyon sa kaniya. Hindi niya matuturuan ang anak na sumampalataya kay Cristo kung siya mismo ay hindi nanampalataya. Gayon din, hindi niya matuturuan ang mga batang lumapit at matakot Diyos kung siya mismo ay hindi lumalapit at walang takot sa Diyos. Paano niya masasabihan ang anak na magsimba, manalangin o mag-abuloy kung siya mismo ay hindi ito ginagawa?
2. Ang maka-Diyos na ama ay may paggalang sa kaniyang asawa. Isa ito sa pinakamalaking regalo ng ama sa kaniyang mga anak. Kapag nakita ng mga bata ang pagmamahal at paggalang ng ama sa asawa, lalaki silang may paggalang sa lahat ng kababaihan hanggang sa sila ay mag-asawa. Ef 5:25, 28.
3. Ang maka-Diyos na ama ay responsable aa espirituwal na buhay ng kaniyang mga anak. Madalas, iniisip ng mga ama na kapag naiabot na nila ang sweldo sa kanilang mga asawa, tapos na ang kanilang obligasyon. Ngunit hindi pa. Siya ang dapat tumayong pangunahing guro ng mga anak sa espirituwal na bagay, Ef 6:1-4; Kaw 22:6. Siya ang dapat magpakita sa kanila ng tamang landas na tatahakin upang hindi nila ito iwanan sa pagtanda.
4. Ang maka-Diyos na ama ay maingat sa kaniyang impluwensiya. Sa ayaw at sa gusto ng mga ama, tayo ay may impluwensiya sa ating pamilya. Ang "Gawin mo ang aking inuutos, huwag mong gayahin ang aking ginagawa," ang pinakamalungkot na paraan ng pagpapalaki ng mga bata. Mas natatandaan nila ang ating mga halimbawa kaysa ating mga salita. Kapag ang ating salita ay hiwalay sa ating mga gawa, tinuturuan natin sila ng hidden curriculum ng pagkaipokrito at kawalan ng integridad. Bakit hidden curriculum? Dahil walang amang matino na magtuturo ng ipokrisiya sa kaniyang mga anak. Ngunit kung tayo ay nagsasalita ng mga bagay na hindi nakikita sa ating mga gawa, iyan ang kanilang natututunan- okey lang pala magsalita, tutal hindi mo naman tutuparin. Sa tingin ninyo, ano ang natututunan ng mga bata sa mga salitang ito:
"Mahalaga ang simbahan kaya sige na pumunta ka na, pero dito lang ako sa bahay kasi may kainuman ako (o may trabaho)."
"Huwag na huwag kang nagsisinungaling sa akin pero kapag dumating yung maniningil, sabihin mong wala ako."
"Minura ko ang kapitbahay pero kapag narinig ko iyan sa iyong bibig, papaluin kita."
"Huwag na huwag kang magbibisyo pero bilhan mo ako ng alak at sigarilyo."
Mga ama, tayo ay mga sulat na binabasa ng ating mga anak (2 Cor 3:2-3). Ano ang nababasa nila sa ating mga halimbawa?
5. Ang maka-Diyos na ama ay modelo ng paglilingkod nang walang kapalit. No strings attached. Ang buhay ni Jesus ay isang buhay ng paglilingkod. Dapat natin Siyang gayahin, Mat 20:28, upang tayo ay gayahin ng ating mga anak. Kung makikita ng ating mga anak na tayo ay aktibo sa simbahan, lalaki silang aktibo rin sa simbahan.
6. Ang maka-Diyos na ama ay consistent. Ang mga bata ay naghahanap ng estabilidad at nakalilito sa kanila ang pagiging inconsistent. Dapat matutunan ng mga bata na kapag ikaw ay nagsalita, ito ay mangyayari kahit sa iyong ikasasakit, Awit 15:4. Dapat nilang maunawaan na ang iyong mga salita, sa sandaling masabi na, ay may independiyenteng pag-iral sa iyo. Ang iyong oo ay oo, at ang iyong hindi ay hindi. Sa ganitong paraan igagalang ng mga bata ang iyong salita. Hindi mo na kailangan ng threat of violence para masiguro ang pagsunod.
7. Ang maka-Diyos na ama ay maingat sa pagdidisiplina sa kaniyang mga anak. Bahagi ng pagpapalaki sa mga anak ang pagdidisiplina, Heb 12:9-10. Ang naingat na pagdisiplina ay naglalayo sa mga anak sa kapahamakan (Kaw 13:24; 18:19).
Ituloy natin sa susunod na blogs.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment