Ang kahalagahan ng pahinga
Ang kahalagahan ng pahinga
Exodo 23:12 Anim na araw, na iyong gagawin ang iyong gawain, at sa ikapitong araw, ay magpapahinga ka: upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga; at ang anak na lalake ng iyong aliping babae, at ang taga ibang lupa ay makapagpahinga.
Kadalasan, eksayted ako sa Semana Santa. Kadalasan ito ay kasinkahulugan ng walang pasok at pahinga mula sa trabaho. Bagama't hindi kami sumusunod sa tradisyon ng kinagisnang relihiyon, ito ay isang nakatutulong na oras para magmuni at magnilay sa ginawa ni Cristo sa krus, sa Kaniyang pagkalibing at pagkabuhay na maguli. Panahon ito upang hamunin ang mga tao na tanungin at siyasatin ang Biblia: Bakit namatay si Jesus sa krus?
Ngunit ang linggong ito ay kakaiba. Sa halip na magbigay ng kapahingahan, ito ay isang linggo nang walang tigil na paggawa. Una sa lahat ito ay examination week kaya sa pagitan ng pagpapaexam, pagpapachek (salamat sa aking mga estudyanteng boluntaryo't sapilitang nagchek ng papel) at pagrerekord ng mga pinasang outputs, lalo pa't hinahabol mong magawa ang mga ito bago magbakasyon sa Myerkukes Santo, ubos ang iyong lakas. Ang mga hindi natapos sa paaralan ay bibitbitin mo sa bahay.
Bukod diyan, nataon ding ito ay alumni homecoming ng aming alma mater, kung saan ako rin ay nagtuturo. Kailangang maki-coordinate sa eskwelahan at magpasa ng inside information sa mga GC ng aming batch upang mas higit silang makapaghanda para sa aming alumni reunion (salamat sa masisipag na miyembro ng Masinuhay Batch 2003).
Ito rin ang iskedyul sa house to house evangelism ng simbahan sa Amoguis. Bilang bahagi ng isang lokal na kongregasyon, ito ay isang obligasyong dapat gawin. Halfday nga lang akong nakasama dahil may obligasyon pa sa eskwelahan at sa alumni na dapat ding tugunan.
Ang buong Sabado ay ang alumni reunion mismo. Wala akong lakas at social capital para magpuyat kaya bago gumabi nang husto umuwi rin ako.
At sa panghuli ay ang Linggo na espesyal na Linggo. Ito ay iskedyul ng pinagsamang Bible studies ng dalawang simbahan, church luncheon, business meeting at Lord's Supper. Nanawagan ito ng espesyal na pag-oorganisa para maging maayos at mabunga ang pagtitipon. Kailanagang siguruhing magagampanan at mapupunan ang lahat ng kakulangan, kasama na kung sino ang magmemensahe, tutugtog, mageespesyal number atbp. Bilang host ng quarterly na gawaing ito, gusto kong maging maayos ang lahat dahil anumang kabiguan ay tinta sa iyong abilidad bilang lider.
Ipalaman pa sa lahat ng mga ito ang obligasyon ng pagpapatakbo ng pamilya- yung mga performance tasks ng mga bata, paglalaba, yung mga hayop, atbp.
Resulta: patang katawan. Hindi lamang ang aking katawan kundi ng aking pamilya na suportado ang lahat ng mga ito. Pagod ang katawan, pagod ang isip, at kung magiging tapat tayo sa ating mga sarili, pagod na emosyon, lalo pa kung hindi naaapreciate ang lahat mong nagawa.
Sa background ng mga kaabalahang ito na lahat ay dapat gampanan (Sabi ni Luther, ang mga Cristiano ay mga alipin at napapailalim sa lahat), nagkaroon ako ng mas malaking apresasyon sa sabbath provision ng Biblia. Ibinigay ito ng Diyos sa Israel upang magkaroon ang katawan ng kinakailangang pahinga at relaksasyon upang may lakas na bumangon kinabukasan, handang sumamba, maglingkod at maging bahagi ng lipunan. Nakalulungkot na ito ay naging legalismong pagsusundin ng mga relihiyon, nalilimutang ang sabbath ay ginawa para sa tao at hindi ang kabaligtaran (ngunit ang repeleksiyon na iyan ay para sa ibang araw).
Kailangan ng katawan ang magpahinga. Kalabaw man ay napapagod din.
(Kung gusto ninyo ng karagdagang impormasyon, bisitahin ninyo kami. May pagtitipon kami sa Dahat, kada Linggo, alas 8:30-10:30 am. Sa Amoguis, 1:00-3:00 pm. Sana manampalataya kayo at kita-kita tayo.)
Comments
Post a Comment