Dinggin Mo ang Turo ng Iyong Ama
Kawikaan 1:8 Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina.
Isang malaking tungkulin at pribilehiyo ang binigay ng Diyos sa mga ama. Nakalulungkot na ang tungkulin at pribilehiyong ito ay napababayaan. Sa isang banda ang sanlibutan ay minamaliit ang institusyon ng pagiging ama. Kinakapon ng sanlibutang ito ang pagiging ama sa pamamagitan ng pagmamaliit sa kapangyarihan nito. Sa mga kwento at pelikula madalas na ilarawan ang mga ama bilang iresponsable at pabaya, at ang mga ina ang sumasalo ng kakulangan. Maaaring totoo ito sa ilang pamilya ngunit sa patuloy na pagkakarikatura ng institusyon ng ama, nino-normalize nito ang kawalang kapanyarihan at puwang ng mga ama sa tahanan. Hindi nakapagtatakang ni hindi na tumataas ang ating mga kilay kapag nakakakita tayo ng mga tahanang walang haligi. Sinanay na tayong ito ay normal at dapat tanggapin na walang pagmumuni.
Ang nakalulungkot ang emaskulasyon na ito ay naririnig na rin sa mga pulpito. Inuulit natin ang tinig ng sanlibutan sa pag-atake sa mga ama. Imbes na palakasin natin ang kanilang loob, pinupuna natin ang kanilang kakulangan. Sa pagkakataong ito, pinupuna sila sa kakulangan ng espirituwal na pamumuno. Ang masaklap ang pamumuna ay walang kaakibat na programa na pupuno sa pinupunang kawalan ng pamumuno.
Nakapagtataka bang nalilito at napapagod ang mga ama? Saan sila lulugar? Sa tingin ko ang susi ay nasa pagpapalakas ng espirituwal na buhay ng mga ama at mangyayari ito kung papansinin ng iglesia ang kanilang pangangailangan.
Hindi nauunawaan ng iba ang bigat ng responsabilidad na nakapatong sa balikat ng mga haligi ng tahanan. Sa isang banda, kailangan nilang maghanap-buhay upang tugunan ang pisikal na pangangailangan ng pamilya. Sa isang banda, sila rin ang mga lider espirituwal ng kanilang mga pamilya. Ang pagbabalanse ng materyal at espirituwal na pangangailangan ay hindi madali, lalo kung walang umaalalay sa kanila. Ang nakalulungkot mas inaalalayan ng sanlibutan ang mga pagod na ama kaysa ng iglesia. Isang tanong, bakit mas pinipili ng mga pagod na ama ang pumunta sa sanlibutan upang mag-relax kaysa pumunta sa simbahan? Maraming sagot, ngunit isa rito ay binibigay ng sanlibutan ang suportang hindi binibigay ng iglesia. May pagtanggap at pakikiramay sa sanlibutan, may paghatol at pamumuna sa simbahan.
Sa sanlibutan, nakauupo sila sa palibot ng isang mesa, may bote ng alak (drink moderately) at pulutan at nakakapagkwento ng kanilang hinaing sa buhay. May makikinig, may magpapayo, may makikibahagi. Sa simbahan, ang tangi lamang naririnig ay pamumuna, panghuhusga at pagsarado ng tainga sa kanilang kalagayan. Sa sanlibutan may yayakap at aalalay, walang ganito sa simbahan.
Kailangan nating palakasin ang mga haligi ng tahanan. Sapagkat kung hindi, babagsak ito at sa pagbagsak ng tahanan, kasamang babagsak ang iglesiang binubuo nito. Hindi ito madali pero panahon na upang ikansela ang negatibong impluwensiya ng sanlibutan sa mga ama. Kung hindi sila iginagalang ng sanlibutan, sa simbahan dapat silang pahalagahan.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment