HAPPY FATHER'S DAY! Ang Diyos Ama Ba Ay Kagaya ng Aking Ama?

 


Una sa lahat, Happy Father's Day sa lahat ng makababasa ng Blog na ito. Tayo ang mga unsung heroes, mga bayaning hindi kinikilala ng mundo ngunit sandigan ng lipunan at simbahan. 

Sa araw na ito ang mensahe ko ay hamon sa mga ama na mamuhay sa biblikal na pagkaama at tingnan kung paano ang Diyos naging Ama sa ating mananampalataya. 

Sa isang blog na sinulat ni Jonathan Edwards sa TGC (July 20, 2016), malungkot niyang kinuwento na sa loob ng mahabang panahon, hindi niya matawag ang Diyos na Ama. Ito ay tila paghahambing ng mansanas sa kahel. Paano niya magagamit ang isang salitang tinuturing niyang marumi upang ilarawan ang pinakabanal at mapagmahal na Persona sa sansinukob? Sa loob ng mahabang panahon, ang salitang ama ay nagdadala ng imahen ng pang-aabuso. Paano niya masisigurong ang Diyos ay hindi kagaya ng kaniyang ama? Mabuti na lamang at sa biyaya ng Diyos nabago ang kaniyang pananaw, nagkaroon siya ng kapatawaran at pagtanggap sa puso at masayang natatawag ang Diyos na Ama. 

Sa blog na ito, hahatiin ko ito sa tatlong bahagi:

1. Ano ang tinuturo ng Biblia tungkol sa pagiging ama?

2. Ano ang paglalarawan ng Biblia sa Diyos bilang Ama?

3. Paano tayo magiging ama sa ibang Cristianong nangangailangan ng ama sa pananampalataya?

Unahin natin ang unang puntos. Ano ang tinuturo ng Biblia sa pagiging ama?

Ang pinakadakilang utos ng Biblia ay masusumpungan sa Deut 6:5, "At iyong iibigin ang Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa at ng iyong buong lakas." Sa v2, ibinigay ng Diyos ang obligasyon sa pagtuturo nito sa mga ama, na ito ay ituro sa kanilang mga anak at mga apo, sapagkat aa ganitong paraan hahaba ang kanilang buhay. Sa v6-7, makikita natin ang metodo: 1) Isapuso ang aral na inutos; at 2) Ituturo nang buong sikap sa inyong mga anak. Samakatuwid ang unang dapat matuto ng Salita ng Diyos ay ang ama, kailangan niya itong isapuso, o sa pinakasentro ng kaniyang pagkatao. Kapag naging bahagi ng kaniyang buhay ang Salita ng Diyos, saka niya lang ito ituturo sa kaniyang mga anak. At ituturo niya ito sa intensiyonal na paraan, "nang buong sikap." Hindi topsy turvy, kundi metodikal at purposibo. Makikita ito sa porma ng pagtuturo, habang nakaupo, nakatayo, naglalakad, mahihiga at maging sa pagbangon, samakatuwid, anuman ang kaniyang gagawin, dapat niyang gamitin ito bilang pagkakataon upang magturo ng Salita ng Diyos. 

Makikita natin ditong ang ama ay dapat aktibo sa pagsasanay sa mga espirituwal na bagay. Sabi sa Kawikaan 22:6, "Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran." Ang salitang turuan ay nagpapakitang ang mga magulang, ang ama sa partikular, ang dapat maging pangunahing guro sa lahat ng bagay patungkol sa tama at mali, hindi ang paaralan at hindi ang pastor. Ang mga ito ay suplementaryo lamang sa pangunahing obligasyon ng mga magulang na maging katuwang ni Cristo sa paghulma ng mga kawangis ni Cristo. Ang rule of thumb ay "at pagka tumanda na siya ay hindi niya hihiwalayan."

Sa Efeso 6:4, makikita natin ang sumaryo ng obligasyon ng ama sa anak. "At, kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, kundi inyong turuan sila sa saway at aral ng Panginoon." Ang negatibong bahagi ay nagsasabing huwag ipamungkahi sa galit, samakatuwid huwag silang "iritahin, pagurin o turuang magrebelde." Kailan nangyayari ito? Kapag ang ama ay sobrang higpit, o laging nagkukumpara o kaya ay inhustisya, tinuturuan niya ang batang magrebelde. Ang pag-aakalang ang isa ay laging tama dahil siya ay nasa posisyun ng kapangyarihan ay diktadurya at nagpapakita ng pagkamakasarili, ito ay magtutulak sa isang batang maghimagsik sapagkat sabi nga ng kanta, ibon man ay may layang lumipad, kulungin mo at umiiyak. Ang sabi ng mga Tagalog, kahit ang langgam kapag inapakan ay nangangagat din. Kung laging gagalitan ang anak nang walang dahilan, tinuturuan ninyo ang mga bata na isiping wala siyang halaga, hindi siya mahal at pinapatay ang natural na pag-ibig sa kaniyang puso.

Ang positibong bahagi ay turuan sila sa saway at aral ng Panginoon. Ang pagtuturo ay pagbibigay ng impormasyong kailangan, pagpapaalala sa tamang panahon at pag-alalay sa bata habang hindi pa matigas ang kanilang mga paa na tumayo sa tama. Nagkakamali ang mga bata hanggan hindi pa nila naitatanim sa isip ang mga aral, at bahagi ng pagtuturo ang pag-alalay sa kanila. Ang layon ay palakasin sila sa Panginoon. Nananawagan ito ng pagtuturo at disiplina. Nangangahulugan ito ng pagsasantabi ng regular na oras ng pangangaral at ng pag-enforce ng aral gamit ang matuwid na gamit ng rewards at punishment. Ang saway ay isang pagpapaalala kung sila ay nagkakamali at paraan upang matupad nila ang kanilang obligasyon. Ang trick ay paano ito gawin nang hindi sila nagrerebelde. Minsan ang dahilan kung bakit sila nagrerebelde ay hindi malinaw ang pamantayang dapat gawin o ang pamantayan ay hindi akma sa kanilang edad. Nalilito ang mga bata kung bakit sila pinapalo samantalang ang kanilang kalaro na gumawa nang parehong bagay ay hindi. Nagtatanim siya ng sama ng loob dahil kinukumpara niya ang kaniyang sarili sa ibang bata. Bakit ako napalo, sila ay hindi, samantalang pareho lang kami ng ginawa? Maiiwasan ito kung may malinaw na pamantayan at parusa sa paglabag. Halimbawa, bawal ang lumabas sa bahay nang alas otso ng gabi. Dapat malinaw ito sa mga bata. Kapag nakabag, may isang palo. Kung ito ay malabag, maaari mong tanungin ang bata, ano ang iyong kasalanan? Lumabas nang alas otso ng gabi. Ano ang parusa? Palo. Sa ganitong paraan, alam ng bata na ang palo ay nakadirekta sa kaniyang biolasyon at hindi sa pagkatao. Maiiwasan ang pagrerebelde dahil alam niyang may nilabag siyang pamantayan. Ang parusa ay dapat akma sa kasalanan. Sa tingin ko mali na paluin nang labis ang simpleng paglabag. At habang tumatanda ang bata, nagbabago rin ang parametro. Kung nuong bata pa ay bawal ang alas otso, marahil pag hayskul, hanggang alas nueve basta may kasamang mapagkakatiwalaan, nagpaalam nang maayos ay may regular na update sa selpon. 

Ang Salita ng Diyos ang ating pamantayan, 2 Tim 3:16-17. Ito ang source ng ating pagtuturi, pagsansala, pagsaway at sa ikatututo sa katuwiran. Sa ganitong paraan ang ating mga anak ay magiging sakdal at handa sa mabubuting gawa. At mangyayari lamang ito kung 1) isasapuso natin ang Salita ng Diyos, at 2) masikap natin itong ituturo sa kanila. Tayong mga ama ang dapat na magmodelo ng Salita ng Diyos sa ating mga anak. Sa susunod na blogs, tingnan natin kung ano ang mga bagay na dapat imodelo ng ama sa kaniyang mga anak. 

Binuo mula sa TGC, GQ, Ariel, mga dating sermon at AI. 


(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)




Comments

Popular posts from this blog

Nangungulila sa isang Ama

Mahirap mamangka sa dalawang ilog

THE ONLY TRUE RACIAL RECONCILIATION